Sovenir ng trauma at pagtutol


rebyu ng “Himagsik at Protesta: Ika-40 taon ng imposisyon ng martial law,” UP Main Library Basement (12 Set. 2012)

rebyu ng “Himagsik at Protesta: Ika-40 taon ng imposisyon ng martial law,” UP Main Library Basement (12 Set. 2012)

 

Ang sovenir ay isang memento ng sarili: kinukuha nang walang pahintulot, binibili kung minsan; walang ibang kahulugan sa iba pero makabuluhan para sa sarili—buhangin sa Boracay na inilagay sa bote, napkin at menu ng isang restaurant na pinag-date-tan, tiket ng concert, self-portrait sa isang okasyon at lugar para i-upload sa Facebook at Instagram.

Paano kukuha ng magandang alaala mula sa isang trauma, lalo pa kung ang alaala ay isang temporal na kolektibong pagdanas, halimbawa, ang deklarasyon ng martial law? Ang cast nga ng nabaling paa o braso—kahit pa sandamakmak ang pumirma—ay masaya lang itapon kapag tinanggal na ito. Ang pilat ng aksidente o operasyon ay may emosyonal na bigat pa rin tuwing nakikita sa katawan.

Ito ang challenge sa exhibisyon, lalo pa’t sa ika-40 taon ng martial law: Anong mga bagay ang available at matitipon? Paano gugunitain ng mga sovenir ang alaala ng pambansang trauma? Banggit nga ni Judy Taguiwalo, ang kanyang mga gamit sa panahong ito ay ni-raid na ng militar. Ang iba naman ay nawala sa paratihang paglipat sa mga kinikilusang pook at pagkalagak ng mga ito sa pag-igting ng intelligence ng militar.

Pero impresibo pa rin ang nalikom: typewriter at radyo ni Jose Ma. Sison, vest ni Edgar Jopson, mga reproduksyon ng larawang unang beses ko lang nakita (tulad ng recording ng Ibong Malaya o imahen ni Emmanuel Lacaba), kulambo ni Armando Teng, at iba pang gamit ng ikonikong mga figura ng kilusang pambansang demokratiko. (http://www.arkibongbayan.org/2012/2012-09Sept14-MLxhbit/ml40exhibit.htm)

Sa katunayan, maging ang mga beterano ng martial law ay curious at excited tignan ang mga sovenir na ito: sa isang banda, ito ay artifact ng isang karumaldumal na panahon kaya ang anumang natirang bagay ay patunay sa anti-diktarduryang pagpupursigi, kaya politikal o kontraryong politika ang sinasambit ng mga sovenir; at sa kabilang banda, ito ay memento ng mga historikal na taong nabuhay, kumilos, tinortyur, napaslang, dinukot o sapilitang lumikas, ang natitirang bagay na pinagkakaingatan ng kanilang pamilya, kaibigan at mahal sa buhay, kaya personal o laban sa paglimot ang mga sovenir.

Na kapag pinagsama-sama—analogous sa reunion ng mga aktibista–ay may igting na sabayang kirot at tuwa dahil magkakarugtong ang bawat bagay na nalikom sa kolektibong buhay at adhikain: na ito lamang ang nauna, at ito ang isang landmark sa pagkakapatuloy (continuum) ng pambansang demokratikong pakikibaka. Na ang tagpo (event) ng exhibisyon, pagbubukas, pagtitipon, paggunita’t panata ay lunan ng simboliko at aktwal na pagsasabuhay ng diwa ng rebolusyonaryong pagbabago, at hindi ito matitinag dahil may pagpupuwang pa rin—lalo na–sa kasalukuyan.

Ang nagawa ng exhibisyon ay dobleng negasyon. Una, laban sa positibismo ng estado na pagdududa sa statistika ng tortyur, winala, inabuso ng diktaduryang Marcos—kasama ang kung nangyari nga ba talaga ang martial law, lalo na sa malawakang pag-comeback ng mga kagyat na pamilya ng diktadura—na paano sasabihin ganito kalaki ang bigwas, sa kaso ng mga desaparasido, kung wala namang katawang natatagpuan? Kung ang katawan na tinortyur ay nabuhay, naghilom na? Kung ang hidden wealth ay nanatiling hidden at ibinabalik pa nga sa Marcoses?

Ikalawa, laban sa negasyon ng rejeksyonista, na tulad ng lohika ng diktadurya at pati ng estado, na ang “rebolusyonaryong kilusan ay kumakain ng sarili niyang mga anak,” at kung gayon, isang failed project, at sa nangyayari, ang prominenteng pagpasok sa administratibong posisyon kay Noynoy Aquino ng mga personalidad nito dahil sa kanila, ang trauma ay pasaporte para sa social political mobility.

Kaya integral na bahagi ng exhibisyon ng sovenir ang alaala at pag-alaala hinggil sa mga bagay, tao at pangyayari ng martial law at thereafter nito, at ng higit na pagpursigi sa legal at undergrawnd na pagkilos. Tuloy ang laban dahil hindi naman natapos ang fasismo sa pagpapatalsik kay Marcos. Nagpapatuloy ang karahasan ng estado sa Oplan Bayanihan at patuloy na sistemikong pagkaetsapwera kay Aquino.

Ang isa naman naging sovenirng mga dumalo sa pagbubukas ng exhibisyon ay ang testimonya ng mga kinulong at tinortyur sa martial law, at nagpapatuloy ng kanilang pagkilos hanggang sa kasalukuyan. Pinakatampok sa akin ang testimonya ni Neri Colmenares, at ang mga detalye bumubuo ng kanyang trauma at panata: na ang unang antas ng pagpapahiya ay ang pagpalo ng ruler sa kanyang ipinabukas na mga palad; ang pisikal na tortyur na pambubugbog at ang pinaka-hindi niya makakalimutan, ang paglagay ng mga bala sa pagitan ng mga daliri ng magkabilang kamay, matapos ay iipitin; at ang mental tortyur na subuan ka ng baril na parang Russian roulette at ang nakakabinging tunog ng pagpindot sa gatilyo, at ang iniisip na tunog ng sumasabog na ang bungo sa dingding.

Ang testimonya ay pagsaksi sa nauna para sa kasalukuyan, ito ay patuloy na panindigan sa hinaharap. Ang tangi ko lang maimumungkahi ay sana ay mayroon ding sovenir mula sa ordinaryong kasapi at kadre na kumilos, lampas sa sovenir ng mga personalidad na bumubo ng exhibisyon. Sa huli, ang magandang tunguhin ng exhibisyon ay isang permanenteng arkibo ng kilusang pambansang demokratiko bilang patuloy na pagsaksi at pagpupursigi na mawaksi ang mga katiwalian ng estado, kundi man ng mismong estado.