Mas lalaki pa sa lalaki ang bakla
Hindi dapat kailanganing patunayan ng batang bakla ang halaga niya bago siya mahalin.
Sa murang edad, alam ko na ang bigat ng salitang “bakla.” Hindi ko pa man kilala nang lubos ang aking sarili, tila kilala na ako ng mundo sa paraang nais nilang ipataw sa akin.
Naalala ko noong bata ako, laging tampok sa mesa ng aking lasing na ama kung paano niya ako lulunurin kapag nalamang ako’y isang sirena. Anim o pitong taong gulang lang ako noon, nakaupo sa gitna ng mga nagtatawanang kamag-anak at sinusubukang intindihin kung bakit masama na maging ako.
Ngunit hindi naman laging ganito ang naging buhay ko bilang isang bakla. Kalaunan ay natutuhan rin akong tanggapin ng aking mga magulang. Bakla ako, pero mataas naman ang mga grado ko sa paaralan. Natutuhan rin akong tanggapin ng aking mga mga kamag-anak. Bakla ako, pero matalino naman ako at nananalo sa mga paligsahan.
Habang lumalaki ay bitbit ko ang ideya na tanggap lang ako ng mundo kapag sumusunod ako sa kanila. Kailangan kong maging magaling, may mapatunayan, dahil malaking kalagasan na agad sa aking pagkatao na isa akong bakla.
Ang mga karanasang ito ang naging dahilan sa kung paano ko nakikita ang aking halaga habang lumalaki. Para sa isang bata, mabigat na kailangan ko pang patunayan na karapat-dapat ako. Hindi naman sa hindi ako masaya sa aking mga nakamit, mahirap lang na ang bawat tropeyo ay paalala na kaya lang ako nagkaroon ng katahimikan dahil pinagbayaran ko ito.
Marami palang katulad ko na bakla na kailangang doble ang sikap para lang maging katanggap-tanggap. At dahil sa kanila, natutuhan kong walang sinumang nagdidikta kung gaano kalaking espasyo ang aking puwedeng angkinin.
Ngunit hindi ko ikakaila na dahil sa mga naranasan ko ay tumatag ako bilang isang indibidwal. Masasabi ko na malayo na ako sa kung ano ako noon. Hindi ko na kailangang maging pinakamatalino sa silid o pinakamagalang sa mesa para lang makalusot sa pamantayang hindi naman ako ang gumawa.
Sa edad na 20, matagal ko nang tinanggap na kalakasan ko ang pagiging isang bakla. Ngunit hindi maikakaila na ugat ang lakas na ito sa pangangailangan kong maging matatag at patunayan ang sarili ko sa lipunan na hindi ako tinitingnan na pantay sa mata.
Malaking bagay ang mga taong nakasalamuha ko sa lipunan sa kung paano ko tinitingnan ang aking sarili ngayon. Marami palang katulad ko na bakla na kailangang doble ang sikap para lang maging katanggap-tanggap. At dahil sa kanila, natutuhan kong walang sinumang nagdidikta kung gaano kalaking espasyo ang aking puwedeng angkinin. Hindi dapat kailanganing patunayan ng batang bakla ang halaga niya bago siya mahalin.
Kaya hindi ako papayag na may isa pang batang bakla na iisiping kailangan niyang pagbayaran ang pagkakatotoo sa kaniyang sarili. Bilang isang bakla, umaasa ako na darating ang pagkakataon na ang lakas ay hindi na paraan ng depensa, kung ‘di simpleng paraan ng pagiging malaya.
At alam ko, hindi man ngayon, ay darating rin ang araw para sa mga katulad kong bakla na hindi na kailangang maging matigas ng aming mga pusong malambot para lang mabuhay.

Mag-email sa desk@pinoyweekly.org at ilagay ang “Kuwentong Kabataan” sa subject line.