Pangongolekta ng laruan, kaya pa?


May pagkakataon pa ba sa pangongolekta ng laruan ang dating henerasyon na sumubaybay sa mga ito, na nakabingit sa kawalan ng hanap-buhay?

SA panahon ng krisis, kakatwang manawagan ang gobyerno na gumastos ang mga mamamayan. Sabi nga ni dating Budget Secretary Benjamin Diokno, “Sa panahong ito ng krisis, panic ang pinakamalupit na kaaway. Inaasahang manghihikayat ang gobyerno sa mga konsiyumer na gumastos, dahil lalong ikababagsak ng ekonomiya ang di-paggastos.”

Ayun naman pala e. Gumastos daw. Mas maraming gastos, mas maraming buwis nga naman. At umiikot ang pera sa merkado. At ang huling produkto, mas matatag na ekonomiya. Ngunit, bukod sa pagkain, pananamit at rekisitos sa tahanan, ano pa ba ang ibang puwedeng pagkagastusan?

Laruan kaya? Iyong hindi basta pagbubutingtingin o pasasabugin pagkatapos pagsawaan. Iyong mga maaaring investment, kung hindi man bilang natatanging koleksiyon, ng magiging may-ari nito. Kasali ang pangongolekta ng action figures sa mga hobby o libangan na nangangailangan ng higit pa sa pasensiya at pangangasiwa, kundi ng salapi upang tustusan ito.

Sakto siguro ang panahon para sa sanlaksang laruan na dumating nitong mga nakaraang taon. Biruin mo, 25th anniversary nga naman ng mga klasikong karakter (Ganun na pala katagal ang malawak na impluwensiya ng popular na kultura). Tuloy, nagkalat ang Transformers nang ipalabas ang pelikula nito. At ngayong taon, hahabol ang kapwa-brand nito na GI Joe, Teenage Mutant Ninja Turtles. Nauna lamang ng bahagya ang 25th anniversary nito sa ipapalabas na pelikula. Kung maka-kasarian ito para sa kalalahikan, andiyan na ang 50th anniversary ni Barbie. Kaysarap kayang balikan ang kabataan, laluna kung nagkakaroon ng sentimental value ang produktong laruan ng mga ito?

Kakatuwa lalo. Target nito ang henerasyong nakatalima sa mga palabas as telebisyon noong kabataan nila. Bihira ang kasalukuyang bata na nakakakilala sa GI Joe. Maaaring kaiba ang Transformers na may appeal pa rin dahil, oo, robot sila na madaling sakyan ng kabataan. Hati ang merkado sa primerang odyens nito (ang mga bata) sa di-tiyak na merkado nitong mas naunang henerasyon. Maaari, kung tutuusin, may trabaho na ang noo’y kabataan na tumutok sa mga pakikipagsapalaran nina Optimus Prime o ni Snake Eyes. May kakayanan na dapat ito para matustusan ang maaaring luho na pangongolekta ng childhood heroes nila.

Pero, paano naman ang industriya ng paglikha at pagbebenta nito?

Hindi na siguro kaila na sa Tsina gawa ang mga ito. Cheap labor, mass production. Perpektong kombinasyon para sa paglikha ng produktong ipatatangkilik sa merkado. Lilikhain sa mababang halaga, ibenta sa merkado ng mahal, at kakamal ang Hasbro (ang may-ari ng brands ng Transformers at GI Joe) maging ng Mattel (ni Barbie) ng limpak-limpak na kita.

At sa ngayon, naghahanda na ang Hasbro at ang mga kakompetensiya nito sa merkado ng laruan ng iba’t ibang pamamaraan upang makabenta. Sabagay, kahit kakatapos ng Pasko, kung saan sila dapat tumabo ng kita, ay nagpahayag sila ng mababang benta. Naiugnay na nila ito sa kasalukuyang krisis pang-ekonomiya, at sa hindi pagbili ng mga konsyumer. Nagpahayag ang industriya ng laruan sa US ng tatlong porsiyentong pagbaba ng kanilang benta sa 2008 kumpara noong 2007.

Sa taong ito, asahan na puputok ang kabi-kabilang gimik ng mga kompanya ng laruan upang tangkilikin ang kanilang produkto. Plano na ng mga kumpanya na ibenta sa mas mababang presyo ng kanilang mga produkto kumpara sa kasalukuyang mga antas ng pagtitingi nila sa merkado. “Price, value and the economy are going to be the key focus,” saad ni Reyne Rice, toy trends specialist para sa Toy Industry Association (TIA) sa Amerika.

Pero mabibili nga ba ng konsiyumer ang kanilang mga produkto? Mismong ang mga kompanya na nang nagsabi na hindi basta-basta nagluwal ng salapi ang kanilang target audience kahit noong Pasko. Lalo pa kaya ngayon na mas sumabog na ang krisis, at naapektuhan na rin ang hanapbuhay ng karaniwang tao. Sa patuloy na tanggalan sa trabaho, hindi pa man din kasali ang iba pang salik tulad ng mataas na pasahe, presyo ng langis at bilihin, ay malabong magluwal pa ng higit pa sa batayang pangangailangan ang mga tao upang bumili pa ng ganitong uri ng luksurya.

Kaya, mapa-pelikula man o mapa-laruan, mag-iisip nga ang mamimili kung may kakayanan pa silang gumastos para sa luksurya na ihinahain ng pangongolekta ng laruan. Yo Joe pa ba mister secretary?

Roll out na lang, mas malamang.