Tigang na ang lupa sa Calabanga


Simula pa lang ito ng panahon ng El Niño at inaasahan na lalala pa ang pinsalang dala ng matinding init sa mga magsasaka ng Kabikolan sa mga susunod na buwan. 

Nitong Abril 30, naitala ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) ang heat indices na sakop sa klasipikasyon ng “danger” sa mahigit pitong rehiyon. Paliwanag ng ahensiya, inaasahan na magdulot ng mas mataas na panganib ng heat cramps at heat exhaustion na maaaring magsanhi ng heat stroke ang ganitong antas ng init.

Isang agrikultural na munisipalidad ang Calabanga, Camarines Sur na labis na apektado ng matinding init. Charles Edmon Perez/Pinoy Weekly

Dama sa mahigit walong lugar sa Bikol ang matinding init. Sa Central Bicol State University of Agriculture sa Pili, Camarines Sur, umabot sa 39 degrees Celsius ang naitalang init. Paliwanag ng Pagasa, parte ang matinding init sa pagdating ng panahon ng El Niño ngunit tinataya nila na lalala pa ang mga kondisyon nito sa mga susunod na buwan sa paghagupit ng tinatawag nilang “super” El Nino.

Ipinakita ni Tay Ben ang lupang tinaniman ng mga magsasaka ng komunidad na natuyo dahil sa matinding init. Itinuro din ni Tay Ben ang bahagi ng katubigan kung saan nakaambang itayo ang San Miguel Bay Offshore Wind Project. Charles Edmon Perez/Pinoy Weekly

Ayon sa Department of Agriculture (DA), ang sektor ng agrikultura ang pangunahing apektado sa pagdating ng “super” El Nino. Matagal nang sanhi ng pagkawasak ng ani ang matinding init sa naturang rehiyon. Sa katunayan, mahigit P4.8 milyon ang naitalang halaga ng ani na nawasak dulot ng kawalan ng ulan sa Bikol. 

Bitak-bitak na ang lupa sa sakahan ni Tay Ben dahil sa matinding init. Charles Edmon Perez/Pinoy Weekly

Mula simula ng Abril, tinataya ng DA na 6 mm lang ang ulan sa Albay, 7 mm sa Camarines Norte, 5 mm sa Camarines Sur, 5mm sa Masbate at 4 mm sa Sorsogon. Mahigit 256 na mga magsasaka at mangingisda ang apektado ng matinding init. Tinatayang umabot na ng 121.71 ektarya ang apektadong lupang agrikultural kung saan 66.64 ektarya ang nasira habang 55.07 ektarya naman ang tuluyan ng nawasak.

Palay ang may pinakamalaking natamong pinsala. Umaabot ng mahigit 236 mula sa kabuuang bilang ang mga apektadong magsasaka ng naturang ani. Tinatayang 133.05 metriko tonelada ang kabuuang napinsalang palay na nagkakahalaga ng halos P4.2 milyon.

Simula pa lang ito ng panahon ng El Niño at inaasahan na lalala pa ang pinsalang dala ng matinding init sa mga magsasaka ng Kabikolan sa mga susunod na buwan. 

Nagtatabas ng balat ng niyog si Tay Ben para gawing kutsara. Charles Edmon Perez/Pinoy Weekly

Sa paanan pa lang ng mataas na kinalalagyan ng sakahan ni Tay Ben, kita mo na ang pinsala ng matinding init sa lugar. Bitak-bitak ang lupa at natuyo na ang mga dating daluyan ng tubig. Lumaki si Tay Ben sa pamilya ng mga magsasaka. Mula kanyang kabataan, tumutulong na siya sa bukid. 

Taniman ng pinya ni Tay Ben sa mataas na bahagi ng Calabanga, Camarines Sur. Charles Edmon Perez/Pinoy Weekly

Isa siya sa mga huling pangkat ng mga mag-aaral ng Bicol Farm School, isang paaralan na pinangungunahan ng Tarabang Para sa Bicol (Tulungan Para sa Bicol) na nagtuturo sa mga magsasaka ng komunidad ng likas-kayang pagsasaka o sustainable farming. Kuwento ni Tay Ben na marami siyang natutuhan na mga pamamaraan sa pagsasaka sa panahon niya sa paaralan. 

Paliwanag niya na bagaman mas matrabaho ang likas-kayang pagsasaka, may mahabang bentahe ito para sa kapakanan ng magsasaka at kalikasan. Pangunahing aniya na mas tipid ang likas-kayang pagsasaka dahil tinatanggal nito ang pangangailangan sa mga kemikal at sintetikong pataba. 

Tanim na pinya ni Tay Ben na tumubo pa rin sa gitna ng matinding init dahil alaga ang kaniyang lupa sa likas-kayang pamamaraan. Charles Edmon Perez/Pinoy Weekly

Gumagamit halos lahat ng mga magsasaka sa Calabanga ng mga tradisyonal na pamamaraan imbis na gumagamit ng mga nakakasirang kemikal at sintetikong pataba na inilarawan niya na isang pamamaraan na nakatuon sa kita.

Pinakamabenta sa kanilang lugar ang Triple Katorse (Triple 14) at Urea na dalawang uri ng pataba na tumutulong sa pagtubo ng dahon at dami ng ani. Gayunpaman, tumaas ang presyo nito kamakailan at dahil sa pagdating ng tag-init ay nawalan na sila ng pambili.

Mga pinya sa sakahan ni Tay Ben na naluto ang loob dahil sa matinding init. Charles Edmon Perez/Pinoy Weekly

Dagdag pa niya na may masidhing epekto din ang mga kemikal na ito sa lupa. Kapag sinipsip na ng lupa ang mga kemikal, nagiging acidic ito at mas sumisipsip ng init. Dahil sa patuloy na paggamit ng mga kemikal sa mga sakahan, maraming lupain ang hindi na mapakinabangan.

Sa katunayan, naluto ang karamihan sa mga itinanim niyang pinya dahil sa pagdating ng matinding init. Mahigit isang hilera ng pananim ang nakatambak na lang dahil nasunog ang loob ng pinya. Bagaman likas-kayang pagsasaka ang kanyang praktika, hindi niya mapakinabangan ito sapagkat tigang na ang kanilang lupa.

Malawak na lupang natuyo na tinaniman ng mga magsasaka ng Calabanga, Camarines Sur. Charles Edmon Perez/Pinoy Weekly

Paliwanag niya na napipilitan ang maraming magsasaka na gumamit ng kemikal dahil hinahabol nila ang panahon ng tag-ulan. Ipinagmamalaki niya na meron pa siyang naisalba na kaunting ani sapagkat higit na mas matatag sa init ang lupang alaga ng likas-kayang pamamaraan. Ngunit tradisyonal man o likas-kaya, lahat ay apektado ng matinding init sapagkat tuyo na ang mga pinagkukunan nila ng tubig.

Kinakailangan pang bumiyahe ng mga magsasaka sa motorsiklo upang puntahan ang pinakamalapit na mapagkukunan ng tubig. Charles Edmon Perez/Pinoy Weekly

Ilang kilometro pa ang layo ng pinakamalapit na mapagkukunan ng tubig mula sa kanilang sakahan. Kulang ng irigasyon at patubig sa kanilang lugar kaya marami sa mga magsasaka sa kanila ang napilitan magpaliban sa pagsasaka. Dagdag pa niya na agresibo din ang pagtutulak ng gobyerno ng mga ayuda na nagbibigay ng mga kemikal na pataba na hindi nila mapakinabangan.

Isa sa mga pinagkukuhanan ng tubig ng mga magsasaka ngunit dahil tuyo na ang kanilang lupa, naging paliguan na lang ito ng mga residente upang magpalamig. Charles Edmon Perez/Pinoy Weekly

Iginiit niya na isa sa mga sentro ng agrikultural na produksiyon ang Bikol. Pasan-pasan nilang mga magsasaka ang bigat ng pangangailangan ng taumbayan ngunit makasaysayan na ang problema ng init sa kanilang rehiyon at hindi ito tinutugunan ng gobyerno. Inaasahan niya na sa mga susunod na buwan ay lalala lang ang epekto ng matinding init sa kanilang magsasaka at marami sa kanila ay hindi handa para sa pagdating ng Super El Nino.

Bungo ng alagang kalabaw ni Tay Ben na namatay dahil sa mga bubuyog. Charles Edmon Perez/Pinoy Weekly

“Anong gagawin ko sa abono at binhi kung wala naman akong tubig para sa sakahan ko? Simula pa lang ng El Nino paano na kami kung dumating pa yang ‘super’ El Nino na sinasabi ng Pagasa? Parang unti-unti kame ginigipit ng gobyerno, at dalawa lamang ang aming mapagpipiliian: magpatuloy sa pagsasaka at mabaon sa utang o humanap ng bagong mapagkakakitaan,” wika ni Tay Ben.