Kaya pa ba?
Hanggang ngayon, taingang-kawali ang pamahalaan sa panawagan ng mamamayan para sa nakabubuhay na sahod, regular na kabuhayan, at makabuluhang hakbang para mapababa ang presyo ng mga pang-araw-araw na bilihin.

Sumasambulat sa sambayanan ang sunod-sunod na pagtaas ng mga presyo kahit pa ipinagmamalaki ng Palasyo at mga economic manager na bumagal ang implasyon sa 3.2% nitong 2024 mula sa 5.98% noong 2023.
Sa totoo lang kasi, hindi naman tumigil ang pagtaas ng presyo. Bumagal lang ang pagtaas at nananatiling mataas ang halaga ng mga batayang pangangailangan.
Hanggang ngayon, taingang-kawali ang pamahalaan sa panawagan ng mamamayan para sa nakabubuhay na sahod, regular na kabuhayan, at makabuluhang hakbang para mapababa ang presyo ng mga pang-araw-araw na bilihin.
Hindi magkamayaw ang taumbayang hirap na hirap na kung saan kukunin ang pantustos para sa pangangailangan ng kani-kanilang pamilya. Lumiliit ang halaga ng piso—samakatuwid, lumiliit ang tunay na halaga ng kita—sa patuloy na pagtaas ng mga presyo at nagtitiis sa lumalalang kalagayan sa hanapbuhay.
Sa huling sarbey ng Social Weather Stations (SWS), tumaas sa 25.9% ng mga Pinoy nitong Disyembre 2024 ang nagsabihin nakaranas sila ng kagutuman mula sa 22.9% noong Setyembre 2024. Iniulat din ng SWS na 63% ng mga Pinoy nitong Disyembre 2024 ang nagsabing naghihirap sila mula sa 59% noong Setyembre 2024.
Hindi ito palaisipan na kailangan ng matinding pagkunot ng noo para malutas. Alam natin ang dahilan at mga makatarungang solusyon.
Mababang pasahod, sunod-sunod na tanggalan, patuloy na panggigipit sa mga unyon, pagpapalayas sa mga maralitang lungsod, kawalan ng sapat na disenteng trabaho, pagpatay sa maliliit na kabuhayan at kawalan ng matinong suporta sa repormang agraryo at agrikultura ang ilan lang sa hinaharap ng mamamayan.
Dumausdos din ang purchasing power ng piso sa mga nakalipas na taon. Ang piso noong 2018, nagkakahalaga na lang ng 78 sentimos ngayon.
May mga solusyong inilalatag ang mamamayan para malutas ang kahirapang dinaranas. At hindi ito ibibigay ng gobyernong nangangayupapa sa malalaking dayuhan at lokal na korporasyon para makinabang sa dambuhalang kita kapalit ng pagdurusa ng taumbayan.
Sa pag-aaral ng Ibon Foundation nitong Disyembre 2024, P518 ang tunay na halaga ng P645 na minimum wage sa National Capital Region na higit kalahati lang ng P1,223 na family living wage o halagang kinakailangan kada araw para mamuhay nang disente ang isang pamilya.
Sabi ng ilang mamimili, wala na nga raw halos mabili ang P1,000 sa mga pamilihan. Napagkakasya pa dati ang P1,000 para sa pagkain ng isang pamilya sa isang linggo, kasya na lang ang ito sa tatlo o apat na araw ngayon.
Pagkain pa lang ang usapan, wala pa riyan ang para sa pamasahe, kuryente, tubig at renta sa bahay. Kung may magkakasakit sa pamilya, pipiliin na lang na tiisin dahil walang sapat na pera para magpatingin sa doktor at pambili ng gamot.
Sa kalunos-lunos na kalagayan ng kabuhayan at kita ng mamamayan at patuloy na pagtaas ng mga presyo, walang maibigay na maayos na tugon ang rehimeng Marcos Jr.
Patuloy ang sigaw ng manggagawa sa nakabubuhay na sahod, kaseguruhan sa trabaho at pagrespeto sa karapatan sa pag-uunyon. Nangangalampag pa rin ang mga magbubukid para sa tunay na repormang agraryo, suporta sa lokal na produksiyon ng pagkain at kompensasyon sa pinsala ng kalamidad. Iginigiit pa rin ng mga maliliit na tsuper, opereytor at komyuter ang pagbasura sa Oil Deregulation Law at buwis sa langis.
May mga solusyong inilalatag ang mamamayan para malutas ang kahirapang dinaranas. At hindi ito ibibigay ng gobyernong nangangayupapa sa malalaking dayuhan at lokal na korporasyon para makinabang sa dambuhalang kita kapalit ng pagdurusa ng taumbayan.
Hindi katanggap-tanggap na habang bundat ang mga malalaking negosyante at tiwaling politiko sa mga pabor at pabuya ng rehimeng Marcos Jr. ay nanatili sa abang kalagayan ang taumbayan na siyang tunay na bumubuhay sa bansa.
Kaya nating baguhin ang kalagayan ng mamamayan nang sama-sama. Kailangang palakasin ng mamamayan ang kanilang tinig at ibuhos ang ating galit para maningil ng katarungan sa pambubusabos, korupsiyon, katiwalian at inhustisya sa bayan.