Dayuhang ayuda, di pa rin napakikinabangan ng mahihirap

January 14, 2009

“PAANO kami makakakuha niyan?” o “Bakit hindi kami kasali diyan?”

Ito ang karaniwang reaksiyon, ayon kay Bayan Muna Rep. Teddy Casiño, ng kanyang kapwa mga kongresista tuwing napag-uusapan ang ODA o Official Development Assistance, ayudang ibinibigay ng mayayamang bansa sa mahihirap na bansa gaya ng Pilipinas.

Nakakalungkot ito, aniya, dahil malinaw na interesado lamang ang mga opisyal ng gobyerno sa pera na daraan sa kanilang mga kamay kaya’t nagkukumahog sa ODA kahit pa lumalabas sa isang pag-aaral na hindi ito nagdala ng tunay na pag-unlad ng Pilipinas.

Dapat sa ikabubuti ng publiko

Kamakailan, inilabas ng Reality of Aid Network (RoA), grupong internasyunal na nagbabantay sa dumadaloy na ODA sa buong mundo, ang 2008 Reality of Aid Report. Ipinakikita ng ulat na bigo ang mayayamang bansa na tulungan ang mahihirap na bansa na maiangat mula sa kahirapan at kamtin ang tinatawag na Millenium Development Goals o mga tanda sa pag-unlad na itinakda ng United Nations (UN).

Sinabihan ng UN ang mayayamang bansa na maglaan ng 0.7% ng kanilang gross national income (GIN) para sa ayuda, pero bigo ang karamihan na gawin ito. Nasa 0.28% lamang ng GIN ng mga bansang nasa Organization for Economic Cooperation and Development (OECD) ang napupunta sa ayuda.

Isa pa, halos 30% lamang ng kanilang ayuda ang inilaan para sa pag-angat ng mahihirap na bansa sa kahirapan at pagkamit ng mga MDG.

Pinakamalaking porsiyento ng ODA sa mundo simula 2000, ibinubuhos sa debt relief at suporta sa mga estudyante at bakwit sa mga bansang may malalalang tunggalian gaya ng Afghanistan at Iraq. Hindi itinuturing ng RoA bilang ayuda ang mga ito, lalo’t mayroong hayag na adyendang pampulitika sa mga bansang ito ang mayayamang bansang donor gaya ng US.

“Dapat sana’y para sa ikabubuti ng pandaigdigang publiko ang ayuda,” sabi ni Antonio Tujan, tagapangulo ng RoA. Pero sa aktuwal, aniya, maaaring nakasasama pa ito sa mayorya sa mahihirap na bansa.

Kaya’t bagaman ibinabandila ng gobyernong Arroyo na nagdala ng pag-unlad ang masiglang pamumuhunan at kalakalan na itinutulak ng mga proyektong dayuhan, sa nakaraang walo hanggang siyam na taon ay lalong dumausdos ang kalidad ng pamumuhay sa bansa.

Ayon sa Ibon Foundation, na kasama ng RoA maglabas ng nasabing ulat dito sa Pilipinas, kalakhan ng 58% o $15.5-Bilyon ng ODA na natanggap ng bansa ay napunta lamang sa imprastruktura na “di gaanong kinakailangan,” kumpara sa 13% 0 $1.2-B na napunta sa kritikal na mga serbisyong sosyal.

‘Nakataling’ ayuda

Nananatiling kontrolado ng mayayamang bansa ang ibinibigay nilang ayuda, dagdag pa ng ulat ng RoA.

Sa kalakhan, hindi malaya ang mga bansa, kabilang na ang Pilipinas, na itakda ang sektor o lugar na maaaring paglaanan ng dayuhang ayuda. Nasa 32% na lamang ng ODA ang country programmable o kayang iprograma ng tumatanggap na bansa, mababa kaysa sa 49% noong 1990.

Gayundin, nakatali pa rin ang karamihan ng ODA sa mga materyales at teknolohiyang kailangang bilhin mula sa mga bansang donor. Halimbawa nito sa Pilipinas ang kontrobersiyal na $503-Milyong Proyektong Northrail na pinopondohan ng ayuda mula sa Tsina sa kondisyon na Tsinong kontraktor ang gamitin sa pagpapaunlad ng riles.

Ayon sa World Bank (WB), umabot sa 58% ng ayuda sa buong mundo ang nakatali sa pagbili ng mga materyales at teknolohiya mula sa mayayamang bansa. May 93% ng ayudang ibinibigay ng US ang “nakatali,” ayon naman sa sarbey ng Development Assistance Committee ng OECD noong 2006.

Sinabi ng RoA na kasalanan din ng pandaigdigang mga institusyong pampinansiya gaya ng WB ang kawalan ng pagbabago sa relasyon ng mga bansang nagbibigay at tumatanggap ng ayuda.

Umaabot sa 13 ang karaniwang kondisyon na ipinapataw ng WB sa mga bansang pinauutang nito, gaya ng Pilipinas. Sa mga kondisyong ito, 43% ang tungkol sa pagpataw ng polisiyang pang-ekonomiya na liberalisasyon at deregulasyon, na naglilimita ng serbisyong sosyal para sa mahihirap.

Ayon sa Ibon Foundation, bentahe para sa mga dayuhan ang mga proyekto sa Medium Term Development Plan at mga kasunduang ipinasok ng gobyernong Arroyo gaya ng Japan-Philippine Economic Partnership Agreement, dahil na rin sa impluwensiya ng mayayamang bansang donor at pandaigdigang mga institusyong pampinansiya.

Reporma sa ODA?

“Mananatiling mardyinalisado ang mahihirap mula sa mga desisyon at rekurso na maaaring magpaunlad ng kanilang buhay, hanggang hindi nila maging demokratikong pag-aari ang ayuda,” sabi ni Brian Tomlinson, pangalawang tagapangulo ng RoA.

Umano’y hindi sapat ang ilang mga kasunduang internasyunal gaya ng Paris Declaration at Monterrey Consensus, na umano’y nakatutok lamang sa epektibong pangangasiwa ng ayuda para pa rin maisulong ng mayayamang bansa ang kanilang pansariling interes.

Nakikita naman ni Casiño ang pangangailangan para repormahin ang ODA Law nang sa gayon ay tumugon ang ayudang natatanggap ng bansa sa tunay na pangangailangan ng mga Pilipino. Mas madala pa sana ito, aniya, kung rerepormahin mismo ng kanyang mga kapwa kongresista ang pagtingin sa dayuhang ayuda bilang pera lamang na maaaring mayroon silang makubra.