Editor's Pick Manggagawa

Mga obrero ng Coca-Cola: Kaligayahan sa paggiit ng karapatan


Kasiyahan daw ang dala ng pag-inom ng produktong ginagawa nila. Pero para sa mga manggagawa ng Coca-Cola, higit na mas masaya ang magtagumpay sa sama-samang pagkilos para sa kanilang mga karapatan. Naranasan ng mahigit 200 manggagawa ng Coca-Cola Bottlers Philippines Inc. sa Sta. Rosa, Laguna ang tagumpay na ito. Tatlong araw matapos itayo ang welga […]

Kaligayahang mula sa pagkakaisa at paglaban: Welga ng mga manggagawa ng Coca-Cola. (Marian Royulada)
Kaligayahang mula sa pagkakaisa at paglaban: Welga ng mga manggagawa ng Coca-Cola. (Marian Royulada)

Kasiyahan daw ang dala ng pag-inom ng produktong ginagawa nila. Pero para sa mga manggagawa ng Coca-Cola, higit na mas masaya ang magtagumpay sa sama-samang pagkilos para sa kanilang mga karapatan.

Naranasan ng mahigit 200 manggagawa ng Coca-Cola Bottlers Philippines Inc. sa Sta. Rosa, Laguna ang tagumpay na ito. Tatlong araw matapos itayo ang welga noong Mayo 20, nagtagumpay sila: pumayag ang manedsment sa makatarungang mga hiling nila, kabilang ang pagregularisa ng mga manggagawa at pagkilala sa binuo nilang unyon, ang Unyon ng Manggagawang Driver, Forklift Operator, at Picker (UMDFP), na ilang dekada na nilang ipinananawagan.

Ayon kay Marlon Dispabiladeras, isang picker at miyembro ng unyon, sa kabila ng kasiyahang binebenta ng kanilang produkto, hirap ang nararanasan nilang mga nagtatrabaho sa naturang pabrika. Dahil dito, nagwelga sila.

Ligaya sa paglaban

Alas kuwatro ng umaga noong Lunes, Mayo 20, nang ipinutok ng mga manggagawa ang welga laban sa hindi-makataong pagtrato sa kanila ng nasabing multinational company.

Kuwento ng mga manggagawa, kinandado at hinarangan nila ang anim na gate ng planta sa Sta. Rosa, Laguna — ang pinakamalaking planta sa buong Asya. Ang ginamit nila: mga sanga ng kahoy, malalaking bato, at mga tent na itinayo nila bilang silungan sa pinlanong ilang araw na protesta. Pinuno naman ng mga manggagawa ng mga panawagan gamit ang pinturang pula ang mga pader sa labas ng planta.

(Kuha ni Marian Royulada)
(Kuha ni Marian Royulada)

“Krisis naming manggagawa, happiness ng Coke,” at “Welga kami! – UMDFP” ang ilan sa mga panawagan nila na nakasulat sa mga pader palibot ng planta. Pumula naman ang kalangitan sa pagwagayway ng mga manggagawa ng mga watawat ng mga grupong sumusuporta sa kanilang laban, tulad ng Anakpawis Party-list at Pagkakaisa ng Manggagawa sa Timog Katagalugan o Pamantik.

Nagkalat din ang mga streamer na ang iba pa’y bitbit sa katawan ng mga manggagawa. Isa sa mga higit na nakakuha ng atensiyon ng mga dumadaan at ng midya ang streamer na may mga katagang: “Ganito kami sa Coke, walang happiness!”

Buo ang suportang natanggap ng mga nagprotestang manggagawa sa kahabaan ng planta ng Coca-Cola. Sa tabing kalsada, nakatayo ang mga miyembro ng Pamantik, humingi ng kaunting tulong mula sa nagdadaang mgasasakyan. Sa kaunting barya na ihinuhulog ng mga tao, lubos na ang pasasalamat at ngiting ibinibigay ng mga manggagawa.

Samantala, nagbigay naman ng pag-aaral na tinawag nilang ED Fest (educational discussion festival) sa mga taong naroroon ang mga miyembro ng Anakpawis. Nagpalawak sila ng kaalaman tungkol sa lipunang kanilang ginagawalan.

Ramdam ng mga manggagawa ng Coca-Cola ang suporta ng mga kapwa-manggagawa. Matapos pumutok ang welga, unti-unting nagsidatingan ang mga miyembro ng iba’t ibang unyon sa Timog Katagalugan.

Kasama rito ang mga obrero mula sa Honda, Eagle Rich, URC Cavite, at Toyota, gayundin ang progresibong mga miyembro ng Anakbayan, Student Christian Movement of the Philippines, Solidarity of Cavite Workers, CAR-AID, Samaka, Kalipunan ng Damayang Pilipino, Kabataan, Migrante, at iba pang progresibong grupo na nagsusulong sa karapatan ng mga manggagawang Pilipino.

Pangunahing Isyu

Nagdiwang ang mga manggagawa matapos ianunsiyo ang panimulang tagumpay ng kanilang welga. (Marian Royulada)
Nagdiwang ang mga manggagawa matapos ianunsiyo ang panimulang tagumpay ng kanilang welga. (Marian Royulada)

Matagal na nilang hinaing ang panggigipit sa kanila at paglabag sa kanilang mga karapatan.

Taong 2010 itinatag ang The Red System Company, Inc. (TRCI), ang pribadong ahensiya na humahawak sa lahat ng manggagawa sa Coca-Cola. Bago mapailalim sa nasabing ahensiya ang higit sa 400 manggagawa, kabilang sila sa iba’t ibang ahensiya. Sinasabing 99.9% ng Red System ay pagmamay-ari mismo ng Coca-Cola–dahilan para matawag itong isang in-house agency na ipinagbabawal ng Department of Labor and Employment (DOLE).

“Ginawa ang TRCI (ng Coca-Cola) para makatipid sa lahat ng benepisyo, sa mga sahod,” ani Bonieflor Dello, tagapagsalita ng unyon. Paliwanag niya, mula nang mapailalim sila sa Red System, tinanggalan na sila ng overtime pay, incentives, at iba pang benepisyo na dati nilang natatamasa.

Hindi rin pare-pareho ang sahod na natatanggap ng mga trabahador sa kompanya. Halimbawa nito ang mga drayber na napapasailalim sa polisiyang “no trip, no pay.” Sa madaling salita, kahit gaano kahabang oras ang ginugol ng isang drayber sa planta habang naghihintay ng biyahe, hindi siya mababayaran.

Sakali namang makakuha siya ng biyahe, matatanggap niya ang P426 na suweldo–gaano man kalayo o kalapit ang lalakbayin. Samantala, P330 ang natatanggap ng forklift operators, at P315 naman ang mga picker. Hindi pa ito aabot ng minimum wage sa Laguna na P327 ang natatanggap ng mga picker. Kahit lagpas sa walong oras ang gawing pagtatrabaho ng mga manggagawa, wala silang natatanggap na dagdag-bayad.

Bukod pa sa isyu sa suweldo at regularisasyon, nariyan din ang tungkol sa pagkilala sa kanilang unyon. Nasa ilalim ng FFW o Federation of Free Workers ang isa pang unyon na nasa loob ng planta ng Coca-Cola. Ayon kay Joeresty Oquendo, bise presidente ng UMDFP, tahasang itinatag ng Red System ang unyong dikit sa FFW para magkaroon ng kontrol sa mismong unyon at mga manggagawa.

Kailan lang, nakakuha ng pahintulot ang UMDFP na buuin ang kanilang unyon, sabay ng pagkilala sa mga empleyado bilang regular na manggagawa ng Coca-Cola. Gayunpaman, ilang araw lamang ang lumipas, naapela ang sinasabing non-appealable case na nakarating sa DOLE Intramuros, na siyang nagbaliktad sa desisyong inilatag ng DOLE sa Region 4.

Ito ang patung-patong na dahilan sa pag-abot sa sukdulan ng nararamdaman ng mga manggagawa dahil sa diskriminasyon at hindi makatarungang kalakaran sa planta. Ito ang nagtulak sa kanila upang hayagang ipaglaban ang karapatang nais nilang matamasa bilang mga manggagawang nagpapagod para sa isang multi-nasyunal na kompanya.

Agreement

Matapos iputok ang welga noong Lunes, nagdeklara na ng total paralysis sa operasyon ang Coca-Cola. Halos P25-Milyon ang sinasabing nawawala sa kompanya sa bawat araw na walang nagaganap na operasyon. Kaya naman naniniwala ang mga manggagawa na isa ito sa mga dahilan kung bakit sa pangatlong araw ng protesta ay napagpasyahan na na ibigay ang kanilang mga hinihiling.

Nakasaad sa pinirmahang agreement ng mga nasa pagpupulong noong Martes ang mga sumusunod: (1) rebyu ng absorption of positions na magsisimula sa Mayo 27, na may tatlong kinatawan mula sa mga manggagawa at Labor Relations and Social Development Manager Mr. Antonio Apale; (2)  financial assistance na nagkakahalagang P15,000; at Php9,000 rice allowance tax free na ibibigay bago Hunyo 15.

Hindi magtatagal, (at kung tutupdin ng manedsment ang pangako nila) magiging regular nang mga empleyado ng Coca-Cola ang  mga manggagawa. Gayunpaman, hindi nila isinasantabi ang katotohanan na marami pang ibang pagsubok ang kakaharapin ng mga manggagawang tulad nila para sa tunay na paglaya at pagligaya.

Mga larawan ni Marian Royulada