Pinoy Weekly

Kongresistang nasa Order of Battle umalma

Tinuligsa ni Anakpawis Rep. Joel Maglunsod ang paglista sa kanya sa Order of Battle (OB) ng 10th Infantry Division ng Armed Forces of the Philippines sa rehiyon ng Southern Mindanao, kasama ang isa pang progresibong kongresista at lider.

“Nakakapangamba ito sa kalagayang nagpapatuloy pa ang mga kaso ng ekstrahudiyal na pamamaslang at pagdukot. Ni walang ibinigay man lamang na due process sa mga walang-kalaban-labang sibilyang nailagay sa listahan,” sabi ni Maglunsod sa isang privilege speech sa Kamara noong Mayo 27.

Kabilang sina Maglunsod at Gabriela Rep. Luz Ilagan, lider ng simbahang Katolika at Protestante, lokal na opisyal ng Davao City, at mamamahayag na si Carlos Conde sa mahigit 100 na kinlasipikang “targeted”, “dominated”, o “organized” sa  dokumentong JCICC ‘AGILA’ 3rd QTR 2007 OB VALIDATION RESULT na isiniwalat ni Bayan Muna Rep. Satur Ocampo kamakailan.

Samantala, nabanggit din si Anakpawis Rep. Rafael Mariano sa pahina 59-60 ng nasabing dokumento kung saan iniulat ang pagdalo ng kongresista sa ika-8 na Kongreso ng Farmers’ Association of Davao City noong Oktubre 2007.

“Malinaw na masusing binabantayan ng militar ang aking mga kilos,” aniya.

Sa isang pahayag sa midya noong Mayo 26, inamin ni Lt. Col. Kurt A. Decapia, hepe ng Public Affairs Office ng 10th ID, ang pagkakaroon ng nasabing dokumento, matapos ito unang itanggi sa midya.

Pero itinanggi niya na ito ay isang “hit list” at sinabing binabaluktot lamang ito ni Ocampo, na bahagi diumano ng isang plot o disenyo ng kilusang komunista para siraan ang militar.

Pero ayon kay Mariano, malinaw na patunay ang dokumento na polisiya ng gobyernong Arroyo ang ekstrahudisyal na mga pamamaslang. Pinatay sa Davao City noong nakaraang taon ang isa sa nakalistang mga lider-magsasaka na si Celso Pojas.

“Hindi na makapaghuhugas-kamay ang 10th ID sa mga kaso ng pagpatay ng mga aktibista sa rehiyon,” sabi ng kongresista.

Samantala, iniulat ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) na tinitiktikan ang ilan sa kanilang miyembrong mamamahayag sa rehiyon habang isa ay direktang tinakot ng mga pinaghihinalaang sundalong militar. Nasa listahan ang NUJP kasama ng dati nitong pangkalahatang-kalihim na si Conde, korespondent ng New York Times at International Herald Tribune.

“Kung may mangyari man kay Conde at aming mga miyembro sa rehiyon, direktang mananagutan ang 10th ID,” sabi ni Nonoy Espina, pangalawang tagapangulo ng NUJP.

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=1555

Posted by on May 28 2009. Filed under Balita. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

No Comment for “Kongresistang nasa Order of Battle umalma”

  1. gunggong ang mga militar na yan tatanggi pa eh ayan na my dokumento na magpapatunay na, at sa kasalukuyan nagpapatuloy ang kampanya nyo sa pagpatay sa mga walang laban sa sibilyan,dapat ang tapang sa bundok at s gubat hindi s wlang laban,palibhasa desenyo yan ng amo nyong s imperyo ng kano eh,kasaysayan nlng ang hahatol sa inyo, dahil wla nmn justice na makukuha sa kasalukuyang kaaysuan eh.

Leave a Reply

Multimedia

Log in | Designed by Gabfire themes