Pambansang Isyu

Kalamidad sa mahihirap: Di lang habagat at baha, kundi pati polisiya ng gobyerno


Tila abala ang gobyerno na ipakitang balik sa normal ang Kamaynilaan matapos ang bagyo. Wala na ang mga usapan hinggil sa natitirang mga lugar na lubog pa rin sa baha. Wala na sa usapan ang mga nangangailangan pa rin ng saklolo at relief. Pati isyu ng sakit na leptospirosis, tila namamaliit na rin. Pero lahat […]

Tila abala ang gobyerno na ipakitang balik sa normal ang Kamaynilaan matapos ang bagyo. Wala na ang mga usapan hinggil sa natitirang mga lugar na lubog pa rin sa baha. Wala na sa usapan ang mga nangangailangan pa rin ng saklolo at relief. Pati isyu ng sakit na leptospirosis, tila namamaliit na rin.

Pero lahat ng indikasyon ang nagtuturo na isa sa pinakamalupit na baha ang naranasan ng Kamaynilaan at karatig na mga probinsiya nitong nakaraang buwan. Sa marami, napaaalala nito ang bagyong Ondoy na nagpalubog sa kalakhang bahagi ng National Capital Region noong 2009. Pero para sa iba, mas masahol pa ang kasalukuyang mga baha.

Nasa mahigit 90 ang namatay, at marami rin ang nasawi sa sakit. Ang malupit pa, mahigit tatlong milyong mamamayan ang apektado, at maraming karatig lungsod at bayan sa mga rehiyon mula sa Region 1, Region 3 at Region 4 ang nagdeklara ng state of calamity. Nasa mahigit P2 Bilyon ang inabot na pinsala ng paghagupit ng Habagat mula datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Nasa 1,007 milimetro na ulan ang bumuhos mula Agosto 6 hanggang 8, ayon sa Department of Science and Technology (DOST). Nilampasan nito ang tantsang ulan para sa buong Agosto na nasa 540 mm lamang.

Ayon sa Department of Environment and Natural Resources, ang ganitong mga pag-ulan na raw at malalakas na bagyo o maging matinding tagtuyot ang magiging “normal” na kailangang matutong tanggapin ng mga Pilipino.

Kasabay ng pagkaulit ng ganitong delubyo, agad namang sinisi ng gobyernong Aquino ang mga mahihirap na mamamayan na nakatira sa mga danger zones gaya ng mga tabing estero, ilog, at maging sa ilalim ng tulay sa pagkakaroon ng matinding pagbaha sa Kamaynilaan dahil daw sa pagsikip na daluyan ng tubig.

Para kay Allan Mesina, propesor sa Unibersidad ng Pilipinas-Manila at miyembro ng Taripnong Cagayan Valley, isang grupo na nagbibigay-atensiyon sa Cagayan Region na madalas din masalanta ng mga kalamidad gaya ng bagyo, nariyan ang gobyerno para siguruhin na mahusay ang pamumuhay ng bawat mamamayan.

Hindi dapat sinisisi ang mga tao kung bakit sila nandoon. Dapat iniisip bakit ba sila nandoon. Naroon lang ba sila para pasikipin ang ilog? Kaya ang solusyon nila paalisin?” ayon kay Mesina.

Pilipinas sa mapa ng kalamidad

Bilang isang arkipelago na bansa, ay direktang nasa bukana ng Karagatang Pasipiko ang Pilipinas at madalas tamaan ng bagyo na namumuo sa nasabing karagatan bago pa maranasan ng iba pang karatig bansa.

Tinatayang nasa 20 bagyo sa average ang nararanasan ng Pilipinas taun-taon. Tinatayang siyam dito ang nagla-landfall o tumatama nang direkta sa bansa, sabi ni Mesina. Nasa pagitan ng Setyembre at Nobyembre ang pinaka-peak nito.

Bukod pa rito, ang Pilipinas ay nasa tinatawag na Pacific Ring of Fire kung saan madalas ang paglindol. Tinatayang nasa average na limang lindol ang nararanasan ng bansa araw-araw. Nasa 22 aktibong bulkan ang mayroon sa Pilipinas mula sa datos ng Philippine Institute for Volcanology and Seismology.

Ayon sa disaster report ng Citizens’ Disaster Response Center (CDRC), nanguguna ang Pilipinas sa talaan ng most disastrous na mga bansa sa mundo sa taong 2011 mula sa pagiging pangatlo nito noong 2010. Ang bagyong Sendong naman ang kinilala bilang world’s deadliest typhoon sa taong 2011 na pumatay sa mahigit 1,200 katao, samantalang mahigit 4,600 ang sugatan. Mahigit sa 117,600 pamilya o mahigit sa 1,100,000 katao ang naapektuhan mula sa datos ng NDRRMC.

Nasa 27 baha at 17 landslides ang nagaganap taun-taon sa pagitan ng 2000-2010. Sa parehong panahon, hindi bababa sa 1.6 milyong mamamayan ang apektado ng pagbaha at 24,212 sa landslides, ayon sa datos ng CDRC.

Pero para kay Mesina, ang disaster ay produkto ng panlipunan, pang-ekonomiya at politikal na aspekto, hindi lamang tungkol sa geograpikal na aspekto. Kung saan ang mga mahihirap, doon ang pinakabulnerable na tamaan ng kalamidad.

Maraming government policies ang nakapokus sa going back-to-normal, at hindi tugunan ang ugat ng mga kalamidad. Ang gusto lang niya, bumalik sa ‘normal’ na buhay ang mga tao. Kung karpintero ka, maging karpintero ka uli. Hindi niya binibigyang ang mas mahalagang aspekto kung bakit mas bulnerable ang mga tao sa disaster. Bulnerable sila dahil mahirap sila. Kung titignan ang mga nagdaang bagyo at itong monsoon rains ang naapektuhan talagang malaki ay ang mga mahihirap. Kasi wala silang kakayanan para harapin agad ang delubyong dumating. Wala silang magarang bahay. Wala silang pera pambili ng pagkain. Wala silang matibay na hanapbuhay para pagkatapos ng sakuna may masasandigan sila,” ayon kay Mesina.

Klima at kapital na industriya

Ayon sa mga eksperto, ang climate change o pagbabago ng klima ng daigdig, ang siyang nagbubunga sa (dating) hindi karaniwang lakas ng mga bagyo o matitinding tagtuyot sa mundo na pinabilis ng tao.

Kailangan ikategorya natin, hindi lang buong tao iyan. Nariyan ang mayayaman na bansa gaya ng US na pinakamaraming magprodyus ng maruming hangin. At US lang ang bansang hindi pumirma sa Kyoto protocol,” ayon kay Mesina.

Ang Kyoto Protocol ay isang internasyunal na kasunduan ng 37 industriyalisadong bansa upang bawasan ang greenhouse gas (GHG) emissions na sinasabing malaking sanhi ng climate change. Kinikilala nito na ang mauunlad na bansa ang pangunahing responsable sa kasalukuyang mataas na lebel ng GHG emissions sa kalawakan bilang resulta ng mahigit 150-taong industriyal na aktibidad.

Tinanggap ito sa Kyoto, Japan noong Disyembre 11, 1997 at ipinatupad noong Pebrero 5, 2005. Taong 2007 nang ipinatupad ang detalyadong alituntunin at tinawag itong Marrakesh Accords.

Ang pandaigdigang emissions o paglalabas ng carbon dioxide (CO2) – ang pangunahin sanhi ng global warming – ay tumaas nang 3 porisyento sa taong 2011. Ito ang panahong umabot ang emmissions sa pinakamataas na rekord na 34 billion tones.

Ang limang bansang nangunguna base sa Emissions Database for Global Atmospheric Research (Edgar) na nakabase sa Europa, ay ang Tsina (29%), US (16%), European Union o EU27 (11%), India (6%) at Russian Federation (5%).

Ayon kay Mesina, pangunahin pa rin ang mga mayayamang bansa sa may pinakamalaking ambag sa pagdudumi ng hangin na nagdudulot sa pagbabago ng klima. Samantala, ang mahihirap na bansa ang siyang lubos na nakakaranas ng disaster. Sinabi ni Mesina na mayayamang bansa ang may mas higit na pananagutan sa pagbabago ng klima.

Ginahamang kagubatan

Gayunpaman, nanatiling malaki rin ang epekto ang pagkakalbo ng kagubatan sa pinsalang dulot ng kalamidad.

Sa datos ng Conservation International, ika-apat ang Pilipinas sa sinasabing pinakananganganib ang kagubatan sa mundo o isa sa pinakamabilis na maubos ang kagubatan sa mundo. Kung magpapatuloy ang 157,000 ektarya kada taon na pagkakalbo ng kagubatan, ang natitirang sakop na kagubatan ng bansa ay mabubura sa loob ng 40 taon. Katumbas ito ng dalawang ulit na lawak ng Metro Manila ang nawawala kada taon.

Ayon sa Kalikasan Party-list, bago ang kolonyal na pananakop sa bansa, nasa 27 milyong ektarya o 90% ang sakop na kagubatan sa kabuuang lawak ng lupain ng Pilipinas. Sa pagpasok ng kolonyalismong Espanyol, ginamit ang mga puno sa pagtatayo ng mga imprastraktura gaya ng tulay, at mga barko para sa kalakalang galyon.

Ang malakihan at export oriented na komersiyal na katangian na pagtotroso ay dumating sa panahon ng pananakop ng mg Amerikano. Sa simula ng pananakop ng mga Amerikano noong ika-20 siglo, mayroon ang Pilipinas ng 21 milyong ektarya ng matatandang kagubatan na sumasakop sa 70% lawak ng lupain ng bansa. Ang mga troso ay ineeksport tangi sa US at ginagamit upang suportahan ang industriya ng mina na itinayo ng mga Amerikano. Sa taong 1940, nasa 9 na milyong ektarya na lamang ng kagubatan na sumasakop sa 30% ng kalupaan ng Pilipinas ang natitira.

Ayon sa Global Agricultural Information Network ng US Department of Agriculture, tinatayang nasa 5.2 milyong ektarya na lamang mayroon ang Pilipinas sa taong 2002 na halos 18% ng orihinal na kagubatan meron dati ang Pilipinas. Ayon naman sa datos ng DENR, nasa 7.1 milyong ektarya ang kagubatan sa Pilipinas sa taong 2003.

Samantala, isa ang Mining Act of 1995 sa nagbibigay ng karapatan sa mga kompanya ng mina na magtroso sa mga lugar kung saan sila nagmimina rin. Nasa mahigit isang milyong ektarya ng lupain ang sakop ng mining permits at aplikasyon, sa datos ng Kalikasan hanggang Marso 2011.

Tinatayang 530 kompanya ng minahan ang nakatakdang aprubahan at mag-operate sa bansa sa pag-eenganyo at pahintulot ng administrasyong Aquino ayon sa datos mismo ng Department of Environment and Natural Resources.

Sa datos din ng Kalikasan, hindi rin makahabol ang gobyerno at pribadong sektor sa mabilis na pagkakalbo ng kagubatan sa mga proyektong reforestation o pagtatanim ng mga puno.

Bagamat naglalaan ang gobyerno ng pondo para sa reforestation, malaki ang pagkadepende ng mga proyekto mula sa foreign funding at foreign loans na nagreresulta sa dayuhang pagkakautang.

Ayon pa sa Kalikasan, ang pagpigil sa deforestation ay hindi lamang tungkol sa pagtatanim ng maraming puno.

Dams, negosyo muna

Ang pagpapakawala ng tubig sa dams ang isa sa itinuturong dahilan ng paglala ng mga baha sa tuwing may mga sakuna tulad ng bagyo.

Subalit ayon kay Mesina, may dahilan kung bakit walang-pasabing nagpapakawala ng tubig sa dams o kailangan pang hintayin na umabot sa kritikal na lebel bago magpakawala ng tubig ang hydroelectric companies na nangangasiwa ng dams. “Profit margin (kita) pa rin ang baseline ng mga yan. Kasi inuuna ang profit margin nila,” ayon kay Mesina.

Dahil sa malaki ang potensiyal ng mga ilog sa Pilipinas upang makalikha ng enerhiya, mayroong 12 mayor na dams ang Pilipinas—isa sa pinakamarami sa Asya. Ang San Roque Dam sa Itogon, Benquet na itinayo upang pakinabangan ang potensiyal ng Ilog Agno ang sinasabing pinakamalaki sa buong Asya.

Sa kabila nito, nananatiling may pinakamahal na singil sa kuryente sa Asya at pangalawa sa buong mundo ang Pilipinas.

Prayoridad at polisiya

Sa taun-taong nahaharap sa ganitong kalamidad ang bansa, nagiging kuwestiyon kung gaano kahanda ang gobyerno o kung gaano ito nasa prayoridad ng isang administrasyong masiguro ang kaligtasan ng mamamayan nito sa panahon ng sakuna.

 

Ayon sa Kalikasan Partylist, mula noong eleksyong 2010, walang konkretong plataporma ang Administrasyong Aquino para sa pangangalaga ng kalikasan. Bagkus mas itinulak pa nito ang mga mapanlinlang kautusan na pawang anti-kalikasan gaya ng Executive Order 79 na mas nagbigay luwag sa mga dayuhang kompanya ng minahan sa bansa.

Ikinansela naman ng administrasyong Aquino ang mga proyekto para umano sa flood control projects. Ayon ito kay Quezon Rep. Danilo Suarez, sa ipinasa nitong House Resolution 1793 para imbestigahan ang kanselasyon.

Sa lumabas na press release ng Department of Public Works and Highways noong Hulyo 28, 2010, ikinansela ni Sec. Rogelio Singson ang 19 sa 139 na proyekto na nagkakahalaga ng P934.1 Milyon sa ilalim ng Post Ondoy and Pepeng short term infrastructure rehabilitation projects (Popstrip) na proyekto ni dating pangulong Gloria Arroyo. Isinailalim ni Singson sa imbestigasyon ang dahilan ng mga kanselasyon sa mga proyektong ito.

Ayon kay Mesina, sa kabila ng pagtingin ng gobyernong Aquino sa mahihirap na nakatira sa tabing mga ilog, tila hindi nakikita ng gobyerno ang mga malalaking imprastraktura gaya ng SM Marikina sa Marikina River bilang nakaharang sa mga daan ng tubig.

Sa simula pa lang, dapat alam ng mga munisipyo ang hazardous area na huwag dapat pinapatayuan. Eh binigyan ng gobyerno ng permit, so assured ang mga tao na ligtas dahil binigyan ng government permit. So may policies issues diyan. Ngayon, umaalis ang mga tao dahil hazardous nga,” ayon kay Mesina, na tinutukoy ang Provident Subdivision sa Marikina.

Kabilang na dito ang reclamation projects, ayon kay Mesina.

Sa datos ng Kalikasan, aabot sa 38,000 ektarya sa coastal area ang sakop ng 108 reclamation projects sa Pilipinas. Mayorya sa mga ito ang matatagpuan sa Manila Bay sa ilalim ng programang Public-Private Partnership ni Aquino na may sakop na 26,234 na ektarya.

Sa pag-aaral ng Kalikasan, maraming masamang epekto sa marine at coastal ecosystem at maging sa mga komunidad sa tabing dagat ang ganitong kaagresibong pagpapalawak ng coastline para sa real estate development.

Hanggang sa panahon ng kasalukuyang administrasyon, nagpapatuloy ang malawakang reclamation projects: Ang North Bay Boulevard Project na naglalayong gawing major business center ang Navotas na nagkakahalaga ng P50 Bilyon at nagbabanta sa pagpapaalis ng 20,000 pamilya sa 14 na barangay sa tabing-dagat. Nasa isang ektarya naman ang reclamation project malapit sa Pasay para tayuan ng casino.

Ang kamakailan na R-1 Expressway Project na umaabot hanggang Kawit, Cavite ay may sakop na 7,000 ektarya. Ang rehabilitasyon at expansion sa Sangley Point ay naglalayong i-reclaim ang 5,000 ektarya upang gawing international seaport.

Ang banta sa 635 ektaryang reclamation project ng PRA and Cyber Bay Corp, na naglalayong magtayo ng business center at highway na posibleng dumaan sa mangroves reserves upang pagdugtungin ang ibang bahagi ng Metro Manila, ang pinakahuli.

Sa isang pag-aaral ng Tricore Solutions, na naging basehan ng Writ of Kalikasan laban sa Las Piñas – Parañaque Critical Habitat and Ecotourism Area (LPPCHEA) reclamation, nakasaad na ang lakas ng Bagyong Ondoy at Pepeng at ang ulan ng mga ito, at patuloy na pagtaas ng tubig dagat na dulot ng climate change, ay maaaring magpalubog sa 37 barangay sa Bacoor, 17 sa Las Pinas at 11 sa Paranaque sa lalim na 0.15 hanggang 5.12 metro ng baha.

Paninisi sa mahihirap

Sa naranasang pagbaha sa kalakhang Maynila, mabilis na itinuro ng gobyerno ang mga mahihirap bilang may kasalanan di umano sa pagbaha lalo na sa mga nakatira sa mga tabing ilog dahil daw sa paninikip ng daluyan ng tubig.

Naging mainit na usapin din ang “pagpapasabog” di umano sa kanila kung kinakailangan dahil daw sa peligrosong kinalalagyan nila.

Subalit agad naman itong binatikos ng iba’t ibang progresibong grupo.

Ayon kay Mesina, “parang ang government ay ang disaster in itself kung paano nya pinaprayoritisa ‘yung mga bagay. ‘Yung pagpapaalis ng mga mahihirap doon sa tabing ilog, repleksiyon iyun kung paano mag-isip ang gobyerno. Hindi alam ang ugat kung bakit naroon ang mga tao at bakit doon sila tumitira. That statement in itself is disastrous. Mas papalalain nya ang sitwasyon at hindi niya reresolbahin.”

Kahit na paalisin mo diyan ang mga mahihirap (sa tabing mga ilog), kung nagpapatuloy ang mga polisiya na nagpapahintulot sa malalaking pagmimina at pagpuputol ng mga puno tiyak magkakaroon ng pagbaha lalo na’t malalakas ang mga ulan sa panahon ngayon na tumitindi ang climate change,” ayon kay Mesina.

Slideshow ng relief operations ng progresibong mga grupo ni Macky Macaspac