Pag-aalsa laban sa ‘susunod na hepe ng AFP’


Ngayon pa lamang, sinasalubong na si Lt. Gen. Delfin Bangit ng pagkamuhi’t diskuntento mula sa mga sundalo at mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao.

gen_delfin_bangit2
Sina Editha Burgos at Lorena Santos

SA DARATING na Marso 29, ipagdiriwang ni Edita Burgos ang ika-38 na kaarawan ng anak niyang si Jonas. Balak ng pamilya Burgos magdaos ng isang misa sa Bantayog ng mga Bayani sa Quezon City. Ito’y sapagkat bayani rin ang turing ng marami sa aktibistang magdadalawang taon nang nawawala. At gaya ng libu-libong martir noong Batas Militar, hindi pa rin nakakamit ni Jonas ang hustisya.

Katunayan, maya’t maya ang tila sampal ng kawalang-hustisya para sa mga kagaya ni Jonas. Pinakahuli ay ang kumpirmasyon ng Commission on Appointments (CA) noong Marso 4 sa promosyon kay Lt. Gen. Delfin Bangit bilang three-star general at ang usap-usapang pagsipat sa kanya bilang susunod na hepe ng AFP (Armed Forces of the Philippines).

Diumano, si Bangit ang responsable sa pagdukot kay Jonas at sa pagtatakip sa krimeng naiturol sa mga sundalong nasa ilalim ng kanyang kumand bilang noo’y hepe ng Intelligence Service of the AFP (Isafp). Reklamo ng grupong Pamilya ng Desaparecidos para sa Katarungan (Desaparecidos), hindi kinonsidera ng CA ang mga kaso ng paglabag sa karapatang pantao na kinasasangkutan ng heneral.

Pagtatakip sa krimen laban kay Jonas

Hindi malilimutan ni Edita ang unang beses niyang makaharap si Bangit sa himpilan ng Isafp sa Camp Aguinaldo. Ilang araw matapos madukot si Jonas sa loob ng Ever Gotesco Mall noong Abril 28, 2007, nakatanggap ang pamilya Burgos ng impormasyon na doon dinala si Jonas. Agad pumunta si Edita at maayos namang nakipag-usap sa kanya si Bangit. Nangako itong gagawin ang lahat para mahanap si Jonas at ang mga puwersang dumukot sa kanya.

Lumipas ang ilang buwan at unti-unting nagkahugis ang istorya sa likod ng pagdukot kay Jonas, isang agrikulturistang tumutulong sa isang lokal na grupo ng mga magsasaka sa Bulacan at anak ng yumaong aktibistang mamamahayag na si Joe Burgos Sr. Ang plaka ng sasakyan na ginamit ng mga salarin, natuklasang pag-aari ng 56th Infantry Batallion ng Philippine Army (PA) na nakabase sa Norzagaray, Bulacan. Nagdahilan ang militar na nanakaw lamang sa kanila ang plake; pero mabigat ang ebidensiyang nagdidiin sa kamay nito.

Muling humiling ng pakikipag-usap si Bangit sa pamilya Burgos. Sa opisina ng noo’y hepe ng Task Force Usig na si Gen. Geary Barias, umiyak ang heneral. Siniguro niya si Edita na walang siyang kinalaman sa pagdukot kay Jonas at sinabing apektado na ang kanyang pamilya sa mga paratang nitong inilalabas ng midya.

“Magaling siyang magdrama,” pagbabalik-tanaw ni Edita. “Pero mapapatunayan ding hindi siya sinsero sa kanyang mga sinasabi.”

Noong Hulyo 2007, iniutos ng Department of Justice (DOJ) sa Isafp na paimbestigahan ang tatlong ahente ng Military Intelligence Group 15 at dalawang opisyal ng 56th ID na pangunahing mga suspek sa pagdukot ni Jonas. Batay ito sa mga testigo sa imbestigasyon na pinangunahan ni State Prosecutor Emmanuel Velasco.

Pero tinanggi lamang ni Bangit na bahagi ng Isafp ang mga ito; hindi na umusad ang imbestigasyon sa mga sundalo. Tinanggal pa sa puwesto si Velasco dahil sa pagsasapubliko nito ng pangalan ng mga suspek. Sa isang nagbabantang text message na natanggap ni Velasco, nabanggit si Bangit na kilala bilang Emperor. “Hindi mo kaya si Emperor. Ihahabol ka namin ke Jonas.”

“Akala ko noon, kapag umapela ako, may mangyayari. Bilang hepe ng Isafp ang dami niyang rekurso (Bangit). Pero nadismaya ako. Akala ko gagawin niya ang trabaho niya, yun pala poprotektahan lang niya ang naglagay sa kanya sa posisyon,” hinaing ni Edita.

Karerang pagprotekta sa Pangulo

Tinutukoy ni Edita si Pangulong Arroyo, na tinuturong pangunahing responsable sa mahigit 900 kaso ng pagpatay ng mga aktibista at pagdukot ng halos 200 sa ilalim ng kanyang panunungkulan. Mahaba at mahigpit ang ugnayan nina Arroyo at Bangit.

Noong bise-presidente pa lamang si Arroyo, nagsilbi si Bangit bilang kanyang assistant. Naging camp-de-aide naman siya nang mailuklok ito bilang Pangulo. Nagsilbi naman siyang hepe ng Presidential Security Group (PSG) mula 2003 hanggang 2006.

Hindi makakalimutan ni Fr. Dionito Cabillas ng grupong Karapatan ang ginawang pagpigil sa kanila ng PSG, sa ilalim ng pamunuan ni Bangit, na makapasok sa isang simbahan sa loob ng compound ng Malakanyang.

Noong Nobyembre 15, 2005, unang anibersaryo ng masaker sa Hacienda Luisita, mag-aalay ng misa sa National Shrine of St. Michael and the Archangels sina Cabillas, Fr. Jerry Sabado, Fr. Joe Dizon, at iba pang taong-simbahan nang tapatan ng dispersal team ng PSG. Ito raw ang utos “mula sa itaas.” Na-delay ang misa ng mahigit isang oras.

“Makikita rito na isa si Bangit sa pinakamasugid na tagapagpatupad ng mga kapraningan ni Arroyo,” ani Cabillas.

Samantala, noong siya’y hepe ng Isafp, nagdaos si Bangit ng tinaguriang “pinaka-engrandeng” Christmas party ng ahensiya noong 2006, ayon sa ulat ng Philippine Daily Inquirer. Ipinamigay sa mga sundalo nang “parang kendi” ang mga tig-P500 na salapi; habang pinagpupugayan si Bangit ng mga sigaw na “Long Live the Emperor!” Nag-uumapaw noon ang pagkain, alak, at mga entertainer.

Napuna si Bangit na nagdaraos ng halos araw-araw na mga party sa loob ng Isafp para umano’y itaas ang morale ng mga ahente. Napaulat pang minsang dinala niya ang istap ng ahensiya sa yate ng Pangulo. Panahon ito ng kontrobersiyang nagmula kay T/Sg. Vidal Doble ng Isafp ang wiretapped na Hello Garci tapes.

Nang gisahin ng CA, sinabi ni Bangit na nagmula sa sarili niyang bulsa ang gastos sa party noong 2006. Itinanggi niya ang ulat na nakatanggap siya ng P5 Milyon mula sa Philippine Charity Sweepstakes Office para dito.

Itinanggi rin ni Bangit na bahagi siya ng mga nasa likod ng umano’y demolition job laban kay Sen. Panfilo Lacson ng oposisyon. Inaakusahan ni Lacson si Bangit—kasama ng iba pang mga miyembro ng Class ’78 ng Philippine Military Academy (PMA)—na nagimbestiga hinggil sa kanyang mga ari-arian sa Estados Unidos.

Ngunit matapos maipaliwanag ang kanyang panig sa CA sa isang executive session, lumabas din nang masaya ang heneral. Tila wala nang makakapagpigil pa sa kanyang tuluy-tuloy na pag-akyat sa hagdan ng kapangyarihan.

Gayunpaman, pinangangambahan na muling magresulta sa diskuntento sa hanay ng nakababatang mga opisyal ang pagtalaga kay Bangit bilang hepe ng AFP. Bukod sa pagiging kilalang paborito ni Arroyo, gaya noon ni Lt. Gen. Hermogenes Esperon, masasagasaan ni Bangit ang mas nakakataas na mga opisyal ng AFP.

Ang iba pang mga kuwalipikado para sa posisyon ay sina Lt. Gen. Victor Ibrado, hepe ng PA; Lt. Gen. Rodrigo Maclang, deputy chief ng AFP; Lt. Gen. Nelson Allaga, hepe ng Western Mindanao Command; at Vice Admiral Ferdinand Golez, hepe ng Philippine Navy. Kabilang sila sa Class ’76 ng PMA.

Kamakailan, tinalaga ang kaklase ni Bangit na si Maj. Gen. Oscar Rabena bilang hepe ng Philippine Air Force, kahit na may ibang mas nakatatandang nakahanay para sa posisyon. Sinasabing ginawa ito para paghandaan ang paghirang kay Bangit na hindi rin pangkaraniwang kapalit sa magreretirong si Lt. Gen. Alexander Yano.

‘Ganito ba ang ipinagmamalaki ng gobyerno?’

Hindi man umugong ng kasing-lakas ng sa kaso ni Jonas, muling nasangkot si Bangit sa kaso ng pagdukot sa aktibista. Noong Marso 20, 2007, papasakay ng traysikel sa tapat ng 7-11 sa Bacoor, Cavite, ang mag-asawang sina Clarita at Jimmy Soledad nang biglang harangin ng sampung armadong kalalakihan. Sapilitan silang isinakay sa isang van.

Tatlong araw silang incommunicado o hindi maugnayan. Hanggang sa iprinisenta sila sa midya ni Bangit, noo’y nasa 2nd Infantry Division ng Philippine Army at hepe ng Internal Security Operations sa Timog Katagalugan, sa tanggapan ng Philippine National Police Region 4.

Inakusahan ni Bangit ang mag-asawang Soledad na namumunong opisyal ng Communist Party of the Philippines sa Leyte—bagay na mariing itinatanggi ng kanilang pamilya. Kasalukuyan pa ring nakadetine ang mga ito sa Camp Vicente Lim sa Canlubang, Laguna.

Kay Bangit din isinisisi ni Lorena Santos ang pagkawala ng kanyang ama na si Leo Velasco, konsultant ng National Democratic Front of the Philippines, dalawang taon na ang nakakaraan. Inamin sa kanya ni Col. Jack Baltazar ng Isafp sa Cagayan de Oro City na matagal nang target ng Isafp ang biktima. Nang dinukot si Velasco noong Pebrero 17, 2007, si Bangit ang hepe ng ahensiya.

“Ganitong klase ba ng mga taong ipinagmamalaki ng gobyerno? Ang mga taong responsable sa pagdukot at pagpatay sa mga pinaghihinalaang mga kalaban nito?” sabi ni Santos.

Si Pangulong Arroyo, ang commander-in-chief ng hukbong sandatahan at ultimong magtatakda ng karera ni Bangit, ang tanging makasasagot nito.