130 eskuwelahan magtataas ng matrikula


BINATIKOS ng Kabataang Pinoy ang Commission on Higher Education (Ched) dahil sa pagtaas ng matrikula nang lima hanggang sampung porsiyento ng may 130 eskuwelahan sa darating na pasukan. “Lumalabas na hindi sinsero ang naunang panawagan ng Ched sa mga eskuwelahan na magkaroon ng freeze sa tuition fee increase dahil sa pandaigdigang krisis pampinansiya,” ayon kay […]

BINATIKOS ng Kabataang Pinoy ang Commission on Higher Education (Ched) dahil sa pagtaas ng matrikula nang lima hanggang sampung porsiyento ng may 130 eskuwelahan sa darating na pasukan.

“Lumalabas na hindi sinsero ang naunang panawagan ng Ched sa mga eskuwelahan na magkaroon ng freeze sa tuition fee increase dahil sa pandaigdigang krisis pampinansiya,” ayon kay Alvin Peters, tagapagsalita ng Kabataang Pinoy at pambansang tagapangulo ng National Union of Students in the Philippines.

Ayon kay Peters, naisadokumento na ng grupo ang nasabing mga pagtaas sa matrikula noon pa lamang Pebrero. Pawang mga “bogus” na konsultasyon ng administrasyon sa mga estudyante lamang umano ang naganap.

Dumulog ang Kabataang Pinoy sa Ched para ireklamo ang mga ito, pero wala umano silang natanggap na tugon.

Ipinababasura ng grupo ang Memorandum No. 13 ng Ched o panuntunan para sa mga eskuwelahang nais magtaas ng matrikula.

Ayon kay Peters, ginagamit ng mga eskuwelahan ang maluwag na mga rekisitos ng Ched Memo No. 13 para maaprubahan ang pagtaas ng matrikula. Hindi rin umano nito sakop ag miscellaneous fees at iba pang mga singil.

Nagsisinungaling din si Pangulong Arroyo nang sabihin nito na magkakaroon ng moratoryo sa pagtaas ng matrikula sa mga mga State Universities and Colleges (SUCs).

Noong nakaraang buwan, sikretong itinaas ang miscellaneous at laboratory fees ng University of the Philippines (UP) Board of Regents.

Sa UP Mindanao, umakyat sa P1,000 mula sa P400 kada yunit ang matrikula sa School of Management at P2,330 mula sa P1,530 kada semestre naman ang itinaas ng miscellaneous fees. Sa UP Diliman College of Home Economics, tumaas din sa P2,500 mula sa P600 kada yunit ang matrikula sa graduate program. Umakyat naman sa P2500 mula P1,500 kada yunit ang matrikula sa graduate programs ng UP Extension Programs sa Pampanga at Olongapo.

“Hindi sapat ang ginagawa ng Ched at Malakanyang. Kung gusto talaga ng gobyerno na maging maalwan ang pasaning dala ng mga estudyante’t magulang, hindi lang dapat sila mag-apela  kundi magpatupad ng konkretong moratoryo sa pagtaas ng matrikula sa lahat ng mga eskuwelahan sa darating na pasukan,” sabi ni Peters.