Komunidad ng UP Diliman, sama-samang umindak kontra karahasan


Sa temang Rise for Freedom, sama-samang umindayog sa Quezon Hall ang mga mag-aaral, guro at kawani ng pamantasan para sa dignidad, kalayaan at katarungan.

Nagtipon ang mga estudyante, empleyado, at mamamayan ng University of the Philippines (UP) Diliman noong Peb. 14 sa pangunguna ng UP Diliman Gender Office (UPDGO) upang lumahok sa taunang One Billion Rising (OBR), isang pandaigdigang kampanya laban sa lahat ng anyo ng karahasan sa kababaihan.

Sa temang Rise for Freedom, sama-sama silang umindayog sa Quezon Hall bilang anyo ng protesta at pagkakaisa para sa dignidad, kalayaan at katarungan.

Kasabay ng pagdiriwang ng Araw ng mga Puso, iginiit ng mga lumahok na ang tunay na pagmamahal ay nakabatay sa pagkakapantay-pantay ng lahat ng kasarian.

“Tigilan natin ang karahasan laban sa kababaihan, ano mang anyo ito. Ang pagmamahal natin sa isa’t isa ay walang kinikilalang kasarian. Dapat itong bukas sa pag-unawa at respeto,” ani Zeny Lectura, pangulo ng Samahan ng mga Kababaihan para sa Kaunlaran at dating kapitana ng Barangay UP Campus.

Ngunit higit pa sa selebrasyon ng pagmamahal, isang matibay na panawagan ang umalingawngaw sa programa: ang pagwawakas sa sistematikong pagsasamantala at karahasan sa kababaihan—sa loob at labas ng pamantasan.

“Kalakhan ng manggagawa sa UP ay kababaihan—mula sa guro hanggang sa academic personnel—ngunit sila rin ang pinakanaaabuso sa mababang sahod at kawalan ng seguridad sa trabaho. Ang ugat nito ay nasa sistemang kapitalista at patriyarkal na pinapahirapan hindi lamang ang mga kababaihan kundi buong mamamayan,” ani Kit Kwe ng All UP Academic Employees Union.

Binigyang-diin din ang kawalan ng pananagutan at patuloy na pang-aabuso hindi lang sa hanay ng kababaihan kundi sa buong mamamayan.

Hinimok ni Kwe ang lahat, lalo na ang mga kababaihan, na lumahok sa darating na midterm elections upang ipanalo ang mga tunay na kinatawan ng mga kababaihan at mamamayan tulad ng Gabriela Women’s Party at Makabayan Coalition.

Idiniin naman ng UPDGO na hindi lang pisikal na karahasan ang kailangang labanan kundi pati ang mga ideolohiyang patriyarkal na nagpapalaganap ng kaisipang pang-aapi sa mga kababaihan.

“Kalaban natin hindi ang mga lalaki, kundi ang patriyarkang ideolohiya na nagtuturo ng ganitong pananaw,” pahayag ng UPDGO.

Nanindigan din ang mga dumalo na kailangang ipagpatuloy ang laban ng mga kababaihan, lalo na sa darating na Peb. 25, bilang paggunita sa Pag-aalsang EDSA.

“Bagamat hindi pa tayo ngayon isang bilyon, titiyakin nating magpaparami tayo, kasama natin ang ating pamilya at iba pang mga mahal sa buhay sa laban na ito,” dagdag pa ng UPDGO.

Sa Peb. 25, muling babangon ang mga kababaihan upang sama-samang labanan ang korupsiyon, kahirapan at kawalan ng pananagutan sa kasalukuyang sistemang panlipunan.