Hindi na kasingtamis ng tsokolate
Dalawang dekada na ang lumipas, naroon pa rin siya sa abroad. Nag-aalaga ng matanda, naglilinis ng bahay, nagluluto para sa ibang pamilya. Tumanda na siya sa ibang bansa at hindi nakapag-asawa.

Tsokolate, magarang damit, bagong sapatos, mga laman ng balikbayan box mula sa Middle East.
Ganyan ako sinanay sa layaw ng aking tita. Kada buwan ang padala ng mga gamit kaya’t kung lumabas ako ng bahay ay malimit.
Akala ko noon, ang buhay ay pagtapat lang sa kompyuter maghapon. Isasaksak ang broadband stick na niloadan ng singkwenta pesos, type ng friv.com, itaas ang volume ng speaker hanggang mapagod ang mata, walang puknat sa kakalaro.
Naalala ko pa ang kompyuter na ginamit ko noon ay mula sa bansang Lebanon. Nasa Arabic pa ang mga letra at matagal ko iyong inabangan mula noong sumulat ang aking tita na may ipapadala siyang sorpresa.
Lumipas ang mga taon at umedad na ng trese ang bata, nagkaroon na ng wisyo at lumalabas na tuwing hapon kasama ang mga tropa.
Nag-iba na ang hilig ko noon, imbis na kompyuter, bisikleta na. Pero paborito ko pa rin ang Bounty chocolate na dumarating kada ikatlong linggo ng buwan.
Ngunit simula noon, napansin ko na ang pagkakaiba. Ilan taon lang ang lumipas at ang malaking karton ng balikbayan ay unti-unting lumiliit.
Isang hapon noong 2016, narinig kong kausap ng tatay ko sa telepono ang tita ko kung ano ang mga ipapaayos sa bahay.
Sa pagkakaalam ko, ang sabi ng tatay ko, “Remy, kailangan na palitan ang yero dahil wala na sa pagkakapako at kinakain na ng kalawang.” Ang sagot ng tita ko, “Puwede bang sa sunod na remittance na lang” dahil gagastusin sa gamot ng aking lola.
Sabay hablot ako ng telepono at masayang binati ang aking tita, nakita ko ang ngiti niya na wala pa gaanong kunot sa noo noon, ngunit kinuha ulit ng tatay ko dahil tinitipid nila ang roaming load.
Pinalipas ko ang araw na iyon pero nag-iwan sa akin ng tagubilin na dapat akong mabahala dahil hindi na kayang magbigay ng sobra ang tita ko.
Dalawang dekada na ang lumipas, naroon pa rin siya sa abroad. Nag-aalaga ng matanda, naglilinis ng bahay, nagluluto para sa ibang pamilya. Tumanda na siya sa ibang bansa at hindi nakapag-asawa.
Sa pagtaas ng presyo sa Pilipinas, mas bumigat ang kanyang pasanin, malayo sa tulad ng unang dahilan kung bakit siya umalis dito. Gusto niya lang sana makapag-ipon at magtayo ng negosyo ngunit napunta sa kanya ang responsibilidad bilang breadwinner ng aming pamilya.
Mas inasahan siya ng kanyang mga kapatid sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan habang tinutugunan ang buwanang gamot sa pneumonia ng kanyang ina na edad nobenta.
Ang dating palaging sobra, ngayon, nabibitin na sa bawat padala. Hindi na epektibo ang sinasabing mas malaki ang sahod sa ibang bansa dahil mahal na rin ang presyo sa Pilipinas.
Dahil sa kakulangan ng trabaho dito, napipilitan tuloy ang mga Pilipino para piliin ang pagtatrabaho sa ibang bansa.
Akala pa ng ilan, kapag may nag-abroad sa pamilya, may kakayahan na at hawak-hawak na pera ngunit ang kabaliktaran pala, marami na ang tanging tumutuloy na lang upang malagpasan ang bawat araw na dumadaan.
Sa pakikinig ko sa kanyang karanasan at ngayon na mas matanda na ako, tila mas pipiliin ko na lang kumain ng ginisang ampalaya kaysa ngumata ng tsokolateng matamis pero iniisip ang bawat dolyar na kapalit mula dinaranas niyang pagod.
Kahit ano pa man, saludo ako kay Remy, sa tita ko. Malayo man sa pamilya, dekada na ang patunay upang mabigyan kami ng suporta. Isang bayaning migrante na patuloy umaabante.