Sports

Ang kuwento ng 2009 NBA Playoffs sa kasalukuyan


Silipin ang ilang kaganapan sa 2009 NBA Playoffs.

east

Padalian at pahirapan sa Eastern Conference

Namamayani ang Cleveland Cavaliers nang mangwalis ng dalawang koponan patungo sa Eastern Conference Finals. Pinangunahan ni LeBron James ang atake ng Cavs, na huling umakyat sa NBA Finals noong 2007 at nabigo sa kamay ng San Antonio Spurs.

Wala nang San Antonio sa kasalukuyang kuwento, at makakahinga ang tropa ni James. Ito, matapos nilang walisin bilang number 1 na koponan sa Eastern Conference ang Detroit Pistons sa unang round. Hindi na nakaubra ang Pistons, kahit pa nakuha nila si Allen Iverson sa umpisa ng season. Maaaring hindi pa nga naging mainam ang trade na ito kapalit si Chauncey Billups patugo sa Dener Nuggets. Number 8 ang Pistons, at patungo na sa Western Division Finals ang bagong koponan ni “Mr. Big Shot” Billups.

Sinunod na winalis ng Cavs ang Atlanta Hawks. Ito, matapos na kabilib-bilib na tinalo ng Hawks ang Miami Heat ni Dwyane Wade sa unang round pa lamang. Bagaman natalo, nakikitaan na ng kinabukasan ang koponan ng Hawks, na nakapasok na ng ilang sunod sa Playoffs nitong nakaraang taon.

Ilan pang lumugmok na koponan sa Eastern Conference Playoffs ang Chicago Bulls sa kamay ng Boston Celtics, at ang Philadelphia 76ers kontra sa Orlando Magic. Ngunit kung natapos ng maaga ang serye ng Sixers at ng Magic (oo nga pala, galing din sa Sixers si Iverson, at unti-unting nakuhang makapasok sa Playoffs ng koponan matapos mawala ito sa koponan), nahirapan naman ang Celtics na tapusin ang Bulls. Kinailangan pa ng defending champs na umabot ng Game 7 ang serye na ito.

Ngayon, nakaharap sa isa na namang Game 7 ang kampeon, kontra sa Magic, at tulad noong nakaraang taon, ay kailangan nilang pumuwersa upang abutin ang Finals. Maaari ngang tanong ay kung may ibubuhos pa, na naman,  sina Paul Pierce at Ray Allen ng Boston, at mas masaklapa pa ang kawalan ni Kevin Garnett (kahit pa hawak ng Celtics ang homecourt advantage), o kahit pa si Dwight Howard ng Orlando, sa naghihintay na tropa ni James.