Magsasaka

‘Hindi pa tapos ang laban’ para sa Luisita

Hindi pa lubos ang tagumpay ng mga magsasaka ng Hacienda Luisita sa desisyon ng Korte Suprema. Posibleng mapasakamay ulit ng mga Cojuangco ang lupain ng asyenda, sa pamamagitan ng mga taktikang divide-and-rule, at sa pagkaladkad ng paa ng mga ahensiyang nasa ilalim ng opisina ng pangulo.

Sa kabila ng mga banta, nagpapatuloy ang bungkalan sa Brgy. Balite, Hacienda Luisita (KR Guda)
Bungkalan sa Brgy. Balite, Hacienda Luisita (PW File Photo/KR Guda)

Malinaw ang maraming bagay para sa mga magsasaka ng Hacienda Luisita, na ilang dekada nang nakikipaglaban para sa kanilang lupa. Para sa kanila, matagumpay, ngunit “inisyal” pa lamang, ang desisyon ng Korte Suprema na ipamahagi ang asyenda. Malinaw sa kanila na hindi “kampeon” ng repormang agraryo si Chief Justice Renato Corona. Katunayan, marami umanong butas ang desisyon ng Korte Suprema, na siguradong gagamitin ng mga Cojuangco para takasan ang pamamahagi ng lupa. Kaya’t malinaw din sa kanila na hindi pa tapos ang laban.

“Masayang masaya ang mga magsasaka sa desisyon ng Korte Suprema. Pero alam namin na marami pa kaming kakaharapin na problema,” sabi sa Pinoy Weekly ni Felix Nacpil Jr., tagapangulo ng Alyansa ng mga Manggagawang Bukid sa Asyenda Luisita (Ambala).

Noong Mayo 9, nagdaos ang Ambala ng ‘thanksgiving celebration’ o pista ng pasasalamat para sa lahat ng sumuporta sa kanilang laban. Patuloy nilang kakailanganin ang suportang ito, dahil inaasahang hindi hahayaan ng mga Cojuangco na mawala sa kanilang kamay ang lupa, lalo na’t kaanak nila ang nakaupong pangulo.

Posibleng maniobra ng mga Cojuangco

Mismong ang desisyon ng Korte Suprema ang posibleng magbigay-daan para sa  maniobra ng mga Cojuangco, ayon kay Atty. Jobert Pahilga, abogado ng Ambala. Pangunahin na rito ang kabiguan ng korte na ipirmi ang halaga ng kompensasyon para sa mga may-ari ng Hacienda Luisita, Inc. (HLI).

Thanksgiving celebration sa Hacienda Luisita noong Mayo 9 (Contributed Photo/AMGL)
Militante pa rin ang mga magsasaka sa pista ng pasasalamat sa loob ng asyenda noong Mayo 9 (Contributed Photo/AMGL)

Kung ang mga magsasaka ang tatanungin, libre dapat na ipamahagi ang lupa, dahil kinamkam lamang ito ng mga Cojuangco mula sa kanilang mga ninuno. Pero kung kinakailangang magbayad (sang-ayon sa Comprehensive Agrarian Reform Program with Extension and Reforms o Carper), iginiit ng mga magsasaka na ibatay ito sa halaga ng lupa noong 1989, na noo’y nasa P40,000 kada ektarya. Kinatigan ito sa desisyon ng korte noong Abril 24. Ngunit hindi nito isinaad ang eksaktong halaga, at ibinalik ang desisyon sa Department of Agrarian Reform (DAR). “As regards the issue of interest on just compensation, we also leave this matter to the DAR and the LBP (Land Bank of the Philippines), subject to review by the RTC (Regional Trial Court) acting as SAC (Special Agrarian Court),” ayon sa Korte Suprema.

“Dapat, ipinirmi na nila ‘yung compensation. ‘Yung DAR at Land Bank, under ito ng Office of the President, so ano ang aasahan mo? Kapag mababa yung valuation, kukuwestiyunin ito ng mga Cojuangco. ‘Pag mataas naman, kukuwestiyunin namin. So panibagong dispute na naman,” ani Pahilga. Hinihingi ng mga Cojuangco ang P10- Bilyon, o isang milyong piso kada ektarya.

Kuwestiyunable rin umano ang desisyon ng korte na isama sa babayarang kompensasyon ang interes sa lupa simula noong 1989, gayundin ang 264-metro kuwadradong homelots na ibinigay ng mga Cojuangco sa mga magsasaka noong 1996. Ayon kay Pahilga, ito ay “bagong mga isyu” na wala sa unang mga desisyon ng korte. Ngunit dahil tinatagurian nang final at executory ang desisyon, posibleng wala nang habol dito ang mga magsasaka.

“Bakit mo papatungan ng interes ‘yung lupa, na during those times ay di naman nakinabang ang magsasaka. Bakit sila bibigyan ng interes (mga Cojuangco) na all the time, sila ‘yung kumita? Babayaran ‘yun ng gobyerno, at eventually, babayaran ‘yun ng mga magsasaka,” ani Pahilga.

Atty. Jobert Pahilga (kanan), abogado ng Ambala (PW File Photo/Ilang-Ilang Quijano)

Samantala, ang homelots ay ibinigay ng mga Cojuangco sa mga manggagawang-bukid na kinukumbinsi nilang sumailalim sa Stock Distribution Option. “Binigay nila ito nang libre, ngayon bakit pinababayaran? Ngayong natalo sila sa korte, sasabihin nilang ‘Hindi, sandali, magbayad pala kayo. Talo kasi kami.’ Hindi ba’t nakakatawa?” ayon kay Pahilga. Kinokonsidera ng Ambala na maghain sa Korte Suprema ng partial motion for reconsideration para sa mga isyu ng pagbabayad ng interes sa lupa at homelots.

Bentahe ng collective ownership

Noon pa man, iginigiit na ng mga magsasaka ng asyenda na kung ipapamahagi ang lupa sa kanila, bukod sa libre, dapat itong isailalim sa kolektibo, at hindi sa indibidwal, na pagmamay-ari.

Posible sa ilalim ng batas ang collective ownership o kolektibong pagmamay-ari ng lupa. “The beneficiaries may opt for collective ownership, such as co-workers or farmers cooperative or some other form of collective organization and for the issuance of collective ownership titles,” ayon sa Section 10 ng Carper o Republic Act 9700. Posible ang collective ownership kung ang mga benepisyaryo ay nagtatrabaho na nang sama-sama sa malaking bahagi ng lupa—gaya ng bungkalan ng mga miyembro ng Ambala na noong 2006 pa sinimulan at kanilang ipinagpatuloy, sa kabila ng mga banta at panghaharas ng mga Cojuangco.

Inihayag na ng Ambala sa DAR ang kahilingan para sa kolektibong Certificate of Land Ownership Award (CLOA). Lalo umanong mapapabilis ang distribusyon ng lupa kapag collective CLOA ang ibibigay sa halip na individual. Inilinaw pa niya na posible pa rin namang mabigyan ng individual CLOA sa hinaharap ang isang indibidwal, kung gugustuhin niya.

“Ang bentahe nito (collective CLOA), maiiwasan ‘yung pagbabalik ng lupa sa mga Cojuancgo. Kasi kung isa ka lang na magdedesisyon, madali kang maakit. ‘Pag kolektibo, di madali na makuha ng panginoong maylupa ang lupa,” sabi ni Pahilga.

Marami umanong paraan para muling mapasakamay ng mga Cojuangco ang asyenda kapag naging indibidwal ang pagmamay-ari. Dito, hindi nakakatulong ang anim na buwang palugit na ibinigay ng korte sa DAR para ipamahagi ang lupa. “Maraming posibleng mangyari sa anim na buwan. Eventually, kukuha sila (HLI) ng mga magsasaka na masisindak, makukumbinsi, o mababayaran. Ang lupa nila ay makuha ulit sa pamamagitan ng leaseback o kaya joint venture agreement. Sasabihin sa mga magsasaka, ‘Kayo ang magtatanim, kami ang magbibigay ng kapital.’ Pero ang mga Cojuangco pa rin ang magdidikita kung ano ang itatanim, kung magkano ang sahod nila,” paliwanag ng abogado.

Tubuhan pa rin? Posibleng maibalik sa kontrol ng mga Cojuangco ang lupain sa Luisita kapag indibidwal ang distribusyon nito (PW File Photo/Ilang-Ilang Quijano)

Kaya mahalaga ang konsolidasyon ng mga magsasaka, lalo na at “umeeksena” ang huwad na mga grupong magsasaka na pinakawalan ng HLI para hatiin ang kanilang hanay, ayon kay Nacpil. Ang Ambala at United Luisita Workers Union ang nanguna sa welga ng mga manggagawang-bukid noong 2004, at nagpetisyon sa Korte Suprema para ibasura ang SDO noong 2003. Nasa 5,357 ang miyembro ng Ambala, mula sa 6,296 na bilang ng mga benepisyaryo.

Ayon kay Pahilga, hindi dapat kilalanin ng DAR si Noel Mallari at ang bagong-tayo nitong grupo na Association of 1989 Original Farmworkers (AOF). Pinatalsik si Mallari mula sa Ambala, at naging empleyado ito ng Luisita Estate Management. Noong oral arguments sa Korte Suprema, sinuportahan ni Mallari ang mga argumento ng HLI. Ngunit nang manalo ang mga magsasaka, tinawag ni Mallari si Corona na “kampeon ng repormang agraryo” at ngayo’y nagmomobilisa para sa indibidwal na pagmamay-ari ng lupa.

Mga individual CLOA rin ang itinutulak ng Farm Workers Agrarian Reform Movement (FARM)-Luisita ng grupong Akbayan, at ng Lehitimong Manggagawang Bukid ng Hacienda Luisita (LMBHL), na binubuo ng mga supervisor ng Central Azucarera de Tarlac. Inihayag na ng LMBHL na balak nitong magtanim ng tubo gamit ang mga makina ng HLI, sa ilalim ng iskemang “profit sharing” o hatian sa kita, na sa esensiya ay walang pinagkaiba sa SDO.

“Naghahanda na kami, dahil inaasahan namin ang pananabotahe sa distribusyon ng lupa,” ayon kay Nacpil.

Tagumpay

Hindi pa rin mababalewala ang tagumpay na nakamit ng mga magsasaka sa desisyon ng Korte Suprema. “Sa bahagi ng Ambala na ayaw na talaga sa mga Cojuangco, makukuha nila ang lupa. Sa mga naninindigan na kanila ang lupa, makukuha nila ito.   Hindi na sila pwede diktahan, hindi na sila mae-expose sa kung anu-anong kaso, hindi na sila pagbabawalan sa nais nilang gawin sa lupa. Just the same, subject pa rin sila sa pagbabayad ng just compensation,” ani Pahilga.

Para sa mga magsasaka, walang hustisya sa just compensation na ito, anuman ang halaga. Ito’y dahil matagal nang pinakinabangan ng mga Cojuangco ang kanilang lupa. Inaasahan ding magiging mahirap ang pagsasaka dahil sa kawalan ng suporta ng gobyerno—isa pang matibay na dahilan kung bakit kinakailangang pagtulungan ang pagbubungkal ng lupa. “Dapat nga, kami pa ang binibigyan ng suporta ng gobyerno,” sabi ni Nacpil.

Maraming patuloy na kakalabanin ang mga magsasaka ng Luisita. Nariyan ang tuluy-tuloy na pananakot, panloloko, at panunuhol ng mga dating panginoong maylupa, gayundin ang atrasadong agrikultura at gobyernong walang malasakit sa kanila. Gayunpaman, kung mayroon man silang natutunan sa deka-dekadang pakikibaka para sa lupa ng Luisita, ito ay kapag sama-sama, malulubos nila ang tagumpay.