Pagbawi sa nasayang na oportunidad
Maraming aral ang nakuha ko sa pamamalagi sa Pinoy Weekly na hindi ko natutuhan sa loob lang ng klase.
May mga pagkakataon sa buhay na parang wala tayong ganang sumubok ng bagong bagay. Maaaring ayaw natin maglaan ng oras at pagod para gawin ito. O ‘di kaya’y natatakot tayo sa kahihinatnan kapag nagkamali at hindi nasunod ang plano natin.
Ganito ko mailalarawan ang karanasan ko sa kolehiyo bilang journalism student. Mahigit tatlong taon na akong iskolar sa Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas. Sa panahong ito, diretso bahay ako palagi pagkatapos ng klase dahil walang pinagkaabalahang extracurricular activity.
Bagaman sumali bilang opinion writer sa isang student publication ng dalawang taon, pakiramdam ko hindi ito sapat kung ikukumpara sa iba na sagana sa karanasan sa pagko-cover ng mga kaganapang pampaaralan at pagsusulat ng balita ukol dito.
Pakiramdam ko tuloy hindi pa ako handa sa larangang gusto ko tahakin. Kaya hiniling ko ngayong 4th year na magamit ang internship para mahabol ang mga bagay na pinalagpas kong matutuhan dati.
Sana hindi ako mapunta sa kompanya o publikasyon na gagawin lang akong taga-transcribe o ‘di kaya’y tagasaing at tagabili ng kape. Kaya laking pasasalamat ko at napadpad ako sa Pinoy Weekly.
Sa totoo lang, wala akong ideya kung paano ang sistema ng internship dito pero may kakaibang pakiramdam na nagsasabing magiging masaya ang pamamalagi ko dito.
Hindi ko malilimutan ang una kong assignment—filing ng Certificate of Candidacy (COC) ng mga tatakbong senador ng Makabayan Coalition. Naiinterview ko ang ilan sa kanila. Nakakuha rin ako ng ilang pictures at videos na nagamit sa Facebook updates at reels.
Higit sa lahat, ginawan ko ito ng balita katulong ang isa pang intern na nai-post sa website at nasama rin sa diyaryo. Ang dami kong nasubukang gawin sa loob ng isang araw. Malaking tulong din na may staff na sumama at gumabay sa ‘kin sa buong proseso.
Lalo pang naging makabuluhan ang mga sumunod na araw dahil sunod-sunod din ang coverage. Magsasaka at mangigisda ang beat ko at natapat na Buwan ng mga Magbubukid nitong Oktubre kaya kabi-kabilang kilos-protesta at press conference ang nangyari.
Sinikap kong daluhan lahat at doon nasaksihan ko ang buong pusong pakikibaka nila sa lansangan. Sa bawat balita at lathalain na nagawa ko tungkol sa mga magbubukid, lalong lumalalim ang respeto at kamalayan ko sa tunay na kalagayan nila.
Bukod sa mga coverage at article, nag-organisa rin ng mga workshops at educational discussions ang Pinoy Weekly para sa ‘ming mga intern. Paborito ko sa lahat ang photography workshop dahil na-apply ko agad ito sa mga sumunod kong pagkuha ng larawan.
Maraming aral ang nakuha ko sa pamamalagi sa Pinoy Weekly na hindi ko natutuhan sa loob lang ng klase.
Naging kumportable akong magtanong nang magtanong dahil napaligiran ako ng mga taong handang umalalay sa baguhang tulad ko. Kung dati ayaw kong sumubok ng bagong bagay dahil baka pumalpak lang, ngayon hindi na.
Napagtanto ko na sa mga panahong hindi ako natatakot magkamali, doon ako mas natututo.