Pinoy Weekly

Pagkakaisa ng mga manggagawa sa gitna ng krisis pampinansiya

NAGSIMULA ang taon sa malawakang tanggalan ng mga manggagawa sa iba’t ibang export-processing zone (EPZ) at industrial park (IP) sa buong Pilipinas.

Tuluyan na umanong sinalanata ng pandaigdigang krisis pampinansiya ang ekonomiya ng bansa kaya naman lubos na apektado ang lokal na mga negosyo’t mga manggagawa nito. Ito ay sa kabila ng pagmamalaki ng pamahalaang Arroyo ng pamamayagpag umano ng sound economic fundamentals ng bansa.

Kamakailan, binuo ang isang organisasyong naglalayong pagbigkisin ang mga manggagawang apektado ng tanggalan at penomenon ng kontraktuwalisasyon. Tinaguriang Samahan Laban sa Tanggalan at Kontraktualisasyon (STK), di na mabilang ang kasapian nito sa kasalukuyan. Gayundin, nagsasagawa na ito ng iba’t ibang porma ng protesta at nakikipagdiyalogo sa mga ahensiya ng pamahalaan upang bigyan ng lunas ang malawakang tanggalan, kontraktuwalisasyon at hirap ng mga manggagawang Pilipino.

Sa taya ng Department of Labor and Employment (DOLE), aabot ng 800,000 ang matatanggal sa trabaho pagtatapos ng 2009. Samantala, pinapatupad din ngayon ng iba’t ibang kompanya ang mga iskema ng flexible work arrangement na layong bawasan ang kanilang gastos sa operasyon sa pamamagitan ng pagbabawas sa oras ng paggawa at gayundin ng karampot nang sahod ng mga manggagawa. Lahat ng ito ay dudulo din sa tanggalan, ayon sa mga pagsusuri.

Bukod dito, dumarami ang bilang ng kontraktuwal na mga manggagawa na sila ring unang natatanggal sa trabaho, bukod pa sa di nabibigyan ng benipisyo’t nakakasapat na sahod.

Maging ang mga manggagawang Pilipino sa ibayong dagat ay apektado rin. Sa taya ng pamahalaan, aabot ng kalahating milyon ang magbabalikbayan dahil sa tanggalan sa banyagang mga bansa na nag-eempleyo ng mga migranteng Pilipino. Umabot na ng halos 6,000 ang nagsibalikang overseas Filipino workers (OFW) mula noong Nobyembre ng nakaraang taon. Susundan pa ito ng mga tanggalan sa Korea, Macao, Hong kong, Singapore at US.

Sa gitna ng ganitong kalagayan, ayon sa Kilusang Mayo Uno (KMU) , napapanahon ang pagbuo ng mga manggagawa ng isang samahan na magtatanggol sa kanilang karapatan sa pagawaan, kasiguraduhan sa trabaho at nakasasapat na sahod. Napapanahon ang pagtatag ng STK.

Manggagawa sa gitna ng krisis

Ayon sa pag-aaral ng Ecumenical Institute for Labor Education and Research (Eiler), ang mga manggagawa ang bubuno sa pinakamatitinding bayo ng pandaigdigang krisis pampinansiya.

Sa porma umano ito ng tanggalan, pagbabawas ng sahod at pagpapasahol ng sistema ng kontraktuwalisasyon. Ayon sa datos ng DOLE, mula noong huling kuwarto ng 2008 hanggang sa kasalukuyan, umabot na sa mahigit 20,000 ang natanggal sa trabaho kabilang na ang mga manggagawa sa mga EPZ at IP sa Calabarzon (Cavite, Laguna, Batanggas, Rizal at Quezon), Gitnang Luzon at Bagiuo. Samantala, ayon pa rin sa kagawarang ito, higit na mas maraming bilang ang sumasailalim sa mga iskema ng flexible work arrangement. Nangangahulugan lamang ito ng lalu pang paglubog sa kahirapan ng mga manggagawa at pagdami pa ng bilang ng walang trabaho.

Hindi lamang sa Pilipinas nagaganap ang malawakang tanggalan. Ayon sa Intenational Labor Organization (ILO), kabilang ang malaking bilang ng mga manggagawang Tsino, Hapon, Europeyo at Latino sa mga natatanggal sa trabaho bunsod umano ng krisis. Ayon pa rin sa ILO, umaabot ng kalahating milyon ang natatanggal sa trabaho kada araw sa mismong EU, kung saan nagsimula ang pandaigdigang krisis pampinansiya noong huling kuwarto ng 2007.

Sa pag-aaral ng Ibon Foundation, hindi na bago sa bansa ang usapin ng tanggalan at kontraktuwalisasyon. Ilang dekada na umano itong nagaganap. Ani Mandy Felicia ng Ibon, ang ekonomiya ng bansa ay walang kakayahang “higupin” ang 36 milyong lakas paggawa nito. Dahil “mahina ang job generation sa bansa, nag-aagawan ang napakaraming manggagawang Pilipino sa iilang mga trabaho,” dagdag niya. Ayon sa Eiler, bunsod ito sa kawalan ng batayang mga industriyang mabibigay ng empleyo sa lakas-paggawa ng bansa.

Sa kasalukuyan, umaabot na ng halos 11 milyon ang unemployed at underemployed sa bansa, ayon sa Ibon. Dadagdag pa sa bilang na ito ang natatanggal sa trabaho at marahil, ang tinatayang 750,000 na mga mag-aaral na magtatapos sa kolehiyo ngayong Abril.

At dahil sa ganitong kalagayan, nauuwi umano ang mga manggagawang Pilipino sa iilang pamimilian: pagpasok sa trabaho na hindi naaayon sa kanilang kakayahan; “padidilihensiya” o pagpasok sa mga “odd job;” at pangingibang-bayan. At ang maraming bilang, nanatiling walang trabaho.

Ayon pa rin sa pag-aaral ng Ibon, ang kasalukuyang unemployment at underemployment rate ang pinakamatindi sa kasaysayan ng bansa. Bunga umano ito ng tatlong salik sa ekonomikong sistema ng bansa: ang liberalisasyon ng pambansang ekonomiya kasabay ng malayang pagpasok ng dayuhang produkto, mga mangangalakal at ng kanilang kapital; pagsasapribado ng mga ahensiya ng pamahalaan; at deregulasyon ng mga pampublikong serbisyo at utilidad.

Kaya naman ang “laban para sa trabaho ay laban din sa ekonomiya” sa esensiya, aniya.

May kaugnayan din umano ito sa reporma sa lupa. Kung magkakaroon umano ng tunay na repormang agraryo at makakaahon mula sa kahirapan ang mga magsasaka – na bumubuo sa mayorya ng populasyon ng bansa – magkakaroon sila ng kakayahang bumili. Ang kakayahang ito ay magbubunsod ng “pagsigla ng internal na kalakalan.” Iba umano ito sa kasalukuyang sistema kung saan nakaasa ang bansa sa pagluluwas ng hilaw na materyales at semi-manufactured goods mula sa mga EPZ at IP habang nakaasa naman sa pag-angkat ng mga yaring produkto para sa pagpapatakbo ng ekonomiya at sa pangangailangan ng mga mamamayan.

At kung magkaganito, tiyak na kakailanganin magtayo ng batayang mga industriya na mag-eempleyo sa maraming bilang ng mga manggagawa upang masapatan ang mga pangangailangan ng mga mamamayan.

Ibig sabihin, kailangan ng pundamental na pagbabago sa kagyat upang matugunan ang suliranin ng mga manggagawa at iba pang usapin ng mga sektor sa lipunan.

Pagbubuo ng STK

Ayon sa KMU, bago ang paglulunsad ng STK ay inabot na nila ang pinakamaraming bilang ng mga natanggal sa trabaho, sumasailalim sa mga iskema ng flexible work arrangement, mga manggagawang kontraktuwal at nagbalikbayang mga migrante.

Sa pagpapalalim ng grupo, malinaw na sa mahigit na dalawang taon ay dama ang “napipintong ganap na pagguho at lubos na pagkasira ng ‘malayang pamilihan’ ng monopolyo kapitalismo at pagkabangkarote ng patakarang ‘neoliberal na globalisasyon’.” Sa mga pagsusuri, mas matindi pa ang kasalukuyang krisis sa “Great Depression” na narasan ng mundo noong dekada ’30.

Pabagsak umano ang kakayahan ng mga mamamayan, hindi lamang ng Pilipinas kundi ng buong mundo, na bilhin ang linilikhang “labis na produkto” ng mga “kapitalistang bansa” gaya ng EU kaya naman bumabagsak na ang ganitong sistema.

Ang Pilipinas, na nasa ilalim umano ng kontrol ng EU at may “atrasadong ekonomiya” ay “bulnerable sa mga pihit ng pangkalahatang krisis ng pandaigdigang sistema ng kapitalismo at sa kasalukuyang krisis sa pinansiya at ekonomiya.”

At dahil dito, lubos na apektado ang lokal na ekonomiya, na nakaasa lamang sa eksport at remitans ng mga OFW, dagdag pa ng KMU. Ayon naman sa mga unyon na nakapanayam ng Pinoy Weekly, pilit na pinapasa ng mga may-ari ng kompanya ang hagupit ng krisis sa mga manggagawa. Bahagi ang tanggalan, iba’t ibang porma ng retrenchment at ang kontraktuwalisasyon sa mga taktika ng pagpapasa nito sa kanila. Habang patuloy umanong kumikita ang mga ito sa gitna ng krisis, lalong lumulubog sa kahirapan ang mga manggagawa.

Layunin ng STK na “bigkisin” ang mga mangagawang ito upang “maisulong ang kanilang mga karapatan tulad ng nakabubuhay na sahod, disenteng hanapbuhay at paggalang sa mga demokratikong karapatan” sa gitna ng kasalukuyang krisis.

Liban sa KMU, kaisa rin sa pagbubo nito ang Kilusan ng Kababaihang Manggagawa, Pro-Labor Legal Assistance Center at iba’t ibang mga pederasyon at unyon ng manggagawa.

Hinirang namang tagapagsalita ng STK si Gilda Sumilang. Sa kanyang talumpati, sinabi ni Sumilang na kailangang magkaisa ang mga manggagawa laban sa panggigipit ng malalaking mga negosyante at ng pamahalaan upang patuloy silang kumita sa gitna ng krisis. Kanyang kinondena ang umano’y “pagsasabwatan” ng mga ito upang ipasa sa mga managggagawa ang hirap dulot ng krisis.

Mga kahilingan

Sa gitna ng krisis, dapat umanong maprotektahan ang mga manggagawa sa mga banta sa kanilang empleyo, bawas sa sahod at iba pang pangigipit sa loob ng pagawaan.

Isa sa kanilang mga kahilingan ang P125 na dagdag sa kanilang arawang sahod. Matatandaang noong pang 2001 isinulong ng namayapang lider-manggagawa at noo’y representante ng Bayan Muna Party-list na si Crispin Beltran sa Kongreso ang batas na magdadag ng nasabing halaga sa sahod ng manggagawa. Ngunit hanggang ngayo’y hindi pa rin ito naipatutupad.

Ayon sa STK, hindi kalabisan na ipanawagan ang dagdag na sahod sa gitna ng sinasabing krisis. Mas marapat lamang ngayon, ayon kay Sumilang, na dagdagan ang kanilang sahod upang makaagapay sila sa pagtaas ng presyo ng bilihin, transportasyon, serbisyo at iba pang pangangailangan ng mga manggagawa at ng mga mamamayan. Dagdag pa, kailangan din ng mga manggagawa ang tulong pinansiyal na kayang ibigay ng pamahalaan kung gugustuhin lamang nito, ayon pa sa grupo.

Gayundin, hiling ng STK na maprotektahan ang mga manggagawa laban sa “hindi makatwirang tanggalan at talamak ng kontraktuwalisasyon.” Pinapanawagan din nila ang pagababasura ng alituntunin ng DOLE hinggil sa flexible work arrangement at sa pagsuporta nito sa kontraktuwalisasyon.

Sa huli, nais ng STK na maipatupad ang “tunay na repormang agraryo upang tuluyang umunlad ang agrikultura na siyang magbibigay ng lakas sa paglikha ng mga industriya, empleyo at daan tungong pambansang industriyalisasyon.”

Hinkayat ni Sumilang ang lahat ng mga manggagawa na sumapi sa STK upang “matipon ang lakas at maipagtagumpay ang laban ng mga manggagawa para sa kanyang mga karapatan, kagalingan at pagsulong ng lipunan.”

email

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=319

avatar Posted by on Mar 11 2009. Filed under Uncategorized. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Follow and Subscribe

Subscribe to me on YouTube

Features

Multimedia

Pinoy Print Issues

Eskinita: Ang Alternatibong Ruta

Log in | Designed by Gabfire themes