Dagdag-sahod, pananagot sa korupsiyon, sigaw sa protestang Uwian
Liban sa panawagan sa nakabubuhay na sahod at pagpapababa ng presyo ng langis at bigas, idiniin din ng mga grupo ang pagpapanagot sa abuso sa poder, korupisyon at katiwalian.

Ikinasa ng iba’t ibang progresibong grupo ang isang protestang Uwian (Unite for Wage Increase at Against Nakaw sa Gobyerno) na pinangunahan ng Kilusang Mayo Uno (KMU) sa Elliptical Road sa Quezon City, hapon ng Ene. 23, para sa nakabubuhay na sahod, pagpapababa ng presyo ng langis, bigas at iba pang bilihin, at panagutin ang mga kurakot at tiwali.
Ayon sa KMU, paghahanda ang nasabing kilos-protesta para sa malawakang pagkilos laban sa korupsiyon at kawalang pananagutan sa Liwasang Bonifacio sa darating na Ene. 31.
Mayor na panawagan ng KMU ang pagtaas ng sahod ng mga manggagawa tungong nakabubuhay na halaga dahil sa walang patid na pagtaas ng presyo ng langis at mga pangunahing bilihin tulad ng bigas.
Ayon sa Ibon Foundation, napakalayo ng P645 arawang minimum wage sa National Capital Region (NCR) sa tinatayang P1,223 na family living wage o halagang kinakailangan para punan ang mga pangangailangan ng pamilyang may limang miyembro sa rehiyon.
Iginigiit ng KMU na dapat ibasura na ang mga buwis na ipinapataw sa mga bilihin tulad ng 12% na value-added tax at excise tas sa mga produktong petrolyo dahil ibinabaon lang nito ang mamamayan sa lalong kahirapan. Malaking tulong anila ang pagtatanggal sa mga buwis upang mapababa ang presyo ng langis at pagkain.
Dagdag pa dito, binigyang-pansin ng Amihan National Federation of Peasant Women at Gabriela Women’s Party ang pagbabasura sa Rice Liberalization Law na lalo anilang nagbukas sa merkado sa pagbaha ng imported na bigas na pumapatay sa lokal na agrikultura.
Liban sa panawagan sa sahod at presyo, idiniin din ng mga grupo ang pagpapanagot sa estado at mga armadong puwersa nito sa patuloy na pagdami ng mga kaso ng paglabag sa karapatang pantao, abuso sa kapangyarihan at hindi wastong paggamit sa kaban ng bayan.