Hindi masusukat ng mga numero
Edukasyon ang nakatatanggap ng pinakamalaking tipak ng pambansang badyet sa 2026—pinakamataas sa kasaysayan na P1.35 trilyon o katumbas ng 4.4% ng gross domestic product.
Edukasyon ang nakatatanggap ng pinakamalaking tipak ng pambansang badyet sa 2026—pinakamataas sa kasaysayan na P1.35 trilyon o katumbas ng 4.4% ng gross domestic product at naabot ang pamantayan ng Unesco sa unang pagkakataon.
Ipinagdiriwang ito ng administrasyong Marcos Jr. dahil may “true education budget” na umano na patunay sa sigasig ng pamahalaan para sa pag-aalaga ng “future-ready generations towards achieving the full potential of the nation.”
Ngunit walang laman ang deklarasyong ito, hindi lang dahil mula ito sa galit ng publiko sa proseso ng badyet na nakatuon kurakot, ngunit dahil tulad ng sinundan ng administrasyong Marcos Jr., palaging naisasantabi ang kahalagahan ng edukasyon. Pangalawa lang sa imprastruktura sa kabila ng malubhang kakulangan sa sistema ng edukasyon at nakadidismayang resulta ng pagsusuri sa kakayahan ng mga mag-aaral.
Sa malalimang pagtingin sa mga numero na nagiging pampolitikang palabas imbis na tunay na pagtitiyak na lutasin ang krisis sa edukasyon. Batbat ang badyet sa edukasyon sa 2026 ng mga proyektong imprastruktura at pork barrel—wala talagang natutuhan ang administrasyong Marcos Jr.
‘Di tumutugon sa krisis
Sa kabuuan, may P1.2 trilyon na pondo ang Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHED), state universities and colleges (SUCs) at Technical Education and Skills Development Authority (Tesda). Higid kalahati nito’y nakalaan sa Department of Public Works and Highways (DPWH), ang pangunahing ahensiyang nagpapatupad ng mga kurakot na proyektong imprastruktura na pinagkakakitaan ng mga oligarko’t naghaharing uri.
May P958.7 bilyon ang DepEd Office of the Secretary (OSEC) o P224.5 bilyon na mas mataas mula sa abereyds na P679.2 bilyon mula 2022 hanggang 2025. Ito ang unang pagkakataon na mas mataas ang pondo ang edukasyon kaysa imprastruktura sa ilalim ng gobyernong Marcos Jr.
May malaking tapyas ang badyet ng DPWH OSEC mula sa taunang abereyds na P947.4 bilyon mula 2022 hanggang 2025 na nasa P529.6 bilyon ngayong 2026. Ngunit hindi nito pinatototohanan ang mapagkunwaring kasiyahan ng gobyerno—nililigalig ang ang rehimeng Marcos Jr. ng kagustuhang maibalik ang posisyong pampolitikan nito sa pamamagitan ng huwad na priyoritasyon ng edukasyon.
Sa masusing pagsusuri, hindi nangangahulugang tugon ang mas mataas na badyet sa krisis sa pagkatuto. May P116.1 bilyon na pagtaas ang pondo ng Support to Schools and Learners Program (SSLP) o 75% ng kabuuang pondo ng DepEd OSEC. May P99 bilyon na dagdag sa alokasyon sa operasyon ng mga paaralang sa elementarya, junior high at senior high. Mukha itong direktang pondo, ngunit walang signipikanteng pagkakaiba kung ibabangga sa inaasahang pagtaas ng enrolment.
Inaasahang may 27.6 milyon na mag-aaral sa basic education sa school year 2025-2026, pero bumaba sa 24.9 milyon ang aktuwal na numero na isang penomenang hindi pa rin napag-aaralan ng DepEd hanggang ngayon. Labis ang pagkahuli ng estadistika ng DepEd at hindi pa rin pinal ang datos para sa school year 2026-2027 at ginagamit pa rin ang 27.6 milyon bilang batayan. Ibig sabihin, mayroon lang dagdag-pondo na P769 kada estudyante, mula sa P12,206 sa 2025 na naging P12,975 sa 2026. Nangangahulugan din ito na mananatiling pilay ang sistema na may naiulat na kakulangang 165,443 na silid-aralan at 56,050 na guro.
Imprastruktura para sa ganansiya ng pribado
Pinakamalaki ang dagdag-pondo sa Basic Education Facilities na nasa 204% na pagtaas mula P28.1 bilyon sa 2025 na naging P85.4 bilyon sa 2026. Mahigit P80 bilyon ang Capital Outlay o pondo para sa pagpapatayo at pagsasaayos ng mga pasilidad at kagamitan. Ipinunto ng Makabayan bloc na isa ang DepEd sa nakatanggap ng mga inilipat na “allocable” mula sa DPWH.
Kung dati, DepEd ang magtatakda ng proyekto na ipapatupad ng DPWH. Ngayon, maaari nang pumasok ang DepEd sa mga kasunduan sa mga pamahalaang lokal at non-government organization. Hindi nito mababago ang sistema na magmumukhang proyekto ng mga politiko ang pagpapatayo ng imprastruktura.
Ibinalik din ng gobyernong Marcos Jr. sa 2026 budget ang dating walang pondong Public School Infrastructure Program (PSIP) na may alokasyong P300 milyon. Public-private partnership sa pagtatayo ng mga silid-aralan ang PSIP na mekanismo ng burukratang kapitalismo o paggamit ng poder at kaban ng bayan para sa pribadong ganansiya.
May matinding pangangailangan sa mga gusali, pasilidad at silid-aralan, pero sabi ng pangulo sa kanyang veto message na layon ng administrasyon na magtayo ng 24,964 na bagong silid-aralan sa pamamagitan ng 2026 budget at kabuuang 40,000 na bagong silid-aralan sa pagtatapos ng kanyang termino sa 2028. Kapos at malayo pa rin ito sa kasalukuyang classroom backlog na 165,443.
Sa P85.4 bilyon ng Basic Education Facilities, nakalaan ang P65.9 bilyon sa pagpapatayo, pagpapalit at pagkukumpleto sa mga gusaling pampaaralan. May minimum na P2 milyon kada silid-aralan, kakailanganing gumastos ng gobyerno ng P48 milyon para sa isang gusaling may apat na palapag at may anim na silid-aralan kada palapag.
Sa pondong inilaan, kakayanin lang nitong makapagpatayo ng 1,373 na gusali na may 32,965 na silid-aralan, malayo pa rin para matugunan ang kakulangan habang nangangailangan ng pagsasaayos ang 70% ng mga nakatayong silid-aralan.
Ang mga pasilidad ba sa pampublikong edukasyon ang magiging bersiyon ng mga overpriced, substandard at ghost flood control project ng DepEd? Huwag naman sana dahil kaligtasan at kapakanan ng mga guro at mag-aaral ang malalagay sa panganib. Ngunit ang totoong panganib ay nasa pribatisasyon ng konstruksiyon ng mga gusali at pasilidad sa mga paaralan na itinuturing na proyekto ng mga politiko.
Ghost students, pekeng feeding program
Sa ilalim ng SSLP, minimal ang pagtaas ng mga government assistance at subsidy na nasa P600 milyon. May P2.2 bilyon ang Joint Delivery Voucher for Senior High School Technical Vocational and Livelihood Specialization; may P12.3 bilyon ang Educational Service Contracting (ESC) Program for Private Junior High School; may P26.4 bilyon sa Senior High School Voucher Program; at may P100 milyon ang Government Assistance and Subsidies for Training and Upgrading Knowledge for Learners Achievers in Schools (GAS-Tuklas).
Bulnerable sa korupsiyon at maling paggamit ang mga subsidyong ito. Hawak ng mga pribadong paaralan ang identidad at pag-uulat ng mga benepisyaryo. Direkta ring ibinibigay sa mga pribadong paaralan ang subsidyo na lumilikha ng kawalang pananagutan at maraming pagkakataon para sa manipulasyon.
Paulit-ulit nang pinuna ng Commission on Audit (COA) ang SHS Voucher Program, dahil sa mga kaso ng “ghost students” o mga benepisyaryong hindi naka-enrol, walang rekord ng pagpasok sa klase o doble ang pangalan sa listahan na nagreresulta sa sobrang pagbabayad at kuwestiyonableng billing.
Iniulat ng COA na may higit P868,500 na overpayment kaugnay ng duplicate billing at unverified beneficiaries. Mayroon ding mga voucher sa mga mag-aaral na nasa mga mamahaling pribadong paaralan na palatandaan ng hindi maayos na pag-target ng mga benepisyaryo. Hindi rin inilabas ng DepEd ang P200 milyon na SHS voucher noong school year 2023-2024 dahil sa kuwestiyonableng billing. Naglaan ang gobyernong Marcos Jr. ng mas mababang badyet sa SHS Voucher Program sa 2026 imbis na baguhin ang buong sistema ng voucher.
Signipikanteng tumaas ang badyet sa ilalim ng SSLP para sa School-Based Feeding Program na naging P25.6 bilyon ngayong 2026 mula P11.8 bilyon noong 2025. Magiging 120 araw na mula 100 araw ang programa at may karagdagan pang pondo na P1 bilyon sa Capital Outlay na hindi malinaw ang paglalaanan.
Ipinatutupad ang programa sa pamamagitan ng mga memorandum of agreement sa mga pamahalaang lokal, kasama ang mga barangay, munisipyo at lalawigan. Totoong kailangan ng mga estudyante ng masustansiyang pagkain, ngunit magreresulta ang paglilipat ng tungkulin at mahinang pagsubaybay sa ‘di pantay na pagpapatupad ng programa at maaaring magamit para sa pampolitikang interes ng mga politiko lalo na sa antas barangay at munisipyo.
Pinuna na rin ng COA ang feeding program dahil sa mga anomalya tulad ng sira, expired at overprice na pagkain, hindi araw-araw na feeding program, at hindi naipapadalang gatas sa maraming school division office.
Pondo sa pamamadrino
Samantala, may 30% dagdag-pondo ang CHED na ngayo’y P48.4 bilyon mula sa P34.9 bilyon. Napupunta ang malaking bahagi nito sa mga subsidyo sa ilalim ng Universal Access to Quality Tertiary Education (UAQTE) program na ibinibigay sa mga mahihirap na mag-aaral para pumasok sa mga pribadong pamantasan dahil sa kakulangan ng mga pampublikong pamantasan.
Hindi buong napopondohang ng administrasyong Marcos Jr. ang Free Higher Education sa 2026 dahil naglalaan ito ng pondo sa pagbabayad sa mga utang nito sa 114 SUCs para sa mg gastusin mula 2022 hanggang 2024. Imbis palawakin ang programa, mga scholarship ang inuuna ng gobyerno.
Bukod sa P11.5 bilyon pagtaas ng UAQTE, may kapansin-pansin ding dagdag ang pinansiyal na tulong sa mga post-graduate student (P688 milyon), Tulong Dunong program (P670 milyon), at iba pang mga scholarship at grant sa mga financial assistance program (P637 milyon).
Gumagana ang mga pondong ito na “soft pork barrel” para sa pampolitikang pamamadrino. Halimbawa, ang P2 bilyon pondo ng Tulong Dunong program ay para sa matrikula ng mga piling estudyanteng benepisyaryo. Bagaman sentralisado na sa CHED ang pagbibigay ng mga cash grant, nanatiling rekisito ang certificate of indigency na ibinibigay ng barangay na pamamaraan sa lokal na pampolitikang impluwensiya sa pagpili ng benepisyaryo.
Kahalintulad nito ang pondo sa mga scholarship ng Tesda na tumaas ng P26.1 bilyon ngayong 2026 mula sa P20.7 bilyon noong 2026 na inuuna ang mga scholarship na inendorso ng mga politiko na may karagdagang 5.8 bilyon kumpara sa P15 milyon pondo sa libreng technical vocational education.
Kaltas at kosmetikong pagsasaayos
Isa ring kahina-hinala ang Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program ng DepEd bilang tugon sa mga suliranin sa pagtuturo at pagkatuto. Nagbibigay ang programa ng tutoring sa mga mag-aaral sa K-10 na hirap sa pagbabasa, math at science. Ang mga tutor naman ng ARAL ay mga guro para-teacher o pre-service teacher.
Plano ng administrasyon Marcos Jr. na kumuha ng 448,000 na ARAL tutor para turuan ang 6.7 milyon na mag-aaral sa school year 2026-2027 sa pondong P8.9 bilyon. Sa halagang ito, nasa P3.1 bilyon ang nakalaan sa honoraria ng parehong mga tutor ng DepEd at non-DepEd.
Ngunit sa DepEd Memorandum No. 1 na inilabas noong Ene. 8, 2026 na priyoridad na kunin ang mga guro ng DepEd na may mababa sa anim na oras ang teaching load na babayaran lang sa ilalim ng ARAL kapag sumobra sa anim na oras. Hindi malinaw sa programa kung may pondo sa learning evaluation and monitoring, mga materyales na gagamitin ng mga guro at pagsasanay sa mga tutor.
Hindi nito mababago ang katotohanang kulang ang pondo para sa mga kritikal na pangangailangan sa edukasyon, kung hindi man ay mas lumiit pa. Bumaba ang badyet para sa Improvement and Acquisition of School Sites mula P135 milyon sa 2025 tungong PP87 miyon sa 2026. Lumiit din and pondo sa Learning Tools and Equipment mula P3.5 bilyon na naging P2.8 bilyon.
Kakatwa sa isang badyet na nakasentro ng proyektong imprastruktura ang kawalan ng pondo para sa Last Mile Schools Program sa pagtugon sa matinding kakulangan sa imprastruktura at rekurso sa mga paaralang nasa mga liblib na lugar. Kasama dito ang pagpapatayo ng mga silid-aralan, paglalagay ng solar power at pagpapadala ng mga guro. Para sa 2026, zero ang badyet para sa programa mula P3 bilyon noong 2025.
Nakasasama sa pambansang pag-unlad ang mga kaltas sa badyet sa mga batayang serbisyo. May kakarampot na 7% na dagdag na pondo ang mga SUC na mula P128 bilyon sa 2025 tungong P137 bilyon sa 2026. Labingsiyam mula sa 115 na SUC sa bansa ang kumakaharap sa malaking kaltas sa 2026. Marami sa mga institusyong ito ang para sa agrikultura at science and technology, mga sektor na may kritikal na papel sa pagpapaunlad ng kanayunan at pambansang industriyalisasyon.
‘Di na natuto ang gobyerno
Sa kabuuan, inilalantad ng badyet ng edukasyon sa 2026 ang patuloy na kawalan ng priyoridad sa direkta at pangmatagalang pumumuhunan kapalit ang pansamantala at nakasandig na subsidyo na mga programa at negosyong imprastruktura sa kapakinabangan ng mga politiko at pribadong kontratista.
Imbis na unahin ang pagpopondo para sa pagpapabuti ng mga rekurso, guro, materyales at paaralan na magiging mainam sa kapakinabangan ng mga estudyante at guro, patuloy na tinatanggihan ng gobyernong Marcos Jr. ang pag-ako sa responsibilidad at ipinapasa sa pribadong negosyo. May gana pa itong ipagmayabang ang pagpopondo sa mga tulong pinansiyal at programang nagagamit sa pampolitikang pamamadrino at pinagmumulang ng korupsiyon.
Hindi nangangahulugang matutugunan ng mas malaking pondo ang krisis sa edukasyon at pagkatuto. Hindi maiibsan ng mga numero ang sagad sa butong krisis sa pagkatuto, lalo na sa paggugol na nakasentro sa mga pribadong interes at kurakot na politiko imbis na patibayin ang pampublikong sistema ng edukasyon. Mas kritikal pa ang paggamit ng kaban ng bayan sa isang sistemang pang-edukasyon at kurikulum na nakasandig sa neoliberalismo at naglilikha ng lakas-paggawa para sa pribadong interes.
Sistemiko at nakaugat ang krisis sa edukasyon sa neoliberal na oryentasyon, hindi masasabing magkakaroon ng pagbabago sa mas malaking badyet. Kagyat na kailangan ang pundamental na reporma sa gobyerno na magsisimula sa sistema ng badyet na malinaw, may pananagutan at demokratiko, at umaabot sa mapagbagong plano sa edukasyon na sasalamin pambansang mithiin ng kaunlaran. Ang plano’y dapat pahusayin ang mga guro at mag-aaral bilang mahahalagang puwersa sa pambansang kaunlaran na nakaangkla sa mga priyoridad ng gobyerno at isang pambansa, siyentipiko at makamasang kurikulum.
Kung walang mga kongkretong garantiya, maaalala ang badyet ng edukasyon sa 2026 na isang malaking numero na puno ng mga pangako sa panahong kinakailangan ng pangulo na maibalik ang pagiging lehitimo nito. /Unang inilathala ng Ibon Foundation noong Peb. 10, 2026. Salin ni Marc Lino J. Abila.