#KuwentongKabataan

Pananaw noon at ngayon 


Totoo na mapanganib ang mundo para sa mga peryodista. Subalit higit na magiging mapanganib ang lipunang kinabibilangan kung mawawala ang mga alagad ng midya na patuloy na lumalaban para sa katotohanan.

Kung babalikan ko ang mga tagpo sa buhay ko bilang isang campus journalist, tiyak halo-halong emosyon ang mararamdaman ko. Maaaring tuwa, lungkot, takot o pagsisisi. Subalit habang papalapit ang pagtatapos ko bilang isang manunulat sa publikasyon na kinabibilangan ko sa aming kolehiyo, mas nangingibabaw ang determinasyon at masidhing pag-aasam na maging ganap na manunulat sa larangan ng midya. 

Katulad ng iba, nagsimula rin ako bilang manunulat sa elementarya. Napabilang sa kategorya ng pagsulat ng lathalain at pagsulat ng agham. Noong una, hindi ko masyadong sineryoso ito dahil ang tanging layunin ko’y magkaroon ng kakaibang karanasan bago magwakas ang huling taon sa elementarya. Nakakalungkot na sa huli ko na lang napagtanto na may natatago akong talento sa pagsulat.

Kaya sa pagtungtong ng ikapitong baitang, buo ang loob ko na maging bahagi ng Special Program in Journalism (SPJ) sa isang paaralan sa Quezon City. Naging malalim ang aking interes at pagmamahal sa peryodismo dulot na rin ng aking kagustuhan na ipagpatuloy ang nasimulang karanasan sa pahayagang pangkampus. 

Sa kabila ng nakakapagod na pagsasanay sa pagsulat ng mga artikulo, iba rin ang dulot na saya sa akin. Lalo na sa tuwing suot ko ang aming press ID habang lumalakad sa bawat pasilyo sa aming paaralan. Pakiramdam ko, araw-araw akong may suot na medalya dahil sa agaw tingin nitong laki.

Naging patnugot ng lathalain sa aming publikasyon na Ang Pananaw. Walang araw na lumipas na hindi abala at magulo ang aming silid dahil puspusan ang pagsusulat ng mga artikulong ihahabol sa diyaryo.

Nakakatuwa na sa hayskul ko nahanap ang tamang pagkakataon upang paghusayin ang aking kakayahan sa pamamahayag. Subalit hindi ko sukat akalain na sa hayskul din masusubok ang aking hangarin na maging peryodista. 

Taong 2018, hindi ko maitatanggi na nakaramdam ako ng takot at pangamba sa panahong iyon. Lalo na kaliwa’t kanan ang mga balita ng karahasan sa mga mamamahayag dulot ng kamay na bakal na pamumuno ni dating Pangulong Rodrigo Duterte. Napanghinaan din ng loob dahil marami ang nagsasabi sa akin na delikado ang tinatahak kong propesyon.

Totoo na mapanganib ang mundo para sa mga peryodista. Subalit higit na magiging mapanganib ang lipunang kinabibilangan kung mawawala ang mga alagad ng midya na patuloy na lumalaban para sa katotohanan.

Ngayon na nasa huling bahagi na ako ng aking buhay bilang estudyante, pinilit kong ipagpatuloy ang pagiging isang campus journalist. Bagaman nakakapagod dahil tila hindi sapat ang 24 oras upang gawin ang mga tungkulin sa tahanan at paaralan, malaki ang naitulong nito sa akin sa pagpapalawak at pagkakaroon ng progresibong pananaw sa mga isyung panlipunan.

Bagaman sa kasalukuyan, lumobo ang mga kaso ng panunupil sa mga mamamahayag sa ilalim ng administrasyong Marcos Jr., mas naging dahilan ito upang sanayin ang sarili na makapagsulat ng mapagpamulat na mga artikulo. 

Kung noon, takot ang una kong naramdaman dulot ng mga nakapanlulumong pangyayari sa nakaraaang administrasyon. Ngayon, ang mga panggigipit at pandarahas ng estado’y tila nagsilbing tuntungan ko upang mas lalong tumindig at bigyang boses ang mga istoryang pilit na pinatatahimik.