Utos ng Palasyo
Pinatutunayan nitong malakarnabal na mga pangyayari sa Senado ang palsipikadong retorika na hindi naiimpluwensiyahan ang mataas na kapulungan sa anumang eksternal na presyur, partikular ng pangulong sabik sa pandarambong at kapangyarihan.
Nitong Mayo 20, ilang araw bago magbakasyon ang mga mambabatas, inanunsiyo ni Sen. Juan Miguel Zubiri ang kanyang pagbibitiw bilang senate president. Sa kanyang talumpati, sinabi niya, “I failed to follow instructions from the powers that be.”
Ikinabigla ito ng marami. Pero kung tutuusin, noon pang nakaraang taon nagpahayag na si Zubiri na magbibitiw siya bilang pinuno ng Senado kung mapapatunayan niyang may mahigit 13 kapwa senador ang boboto pabor sa pagpapalit ng liderato. Sa madaling salita, uunahan niya ang pagtatangka ng kudeta para maisalba ang sariling pangalan.
Ayon kay Zubiri, tumindi ang mga atake sa Senado nitong Enero matapos pangunahan niya ang pagbabaliktad sa utos ng Malacañang hinggil sa people’s initiative, isang paraan ng Charter change (Cha-cha) o amiyenda ng Konstitusyon.
Dumagdag pa rito marahil ang pagpayag ni Zubiri na ipagpatuloy ang pagdinig hinggil sa “PDEA leaks” kung saan dawit din ang pangalan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa ganitong gana, malinaw at hindi na dapat ikagulat pa na ang pangulo rin mismo ang kumander ng kudeta laban kay Zubiri na naging dahilan ng kanyang pagbibitiw. Ito’y kahit pa itanggi ng 15 senador na bumoto pabor sa pagpapatalsik kay Zubiri, lalo ng pumalit bilang senate president na si Sen. Francis Escudero.
Bilang mga nagbabalatkayong mga politiko na may mga pansarili’t gahamang interes, nakatuon ang kanilang atensiyon sa pagpapanatili sa poder sa halip solusyunan ang mga hinaing ng mamamayang Pilipino tulad ng makabuluhang dagdag-sahod at disenteng trabaho.
Pinatutunayan nitong malakarnabal na mga pangyayari sa Senado ang palsipikadong retorika na hindi naiimpluwensiyahan ang mataas na kapulungan sa anumang eksternal na presyur, partikular ng pangulong sabik sa pandarambong at kapangyarihan.
Halos inamin na nga ni Zubiri kapag hindi nasusunod ang utos ng naghahari-harian, sa isang kumpas ay maaari ring bawiin ang pinahiram na kapangyarihan nito—tulad ng nangyari sa kanya.
Higit dito, pinatunayan nito ang papalaking bitak sa Uniteam. Kaya naman gano’n na lang ang ambisyon ng pangulo na garantiyahin at konsolidahin ang kanyang pampolitikang lakas at kapangyarihan sa lumalalang away-politika sa pagitan nilang mga garapal ng burukrasya. Lalo pa ngayong papalapit ang 2025 midterm elections na siyang magdidikta sa magiging takbo at kalalabasan ng 2028 presidential elections.
Mahalagang pansinin na isang hunyangong basalyo ang ipinalit kay Zubiri—matagal na sa politika at may koneksiyon bilang ang ama niya’y naging parte rin ng gabinete noong panahon ng diktadurang Marcos Sr. Samantala, mayorya sa mga senador na nagtaksil kay Zubiri ang kakandidato sa susunod na taon.
Hindi naman na nakabibigla ang lahat ng mga ito. Bilang mga nagbabalatkayong mga politiko na may mga pansarili’t gahamang interes, nakatuon ang kanilang atensiyon sa pagpapanatili sa poder sa halip solusyunan ang mga hinaing ng mamamayang Pilipino tulad ng makabuluhang dagdag-sahod at disenteng trabaho.
Pero ang lahat ng ito’y paggiya lang para libangin at ilihis ang atensiyon ng publiko. Kaya marapat lang na maging mapanuri ang bawat mamamayan at labanan ang pinupursiging Cha-cha at iba pang mapaniil na patakaran ng rehimen.
Dahil sa huli, walang anumang utos ang makalalamang sa pagkakaisa ng mamamayan na tunay na mapagpasya at makapangyarihan—wala sa Senado, Kamara o Malacañang.