Lubog sa perhuwisyong proyekto 

Maraming bayan sa mga lalawigan ng Zambales at Ilocos Sur ang tutol sa dredging sa mga anyong tubig dahil sa masamang epekto nito sa kalikasan at kabuhayan. Pinuna din nila ang kapabayaan ng mga pamahalaang lokal.

Matagal nang suliranin ng Pilipinas ang pagbaha na paulit-ulit na dinaranas tuwing tag-ulan. Bilang tugon, isa sa mga pangunahing solusyon ng pamahalaan ang dredging o ang pagbabawas at paghuhukay ng latak sa ilalim ng mga anyong tubig. Bukod dito, ginagamit din ito bilang pundasyon para sa malalaking proyektong reklamasyon.

Ngunit sa likod ng mga pangakong ito, sino nga ba talaga ang tunay na nakikinabang?

Noong 2019, nag-isyu ng permit ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa ilang operator upang simulan ang dredging sa tatlong pangunahing ilog sa lalawigan ng Zambales: ang Bucao River sa Botolan at Maloma River at Sto. Tomas River sa San Felipe.

Samantala, noong Hunyo 2022, lumagda ng kasunduan ang Isla Verde Mining and Development Corporation (IVMDC), isang kompanyang Taiwanese, at ang DENR-Regional Office I para sa dredging, desiltasyon at rehabilitasyon ng bahagi ng Banaoang River, ibabang bahagi ng Abra River sa Ilocos Sur.

Tinatayang aabot sa 250 ektarya ng ilog ang naapektuhan ng operasyon. Plano nilang gamitin ang makukuhang buhangin at graba para sa mga proyektong imprastruktura sa Pasay City. Tinukoy ding mahigit 9,000 residente mula sa iba’t ibang barangay ang direktang maaapektuhan.

Ayon kay Clio Rojas, convenor ng Defend Ilocos Sur, “Siguradong maniningil ang kalikasan sa pagsirang dulot ng dredging operation na ito. Hindi ang kompanya o mga nasa kapangyarihan ang magbabayad, kundi ang mga naghihirap na residente.”

Maraming bayan ang tutol sa dredging dahil sa masamang epekto nito sa kalikasan at kabuhayan. Bukod dito, ilan sa mga mamamayan ay naghayag din ng kanilang pagkadismaya sa umano’y kakulangan ng suporta at aksiyon mula sa pamahalaang lokal ukol sa isyu.

Fluvial protest ng Defend Ilocos Sur laban sa dredging sa Abra River ng Isla Verde Mining and Development Corporation noong Hul. 17, 2025. Iggy Lami-ing/Northern Dispatch

Ani Heidi Fernandez, executive director ng Zambales Ecological Network, ang mga barkong ginagamit sa operasyon ay pinatatakbo ng China Harbor Engineering Corporation mula sa mainland China.

“Mula nang mangyari ito, walang pakialam ang pamahalaan. Imbes na suportahan ang mga apektado, kami pa ang sinisisi,” aniya.

Samantala, ipinatutupad naman ang Sustainable Infrastructure Projects Alleviating Gaps (Sipag) sa La Union bilang hakbang para pigilan ang pagbaha. Kasalukuyang isinasagawa ang proyekto sa mga barangay ng Bugbugcao at Pacpacac sa bayan ng San Juan.

Nagsimula ito noong Hulyo 19, 2024, na kinabibilangan ng pagtatayo ng 648.40 metrong konkretong dike sa kahabaan ng Baroro River, kasama ang dredging at iba pang imprastrukturang kaugnay nito.

Pagkaraan ng halos isang taon ng tuloy-tuloy na operasyon ng IVMDC sa Ilocos Sur, na umaabot sa 14 na barko ang sabay-sabay na gumagawa ng dredging tuwing gabi, ramdam na ramdam ng mga residente ang epekto nito.

“Kailangan muli itong pag-aralan, at magagawa lang kung may suporta mula sa gobyerno ng Ilocos Sur at mga munisipalidad ng apektadong lugar,” ani Rojas.

Hindi mapigilan ang malakas na ingay at pagyanig na umaabot pa sa malalayong komunidad na dahilan ng pag-alis ng mga isda sa mga dating pangisdaan. Ayon sa mga mangingisda, kahit may nahuhuling isda, madalas ay hindi na ito nagagamit dahil sa kakaibang amoy at lasa ng langis.

“Kaunti ang nahuhuling isda, kaya mahalaga ito sa isyu ng food security,” dagdag ni Rojas.

Dahil dito, napipilitan ang mga lokal na mangingisda na mangisda 30 milya ang layo mula sa pampang na nagreresulta sa mas malaking gastos sa gasolina at nagpapahirap sa kanilang kabuhayan.

Itinuturo rin ni Elezer Requirme, may-ari ng isang resort sa Zambales, ang dredging bilang pangunahing dahilan ng pagkasira ng kanilang negosyo. Aniya, gumuho ang ilang bahagi ng resort kaya hindi na sila makatanggap ng bisita.

Paskil para sa isa umanonng proyektong restoration at rehabilitation ng Bucao River sa Botolan, Zambales. Zambales Ecological Network/Facebook

“Halos sira-sira lahat, kaya hindi na kami makapagtanggap ng guest dahil diyan,” sabi niya sa panayam ng Kapuso Mo, Jessica Soho (KMJS).

Sa parehong panayam, nawalan din ng trabaho si April Frondarina bilang caretaker ng resort matapos itong ibenta dahil sa pangamba dulot ng dredging.

Ilan pang mga residente sa Ilocos Sur ang nagulat sa biglaang pagdating ng mga barkong nagsasagawa ng dredging dahil hindi sila naabisuhan o nakonsulta. Sa kanilang ulat, tanging mga opisyal ng pamahalaan at kinatawan ng kompanya lang ang kasama sa konsultasyon.

Ngunit, ayon sa pag-aaral ng University of Malaysia noong 2016, mahalaga ang pampublikong konsultasyon at masusing pag-aaral bago simulan ang anumang proyekto. Kailangan ding may malinaw na sistema ng ebalwasyon at monitoring sa bawat yugto ng implementasyon.

Batay sa saliksik ng mga unibersidad sa Australia noong 2017, ang pagtaas ng labo ng tubig mula sa dredging ay negatibong nakakaapekto sa kakayahan ng mga isda na makakita, manghuli ng pagkain at mabuhay.

Puwedeng masira ang hasang ng mga isda at mahigop ang kanilang itlog at semilya. Bukod pa rito, nagdudulot ng panganib ang ilalim ng dagat na ingay na maaaring nakakamatay sa mga isda.

Isa sa mga kinatatakutan ng komunidad ay ang pagguho ng baybayin, tulad ng nangyari sa Zambales. Dahil sa dredging, nauubos ang sedimentong panangga ng dalampasigan na nagbabago sa galaw ng alon at agos, sanhi ng mas matinding pagguho ng lupa.

Mga barkong ginagamit sa dredging na nakadaong malapit sa baybayin ng Zambales. Zambales Ecological Network/Facebook

Sabi ni Myra Falloran, isang residente sa Ilocos Sur, “Napasukan na ng tubig ‘yung bahay namin dahil sa sobrang lakas ng alon. Noon, hindi naman ito nangyayari.”

Ayon pa kay Rojas, ang dalawang pangunahing problema sa dredging ay mali ang lokasyon at proseso ng paghuhukay.

“Ang mapanirang dredging ay nagiging mapanira dahil una, mali ang lokasyon nito; pangalawa, mali ang proseso,” wika niya.

Halimbawa nito ang insidente sa Ilocos Sur, kung saan sa mismong dagat sila naghukay sa halip na sa Banaoang River, tulad ng nakasaad sa kanilang mga dokumento.

Patuloy ang panawagan ng mga taga-Ilocos Sur, lalo na ang Defend Ilocos Sur, na itigil ang mapanirang operasyon ng dredging ng IVMDC. Binibigyang-diin nila ang pangangailangan ng masusing pag-aaral tungkol sa epekto nito sa kalikasan at komunidad, at paggawa ng angkop na solusyon.

Ani Rojas, “Kailangan itigil ang dredging upang makapagsagawa ng siyentipikong imbestigasyon tungkol sa mga nasira at mga maling epekto nito.”

Bagaman mayroon na silang napagtagumpayan, nagbabala sila na hindi pa tapos ang laban.

“Itigil ang mapanirang dredging at magkaroon ng konsultasyon kasama ang mga apektadong residente,” dagdag niya.

Dapat din bantayan ang pagtupad sa mga pangako at maayos na proseso ng operasyon.

Saad Rojas, “Kailangan nating bantayan kung ginagawa nila ang kanilang mga obligasyon. Dapat ipaglaban ang ating kabuhayan, lugar, at kalikasan para sa mga susunod na henerasyon.”