#KuwentongKabataan

Buhay biyahero


Maraming bersiyon at iba-iba talaga ang kuwentong biyahero ngunit sigurado na puno ng pagod at pawis sa pagsulong sa rumaragasang ilog tungong tagumpay na maaaring mong ikapahamak at ikasawi.

Nalilito ang katawan kung ano ang unang idadaing. Nakaupo sa dulo ng bus, tulala, gutom at pabagsak na ang talukap ng mga mata.

Sa mundo ng pagbiyahe isa ang malinaw: lahat tayo pagod.

Kasabay ng iniindang pagod at pagsisisi, sa ganitong tagpo ko tinatanong ang sarili kung bakit ba mas pinili kong mag-aral sa malayo.

Maraming bersiyon at iba-iba talaga ang kuwentong biyahero ngunit sigurado na puno ng pagod at pawis sa pagsulong sa rumaragasang ilog tungong tagumpay na maaaring mong ikapahamak at ikasawi.

Sa hindi nagbabago at nakakairitang lagay ng transportasyon sa bansa, aabutin ng tatlo hanggang apat na oras ang biyahe, hindi pa kasama ang paghihintay sa matagal na pagdating ng sasakyan. Lugi kung tutuusin, pero mas maloloka ako sa aking palagay kung hindi ako uuwi. 

Simbolo man ng nakakapagod na araw ang ingay ng kalsada at mga ilaw sa daan na panandalian kang inaaliw. Ngunit sa nagdaang isang taon na pamamalagi sa Maynila, mas naging sabik ako sa ganitong paligid dahil alam kong naririto ako sa tagpong ito tuwing uuwi sa amin.

Imbis na mas mabugnot, pinili kong libangin ang sarili sa mga tagpo sa labas ng bintana na parang kuha sa pelikula. Mga tindera sa bangketa na kumakayod para mabuhay, mga paang nagmamabilis upang makarating sa patutunguhan, at bawat indibidwal na may mga matang sumisigaw ng pangarap at dedikasyong umangat sa buhay at pilit sinusuong ang hirap nang may kaba at takot. 

Pinansin ko ang mga taong nakikipagsagupaan sa rush hour at pilit kinukubli ang pagkainis sa malalang lagay ng trapiko na sanhi ng mabagal na daloy ng mga sasakyan. Halata mo ang inis sa malalakas at sabay-sabay na busina. 

Madalas kong sisihin ang gobyerno sa palpak na pamumuno at bigong maglunsad ng mga programa upang maampatan ng karampatang solusyon ang traffic na mayroon ang bansa.

Una na riyan ang patuloy na dumadaming bilang ng mga sasakyan. Kung maaayos ang lagay ng transportasyon, hindi nanaisin ng iba ng bumili ng kotse o ng ride hailing apps sa pag-aasam na makaiwas sa trapiko. Ngunit kung susuriin, dahil sa pagtaas ng bilang ng mga sasakyan sa lansangan, mas sumisikip ito. 

Wala ring aksiyon para maiayos ang kalsada at ruta. Mas pagod tuloy ang lahat sa biyahe kaysa sa aral at trabaho. 

Pangarap kong makabili ng kotse noon na simbolo sa karangyaan at komportableng pamumuhay. Nagbago ito nang umapak ako sa siyudad at magisnan ang katotohanan na dulot nito na siyang nagpapalala ng lagay ng transportasyon.

Mas masarap pa rin isipin na wala mang sariling sasakyan, maayos at komportable ang sasakyang siksikan man ang lulan ay mabilis pa rin ang daloy pauwi. Walang trapiko at abala na dagdag perhuwisyo sa hirap ng araw-araw.