#KuwentongKabataan

Sa likod ng mga sabi-sabi


Bilang lumaki sa Kamaynilaan, palagi akong nakakakita ng mga balita tungkol sa Tondo. Kadalasang masasamang impormasyon ang mga lumalabas na nagpapakitang nagkalat ang krimen sa lugar.

Dikit-dikit na mga bahay, maliliit na eskinita, kahit saang sulok ng lugar ay may makikitang kalat.

Ganito ang araw-araw na eksena sa Tondo, Maynila, ang lugar na itinuturing na may pinakamaraming maralitang lungsod sa Pilipinas. Mahirap ang sa mga nakatira sa lugar, mga taong kadalasang pinagkakaitan ng oportunidad dahil sa kanilang lugar na pinagmulan.

Ngunit, bakit nga ba ganito na lang kadaling mawalan ng oportunidad ang mga taga-Tondo?

“Pugad ng mga kriminal,” ito ang kadalasang naririnig ko sa tuwing napag-uusapan ang Tondo. 

Bilang lumaki sa Kamaynilaan, palagi akong nakakakita ng mga balita tungkol sa Tondo. Kadalasang masasamang impormasyon ang mga lumalabas na nagpapakitang nagkalat ang krimen sa lugar.

Ang kahirapan at kakulangan ng oportunidad naman ang mga ipinapakita sa mga dokumentaryo dahilan para mahikayat akong maniwalang hindi totoong “pugad ng mga kriminal” ang lugar.

Ngayong nag-aaral ako ng kolehiyo sa Baguio City, samu’t sari ang mga naririning kong kuwento tungkol sa Tondo.

Naalala ko nang minsang nakisalamuha ako sa mga kapwa estudyante ko, biglang binanggit ng isa kung gaano kadelikado ang manirahan sa Kamaynilaan. Nakikinig lang ako sa kanila hanggang sa marinig ko ang mga salitang, “Kailangang nakasuot ka ng bulletproof pag nagpunta ka sa Maynila,” bigkas ng isa sa amin.

Nagulat ako sa kaniyang sinambit at bigla kong naalalang taga probinsya siya, dahilan para maging ganito kanegatibo ang tingin niya sa lugar.

Binanggit niyang puro negatibong impormasyon ang napapanood niya sa balita tungkol sa Tondo na nagresulta para magkaroon siya ng kaisipang mapanganib ang lugar.

Bigla kong naalala noong high school ako, masama rin ang tingin ko sa lugar at sa mga residente rito pero nagbago ito nang nakapanuod ako ng iba’t ibang dokumentaryo tungkol sa kanila.

Ang masasamang balitang lumalabas tungkol sa Tondo ay tumatatak sa isipan ng mga tao sa iba’t ibang panig ng bansa hanggang sa maging negatibo na ang pananaw nila sa lugar, hindi lang sa lugar kundi pati narin sa mga residente mismo.

Hindi na nakakapagtaka kung bakit marami ang takot at kabado pagdating sa lugar at mga residente nito. Mga residenteng naghihirap at nakikipagsapalaran sa kagutuman para makaraos sa pang araw-araw na pamumuhay.

Naalala ko ang YouTube vlog na napanood ko tungkol sa lugar. Nang mapanood ko ito, masasabi kong kabaliktaran ang lahat ng mga iniisip ng karamihan. Kung maglalaan lang sila ng oras, tiyak na magugulat sila sa kabaitang taglay ng mga residente.

Kung kikilalanin lang ang mga residente sa lugar, may mabibigat silang pinagdadaanan. Problema sa matinong matitirhang bahay ang pangunahing tinik sa dibdib ng mga residente, dagdag pa rito ang panahon ng tag-ulan dahil bahain ang maraming lugar.

Ang kawalan ng oportunidad sa trabaho ang isa pang problema ng mga residente. Napipilitan silang gumawa ng paraan upang kumita ng pera, gaya na lang ng pangangalakal at pagtitinda ng “pagpag”—mga natirang pagkain mula sa mga fast food restaurant na lulutuin ulit. Diskarte ang kanilang puhunan para mairaos ang araw-araw na pagsubok sa mga buhay nila.

Maraming kabataan ang pinipiling maghanapbuhay imbis na pumasok sa paaralan. Para sa kanila, kung hindi sila kikilos, walang mangyayari sa kanilang mga buhay kaya isinasakripisyo nila ang pag-aaral makatulong lang sa pamilya.

Nakakalungkot na katotohanan pero naisasawalang bahala ito ng marami dahil sa mga negatibong balita. Ang mga taong kinakatakutan nila’y may mga sarili ring kinakatakutan—ang takot na walang makain at para sa kanilang kaligtasan araw-araw.

“Kung tutuusin, puwede nila akong nakawan or worse saktan. Mag-isa lang ako e, tapos sila, marami. Tapos nandito pa ako sa lugar nila. Wala namang reresbak sa ‘kin e. Pero hindi, sumakay lang sila sa trip ko tapos hinayaan lang nila ako sa ginagawa ko kasi wala naman akong ginagawang masama sa kanila,” ani Sheanner Navarro sa kanyang vlog tour sa Tondo. 

Ang katotohanan ng isang bagay ay makikita lang kapag ito ay naranasan na mismo ng isang tao. Isa itong patunay na ang Tondo ay may kabutihang tinatago sa likod ng mga negatibong pananaw.

Sa kabila ng lahat ng negatibong pagtingin sa mga residente ng Tondo, mapapatunayang ito’y mga sabi-sabi lang. Kung mabibigyan lang ang mga residente ng oportunidad na makagpasalita tungkol kanilang tunay na pagkakakilanlan, makikita na sila ay kagaya rin natin, naiiba man ang paraan ng kanilang pamumuhay.