Kuwentong espasyo mula Istorya Studios


Mula sa kolektibong bisyon ng mag-asawang artista mula sa Bulacan, nabuo ang publishing house at bookshop na Istorya Studios.

Hindi lang bulaklak ang laman ng mga hardin. Namumulaklak rin dito ang kuwento mula sa mga manunulat. 

Ganito ang Istorya Studios, isang espasyo kung saan umuusbong ang panitikan at imahinasyon. Mula sa kolektibong bisyon ng mag-asawang artista mula sa Bulacan na sina Marina Cruz at Rodel Tapaya, nabuo ang publishing house at bookshop. 

Ngunit bago pa man nagsimulang maglimbag ng libro ang Istorya, sa anyo ng larong baraha ang unang produkto nito—Patandaan at Sangandaan. Ang dapat na panghalili lang sa pag-aaral ng kanilang anak noong pandemya para sa Araling Panlipunan, naging daan para mabuo ang Istorya.

“Nag-isip sila ng paraan na mas maging interactive ang pag-aaral,” ani Coreen Carsulas, publications manager ng Istorya Studio. Ganito raw unti-unting umusbong ang Istorya Studios.

“Experimental at collaborative” ang prosesong tinatahak ng publikasyon. Naging hamon para sa mga founder ang malaking talon mula sa pagiging visual artist tungo sa paglilimbag ng mga libro. Naging dahilan din ito para makita ang kakulangan ng espasyo para sa mga aklat na likha ng mga lokal na manunulat at ilustrador. 

“‘Yong idea na hindi galing sa [publishing industry] ‘yong founders talaga,” kuwento ni Coreen tungkol sa kakaibang hamon na hinaharap ng publikasyon.

Limang edisyon ng “Tagpo Story Collections” mula sa Istorya Studios. Law Francisco/Pinoy Weekly

Tagpuan ng sining at panitikan ang palimbagan ng Istorya Studios.

Bagaman 2022 pa nag-umpisang maglabas ng sariling libro ang palimbagan, pormal na binuksan sa publiko ang bookshop ng Istorya Studios noong Nob. 19, 2024.

Binunga ng Istorya ang “Tagpo Story Collections” na mayroon nang limang edisyon at binuno ng iba’t ibang manunulat at ilustrador. Ito rin ang pangunahing proyekto ng Istorya Studios.

Sa kasalukuyan, mayroong 700 na local titles sa palimbagan. Ang pinakabagong koleksiyon naman sa ilalim ng publikasyon ng Istorya ay ang “The Garden: An Anthology” na binuo ng 10 artista at manunulat.

May gulat din para kay Coreen na maraming magaganda at may kabuluhan na kuwento na nagmumula sa mga lokal na artista at manunulat. Ayon sa kanya, nakikita din niya ang palimbagan na nagiging taniman para sa mga aklat at komiks.

“Umaasa kami na mapalawak ang koleksyon ng bookshop, lalo ang mga gawa ng mga independent na mga artista, manunulat at mga komikero, sinusubukan din namin na umabot sa 1,000 ang mga lokal na title,” sabi ni Coreen.

“‘Yong sariling publikasyon din ni Istorya, patuloy din namin itong dini-develop,” dagdag niya.

Ayon kay Rodel Tapaya, isa sa nagtatag ng Istorya Studios, nalulungkot siyang may posibilidad nang mawala ang lokal na bookstore sa Ermita, Maynila na Solidaridad Bookshop na itinatag ni National Artist for Literature F. Sionil Jose at tinagurian ding “best little bookstore in Asia.”

“Tingnan mo ‘yong Solidaridad, binebenta na, mababawasan ng tindahan ng aklat para sa mga lokal na manunulat at [kuwentista],” sabi ni Rodel.

Dagdag niya, mahalaga na mayroon sapat na espasyo para sa mga Pilipinong manunulat para mas pasiglahin ang ating sining at literatura.

”Live Reading Room” ng Istorya Studios na ginagamit tuwing Biyernes. Law Francisco/Pinoy Weekly

Hindi natatapos sa estante ang kuwento sa Istorya.

Naglulunsad din ng “live reading” ang bookshop tuwing Biyernes. Binanggit din ni Coreen nang may sigla na siya ang personal na nagbabasa bawat linggo. 

“Mayroon mga bata na dati nakikinig lang, ngayon nagbo-volunteer na. Namimili pa sila kung anong istorya [ang] babasahin nila. Pina-practice pa nila sa gilid,” kuwento ni Coreen.

Mayroong pag-asa si Coreen at ang Istorya Studios na makapag-ambag sila sa “functional literacy” ng mga bata. Ayon sa Philippine Statistics Authority, pito sa 10 Pilipino ang kayang magsulat at magbasa at magamit ito araw-araw. 

“Kaya ko [rin] tinatiyaga ‘tong pagho-host, napakahalaga ng mga libro sa paghubog sa isang bata,” sabi ni Coreen

Malinaw naman ang layunin ng Istorya: mas maging aksesible at lumawak ang espasyo para sa mga bata at estudyante sa Guiguinto, Bulacan.

“Binuksan namin ‘yong bookshop, pero iba pa [rin] ‘yong may espasyo lang ‘yong libro [na] makalikha ng masiglang karanasan para sa mga bata,” dagdag pa niya.

Habang may mga lumang tindahan tulad ng Solidaridad Bookshop sa Ermita, Maynila na maaaring mawala, mayroon pa ring mga alternatibong palimbagan at bookshop na nagtataguyod sa mga lokal na akda at mambabasa.

Bagaman bukas sa publiko ang Panlalawigan Aklatan ng Bulacan sa Malolos City, kalakhan ng koleksiyon nito ay pang-akademiko, kakaunti pa din ang espasyo para sa literatura at panitikang Pilipino. 

Para sa mga estudyante, naghahanap din sila aklatan at bookstore na may malawak na koleksiyon ng mga aklat mula sa mga lokal na manunulat.

“Malaking tulong din naman ‘yong library sa Malolos lalo’t nagamit [ko] siya sa pag-aaral, gusto ko ring magbasa ng mga nobela at kuwento na gawa ng mga lokal na manunulat,” sabi ni John Matthew, college student ng Bulacan State University-Hagonoy Campus na kumukuha ng kursong edukasyon.

Sa huli, pareho pa rin ang esensiya ng Istorya Studios—lumikha ng espasyo para sa mga lokal manunulat at ilustrador at magkaron ng relasyon ang mga mambabasa sa literatura at panitikang Pilipino.