Pambansang Isyu

Trahedya sa Timog Mindanao, sanhi ng malawakang pagmimina, pagtotroso


Dama ng Mindanao ang isa sa pinakamalupit na trahedya sa kasaysayan nito matapos humagupit ang bagyong Pablo (Bophal). Ang hindi sinisiwalat, small-scale mining at logging ang dahilan kung bakit nangyari ang trahedya sa ilang mga bayan sa Mindanao. Ayon sa pagbibilang ng iba’t ibang ahensiya, di-bababa sa 500 katao ang nasawi sa mga biglaang pagbaha […]

Nasawi ang dalawang anak ni Valentine Pabillana at isang 11-buwang apo nang bumagsak ang kanyang bahay dahil sa landslide sa bayan ng Compostela sa Compostela Valley. (davaotoday.com photo / Ace R. Morandante)
Nasawi ang dalawang anak ni Valentine Pabillana at isang 11-buwang apo nang bumagsak ang kanyang bahay dahil sa landslide sa bayan ng Compostela sa Compostela Valley. (davaotoday.com photo / Ace R. Morandante)

Dama ng Mindanao ang isa sa pinakamalupit na trahedya sa kasaysayan nito matapos humagupit ang bagyong Pablo (Bophal). Ang hindi sinisiwalat, small-scale mining at logging ang dahilan kung bakit nangyari ang trahedya sa ilang mga bayan sa Mindanao.

Ayon sa pagbibilang ng iba’t ibang ahensiya, di-bababa sa 500 katao ang nasawi sa mga biglaang pagbaha at landslide na may kasamang mga nabuwal na puno at bato sa Compostela Valley at Davao Oriental, ang mga lugar na pinakamalalang tinamaan ng trahedyang dulot ng bagyo. Daan-daan din ang naiulat nilang nawawala.

Isiniwalat ng Kalikasan, isang progresibong environmental organization, na patuloy ang ilegal na pagtotroso sa mga lugar na kung saan malubhang tumama ang hagupit ng bagyo at ng mga kasunod nitong mga pagbaha.

“Karamihan sa mga lugar kung saan laganap ang illegal logging ay sa mga lugar na sakop ng paso (expired) nang concession permits sa Surigao del Sur, Agusan del Sur at Agusan del Norte.” Maging ang Agusan River Basin, ang ikatlong pinakamalaking lawa sa bansa, ay apektado ng mga aktibidad na ito, at namamarkahan ng pagkawala ng mga kahayupan (biodiversity) at papaubos na likas-yaman.

Ipinunto pa nila na hindi dapat tignan ang pagbaha sa Compostela Valley bilang isang hiwalay na pangyayari. “Ang mga lagusan ng Agusan River ay direktang dumadaloy sa Compostela Valley kung saan pinakamalubhang naganap ang mga pagbaha,” paliwanag ng grupo.

Nananawagan ang Kalikasan ng isang komprehensibong pagsisiyasat sa mga salik na nagpalala at nakapag-ambag sa trahedya dulot ng bagyo. Bukod pa ito sa mga nauna na nilang pagsisiyasat ukol sa kahirapan ng mga mamamayan na sanhi ng ilegal na pagtotroso, kumbersiyon sa lupa, landrabbing, kawalan ng proteksiyon sa kapaligiran, at kakulangan ng rehabilitasyon ng bulnerable at nasirang mga lupain.

Samantala, sinabi naman ng rebolusyonaryong alyansa na National Democratic Front of the Philippines (NDFP) na matindi ang pagtotroso at mapaninsala ang malakihang pagmimina sa naturang mga lugar. Sa kabila nito, tila “kumbinyenteng mga sagot” lamang ang binibitaw ng pamahalaan: Isinisisi nito ang trahedya sa small-scale mining and illegal logging sa mga hazard prone area. Ito lang anila ang sagot ng pamahalaan na “nabigong magbigay ng sapat na paghahanda at rumesponde sa pangangailangan ng mga mamamayan.”

Dugtong pa nila na naging salik din ang pagtingin ng administrasyong Aquino sa Compostela Valley at Davao Oriental bilang lokalidad na mayaman sa likas na rekurso (resource-rich localities).

Panawagan ng tulong para sa TImog Mindanao, mula sa Balsa Mindanao at Rural Missionaries of the Philippines-Southern Mindanao Region.
Panawagan ng tulong para sa TImog Mindanao, mula sa Balsa Mindanao at Rural Missionaries of the Philippines-Southern Mindanao Region.

“Naglalaway ang lokal na kapitalista at dayuhang mga kompanya ng large-scale mining sa tinatayang 189 milyon metriko-toneladang ginto na karamihan ay nasa Mt. Diwata, at sa 490.7 milyon metriko-toneladang nickel sa Comval (Compostela Valley) at Davao Oriental. Ngunit kapag sumapit ang trahedya, piecemeal assistance) lamang ang ipinaaabot ng pamahalaan,” ayon sa grupo.

Idinagdag pa nito na kahit nagtalaga ng bilyong piso para sa modernisasyon ang Armed Forces of the Philippines disaster-related technological upgrades (na nagsisilbing bahagi ng madugong programang kontra-insurhensiya nito na Oplan Bayanihan), malayo ito para makasapat sa pagsalba sa mga pamilyang galing sa mga maliliit na mga magsasaka, small-scale miners, at mga manggagawa sa plantasyon ng saging.

Nanawagan din ang NDFP sa mga alyado nitong mga organisasyon na mangalap ng donasyon at kontribusyon para sa mga biktima ng trahedya.

Samantala, nagpanukala si Bayan Muna Rep. Teddy Casiño na mabilisang ipasa ang House Bill 5660 o ang Free Mobile Alerts Act na nag-uutos sa mga kompanya ng telekomunikasyon na magbigay ng libreng texts para sa pagpapalaganap ng mga ahensiya ng pamahalaan tulad ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC), Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) at iba pang katulad na ahensiya, ng mga babala sa mga lugar na maaaring tamaan ng kalamidad.

“Kung maaaprubahan ang bill, magiging malinaw na tungkulin ng gobyerno at ng telcos ang paglalabas ng libreng mobile alerts sa pinakamaagang panahon,” dugtong ni Casiño.