Sino ang titindig kasama ang mahihirap?
Darating lang ang tunay na demokratikong pagbabago sa pamamagitan ng eleksiyon kung pipili tayo ng mga lider na tunay na kasama ng mahihirap sa kanilang pakikibaka para sa makatarungan at maunlad na bayan.

Malapit na ang midterm elections, at kapansin-pansin na kakaunti lang ang mga kandidato na may tunay na nagtatanggol sa mga mahihirap. Kalakhan sa mga kumakandidato sa pagkasenador, dinaan ang kampanya sa pagpapatutsada, mga gimik at pagbibiro nang masama sa kababaihan. Umaasa sila, tulad ng napatunayan sa kasaysayan, na makakakuha ng boto ang pagpupusturang macho at kontra-kababaihan.
Napaglumaan na ba ang dating gawi ng mga tradisyonal na politiko (trapo) na nagpapanggap na interesado at nangangakong iaahon tayo mula sa kahirapan, o nagkukunwaring pareho tayo ng uring pinagmulan? Dagok na ba sa kampanya at politika ang pakikiisa sa mahihirap, dahil na rin sa pagkabigo ng gobyerno na labanan ang kahirapan?
Magbubukid sa laylayan ng kahirapan
Makikita sa opisyal na datos ang tindi ng kahirapan sa bawat batayang sektor. Sa huling tala noong 2023, pinakamataas ang poverty incidence (bahagi ng populasyon na nakakaranas ng kahirapan) sa bagong kategorya na indigenous peoples (32.4%), na sinundan ng mga mangingisda (27.4%) at mga magsasaka (27%).
Noong 2021, na hindi pa itinatala ng gobyerno ang mga indigenous people (IP) sa datos sa kahirapan, mga mangingisda (30.2%), magsasaka (29.9%) at mga nasa kanayunan (25.6%) ang may pinakamalaking populasyon ng mahihirap.
Nagtatagpo ang danas ng mga sektor na ito kahit pa may tukoy silang katangian sa opisyal na sarbey. Halimbawa, may mga magsasakang IP, at may mga mangingisda na pana-panahon nagtatrabaho sa mga sakahan. Kapag nilahat ang mga sektor na ito, sila ang kinikilala bilang mga magbubukid, ang pinakamalaking sektor sa bansa na hinubog ng agraryo at atrasadong karakter ng ekonomiyang palagiang nabubusabos ng mga puwersa sa pamilihan.
Ang mga magbubukid, na walang lupa at niyuyurakan ang karapatan, kumakayod nang maliit ang sahod kahit mapanganib sa mga lugar-paggawa, sa ilalim ng mga kondisyong hindi makatao, para sa mga trabaho na madalas seasonal at palipat-lipat. Malaking bahagi ng mga trabahong ito, impormal at walang mga regulasyon.
Bulnerable pa ang sektor sa land use conversion o pangangamkam ng lupa, reklamasyon, mga “development project,” at ang kaakibat ng militarisasyon para sa lahat ng ito. May salik rin ng kasarian sa trabaho ng mga magbubukid—mas mababa ang sahod ng kababaihan na hindi binibigyang karapatan sa pag-aari, hindi binibigyan ng mas mataas na katungkulan, at madalas pa hindi kinikilala o binabayaran.
Likhang minorya
Nakatala na sa kasaysayan ang pagtataboy sa mga IP mula sa kanilang lupang ninuno, sa bisa ng estado na responsable dapat sa pagtaguyod ng karapatan nila sa sariling pagpapasya. Gamit ang Indigenous Peoples’ Rights Act (IPRA) ng 1997, ipinangibabaw ng gobyerno ang konsepto ng pribadong pagmamay-ari sa lupa, doon sa nakaugalian mismo ng mga IP na pagpapahalaga sa kolektibong pagmamay-ari ng lupain.
Kasama ng IPRA, ginamit ang iba’t ibang batas sa Pilipinas para paboran ang pribatisasyon ng lupa, ang pagmimina ng mga dayuhang kompanya, pagtayo ng mga megadam, ecotourism, at iba pa, na tuligsa sa punto dapat ng IPRA na pagdepensa sa karapatan ng mga IP.
Matagal nang pinagdurusahan ng mga IP ang pagiging minorya. Biktima sila ng brutal na militarisasyon—pilit na pagpapalikas, malawakang pambobomba, pagsira sa kabuhayan at pagpatay—na kasangkapan sa pangangamkam ng lupang ninuno. Hindi sila binibigyang priyoridad sa mga serbisyong pampubliko. At madalas silang biktima ng pangungutya, panghuhusga at kawalan ng tunay na representante sa politika.
Ayon sa Philippine Statistics Authority, nasa 9.1% lang ng populasyon, katumbas ng 9.9 milyong tao, ang kabuuan ng mga IP mula sa 110 ethnolinguistics groups at ang Bangsamoro. Ito ang bilang ng populasyon na ginagamit sa pagtataya ng tindi ng kahirapan.
Pero may ibang taya na nagpapakitang 20% ng populasyon ng bansa ang mga IP, katumbas ng 22 milyong tao. Naipapakita ng diperensiya sa opisyal na bilang kung gaano nakakaligtaan at nababalewala ang mga IP at ang kanilang danas.
Marhinado
Para sa isang pulo-pulong bansa, nakakalungkot isipin na umaasa ang karamihan sa mga mangingisda, sa simple at pasibong gamit pangisda, at mga bangkang walang katig na mahina ang makina, kung mayroon man. Marami sa kanila, hindi pagmamay-ari itong mga kagamitan sa produksiyon—nagrerenta sila o sumasama sa pagpapalaot dala lang ang kanilang lakas-paggawa.
Dahil sa ganitong mababang antas ng produksiyon, kasabay pa ng pananamantala ng malalaking kompanya ng yamang dagat at ng pagkasira ng kalikasan, ilang dekada nang papaliit nang papaliit ang huli ng mga karaniwan o maliliit na mangingisda.
Sa bisa ng Philippine Fisheries Code ng 1998, tanging mga maliliit na mangingisda ang pupuwede sa municipal waters o katubigan na may 15 kilometro mula sa baybayin. Ngunit may probisyon sa batas na nagbibigay ng kapangyarihan sa mga local government unit (LGU) na bigyan ng karapatan ang mga commercial vessel [mula sa malalaking kompanyang pangisda] sa municipal waters, sa ilalim ng ilang kondisyon.
Pinapayagan ang mga commercial fishing vessel sa municipal waters kapag mas malalim ito sa 12.8 metro at kapag nakakuha ng permiso sa LGU. Sa kasamaang palad, may ilang metro lang mula sa baybayin, higit na agad sa 12.8 metrong lalim ang municipal waters.
Nagagamit ng mga korporasyong pangisda ang probisyon na ito para pasukin ang pangisdaan ng karaniwang mga mangingisda na nagiging dahilan para lalong lumiit ang huli nila. Nagagamit rin ng malalaking korporasyon ang probisyong ito para sampahan ng kaso ang mga LGU. Madalas, kinakampihan ng mga korte ang dambuhalang mga korporasyon.
Sa tala noong 2022 ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), may 2.3 milyong mangingisda ang nakarehistro: 1.2 milyon ang nanghuhuli ng isda; 259,448 sa aquaculture; 157,161 ang nagbebenta ng isda, at ang iba pa sa mga trabaho na konektado sa pangingisda. Ang bulto ng populasyon o 1.9 milyon mga nangingisda, sa municipal waters. Tulad ng mga IP, ang libo-libong mangingisda—mahirap tukuyin ang eksaktong numero dahil sa maligoy na katangian ng trabaho—umaasa rin sila sa seasonal o pana-panahon at impormal na trabaho para makaraos.
Pinagkaitan ng hustisya
Sa loob ng ilang siglo, nanatili ang ilang katangian ng pagsasaka sa Pilipinas: pagsasaka ng pami-pamilya na may maliit na operasyon na nakaasa sa ulan para sa patubig at ginagamitan pa rin ng handtools katuwang ang mga alagang hayop. At nariyan ang mga asyenda at korporasyong agrikultural na kakarampot magpasahod sa mga manggagawang bukid na susi sa pag-export ng mga produkto.
Matapos ang ilang siglo, namamayagpag ang pribadong pag-aari at monopolyo sa lupa.
Bukod sa pagbabayad ng renta, bihag rin ang mga magsasaka ng mga middleman at mga trader na nagpapautang ng kapital na may katakot-takot na tubo, palugi na binibili ang ani ng mga magsasaka, at sagarang mahal ibinibenta ang mga kagamitan sa pagsasaka, kasama na ang kailangan ng mga pamilya para mabuhay. Tapos binabarat pa ang kita ng mga magsasaka, higit lalo sa mga kanayunan sa mga probinsyang may mababang minimum wage.
Ayon sa pinakahuling sensus sa sektor ng agrikultura noong 2022, 78.2% ng populasyon ng mga magsasaka ay hindi pa rin nagmamay-ari ng lupa na kanilang sinasaka. Binibilang sa populasyon ng mga magsasaka ang mga pamilya na may isa o higit pang miyembro na nagtatrabaho sa mga gawaing agrikultura.
Pito sa bawat 10 parsela ng lupa ay hindi pa ganap na pag-aari ng mga magsasaka. Bumaba rin ang bilang ng mga parsela ng lupa na pagmamay-ari ng mga magsasaka mula sa 3.6 milyon noong 2012 papuntang 2.4 milyon noong 2022.
Matapos ang aabot sa 70 taon ng mga programang reporma sa lupa, lalo pang lumala ang isyu ng kawalan ng lupa. Nakakabahala, pero hindi nakakagulat.
Sa huling programang reporma sa lupa, ang 1988 Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP), nauwi sa “reporma sa lupa” sa isang simpleng transaksiyon ng pagbebenta ng lupa. Dahil puno ng butas ang batas, nauwi lang ito sa muling konsolidasyon ng mga lupa sa kamay ng mga may-ari.
Mula rito, naging madali para sa gobyerno na ipakilala ang neoliberal na “market-oriented land reform,” na pinapangibabaw kung paano sa pagkakitaan ang lupa. Posibleng pagmulan ng pinansiyal at produktibong yaman ang lupa, at sa ilalim ng neoliberalismo, mas binibigyang priyoridad ang presyo ng lupa kaysa sa produksiyon ng agrikultura, na tulak sa higit na pang-aagaw ng lupa para sa mga proyektong real estate.
Dahil dito, tinalikuran na ng gobyerno ang pag-unlad ng agrikultura at ng kanayunan. Nasa 69% lang ng mga irigableng lupa ang may irigasyon, na katumbas ng 19% lang ng mga lupang pang-agrikultura. At tanging 22% lang ng gawaing bukid—karamihan ay sa paghahanda ng lupa at paggiik—ang mekanisado.
Umaasa ang bansa sa inaangkat na abono, pestisidyo, makinarya sa pagsasaka, mga metal para sa paggawa ng mga kasangkapan, binhi, at sa kalaunan ay pagkain at mga produktong agrikultural. Ilang henerasyon nang nagsasaka ang mga magsasaka, ngunit wala pa ring tunay na pamamahagi ng lupa para sa kanilang nagbubungkal nito. Sa neoliberalisasyon, pinagkakaitan ang mga magsasaka ng katarungang panlipunan.
Para sa tagumpay
Hindi na ikininakaila o itinatago na laban sa mahihirap ang mga patakaran sa bansa, at naging sistematiko ang pagpapalaganap ng kahirapan. Hindi lang pinabayaan ng estado ang mahihirap, aktibo pa nitong sinusuportahan ang karahasan laban sa kanila sa pamamagitan ng militarisasyon, mga crackdown, red-tagging at pamamaslang.
Ayon sa pag-aaral ng human rights group na Karapatan, mula Hulyo 2022 hanggang Disyembre 2024, mayroong libo-libong biktima ng mala-batas militar na pamamalakad sa kanayunan, mga food at economic blockade [o pagpigil sa pagpasok ng pagkain at iba pang aktibidad pang-ekonomiya sa isang lugar], paglimita sa kalayaan sa paggalaw, sapilitang pagpapalikas, pambobomba mula sa himpapawid, at pagsira sa mga bukirin at mga kabuhayan. Sa 119 kaso ng extrajudicial killings na naitala sa buong bansa, 86 ang mga magbubukid.
Iilan lang sa mga kandidato sa Senado ang tunay na kumakatawan sa mahihirap—kapansin-pansin ang mga mula sa Makabayan Coalition. Mula sa kanila ang mga lider na nakaugat sa kani-kanilang sektor at may malalim na pag-intindi sa kakailanganin na komprehensibong mga patakaran para sa kaunlaran ng bansa, na naglalayong maresolba ang mga ugat ng kahirapan.
Kumakatawan sa mga mangingisda si Ronnel Arambulo, si Danilo Ramos naman ay matagal nang lider-magsasaka, at si Amirah Lidasan ay isang lider-Moro mula sa alyansang Sandugo ng mga IP. Ang iba pang bahagi ng Makabayan, ipinagtatanggol din ang mga batayang sektor, lalo na ang mga pinakaapi. Mayroon ding mga Makabayan partylist na tunay na independyente, hindi kontrolado ng mga trapo, at tunay na ipinaglalaban ang hangarin ng masa.
Pero kahit sila, nabibiktima ng paglabag sa karapatang pantao na suportado pa ng estado. Biktima sila ng red-tagging na sinisiraan at pinaparatangan na kriminal para patahimikin, sirain ang kanilang kredibilidad, at alisin ang karapatan ng kanilang mga sektor na makilahok sa politika.
Magiging mitsa ng pagbabago ang halalan ngayong 2025. Ngayon pa lang, inilalapit tayo sa mga tunay na isyu, mga tunay na ugat ng problema at ang mga tunay na pagpipilian. Sa mahirap man na paraan, matututunan natin na darating lang ang tunay na demokratikong pagbabago sa pamamagitan ng eleksiyon kung pipili tayo ng mga lider at mambabatas na tunay na kasama ng mahihirap sa kanilang araw-araw na pakikibaka para sa isang makatarungan at maunlad na bayan.
Hanggang sa dumating ang panahong iyon, matututunan nating ang pakikipaglaban kasama ang masa ay kalakasan sa politika na tiyak magdadala ng tagumpay sa anumang laban para sa pagbabago. /Salin ni Andrea Jobelle Adan
*Unang inilathala ng Ibon Foundation sa wikang Ingles.