Mito ng pananagutan
Hindi lahat ng nagsasalita sa ngalan ng pagmamalasakit ay tunay na nagmamalasakit.
Mayroong isang Black at autistic na akademiko sa United Kingdom (UK) na kamakailan ay naging paksa ng isang eskandalo sa akademya.
Sa balita, isiniwalat ng kanyang dating kasamahan na hindi kapani-paniwala ang kanyang mga kredensiyal upang maging pinakabatang propesor ng sosyolohiya sa isang pamosong unibersidad.
Naging laman siya ng balita, samantalang sa social media naman ay walang tigil ang pagkalkal sa kanyang personal na buhay. Natagpuan siyang patay sa kanyang bahay ilang linggo matapos sumambulat ang balita.
Kamakailan din, isang babaeng transgender na akademiko ang hindi na-renew sa pagtuturo sa kanyang unibersidad. Kahit nakapag-ambag siya sa pagsusulong ng iskolarsyip sa antropolohiya at araling kasarian, hindi pa rin ito naging sapat upang makapagpatuloy sa trabaho. Hindi rin siya pinayagang mag-aral sa ilalim ng isang iskolarsyip sa ibang bansa.
Mayroon ding isang grupo ng mga lider-estudyante sa isang unibersidad na walang tigil na pinupuntirya ng ilang alumni sa social media. Ang isyu: hindi nila nasagot ang lahat ng tanong sa isang forum. Hindi rin daw naging maayos ang paghawak nila sa isang isyu na sila mismo ang apektado. Kakatwa namang ang mismong biktima pa ang inaasahang magpaliwanag sa mga alegasyong ibinabato ng iba.
Samantala, may isang manunulat ding paulit-ulit na tinatawag na tuta ng administrasyon. Dapat daw sundin ang polisiya. Rules are rules. At anumang paglihis sa itinakdang linya ay pagbaluktot sa patakaran na dapat pagbayaran.
Pananagutan ang paboritong salita ng maraming tao. Kung tutuusin, kailangan naman natin ito. Ang pananagutan ang isa sa mga haligi ng mga institusyong nais nating pangalagaan—maging unibersidad man o pamahalaan.
Kung totoong nagmumula tayo sa pagmamalasakit, sikapin nating maging mapagkalinga at makatao kahit sa paniningil ng pananagutan.
Ngunit sa panahon ng social media, madalas na nagiging katuwiran ang pananagutan hindi lang upang ituwid ang pagkakamali kundi upang ipailalim ang isang tao sa walang katapusang pampublikong paglilitis.
May malalim na konteksto ang pananagutan. Dapat nating itanong kung sino ba talaga ang may pinakamalaking pananagutan at sino ang nagsisikap lang na itaguyod ang isang institusyon o adhikain.
Madalas, nagmamaskara ang panawagan ng pananagutan bilang pagmamalasakit, ngunit nauuwi ito sa personal na pag-atake. Ginagamit tuloy ito ng mga konserbatibo, anti-gender at maging ng mga pasista upang buwagin ang mga kilusan at mademoralisa ang mga taong nagsusulong ng pagbabago.
At ang social media ang nagiging entabladong nagpapalala sa lahat ng ito. Balikan natin ang akademiko sa UK. Hindi ang tanong dito kung tama o mali ang kanyang ginawa. Ang tanong ay kung ano ang nagagawa ng walang tigil na pampublikong paghatol sa isang tao.
Hindi lahat ng nagsasalita sa ngalan ng pagmamalasakit ay tunay na nagmamalasakit. Kapag naging libangan ang pagpipista sa buhay ng isang tao, nakapipinsala ito. At kapag may napinsala na, hindi na natin mababawi o maaayos pa ang dapat sana’y naitama sa ngalan ng pananagutan.
May hangganan din ang pagmamalasakit. Talaga nga bang nagmamalasakit tayo sa institusyon kaya kailangan nating maging mapagparusa?
Ang pagmamalasakit ay hindi pagpoposturang malinis. Binibigyan nito ng puwang ang pagkakamali at pagkatuto. Ibang usapin, siyempre, kung ang kasalanan ay pagnanakaw sa kaban ng bayan o paglabag sa karapatang pantao.
Kung totoong nagmumula tayo sa pagmamalasakit, sikapin nating maging mapagkalinga at makatao kahit sa paniningil ng pananagutan. Ang tunay na pananagutan ay nakaangkla sa kabutihan at pakikipagkapwa. Kung hindi, ano na lang ang pinagkaiba natin sa mga dapat panagutin sa flood control projects?