Sa paghahanap ng alternatibo sa kapitalismo

Mga delegado ng International Solidarity Affair: Pinatotohanan ang kabuluhan ng Marxistang pagsusuri sa kasalukuyang krisis. (King Catoy)
Taun-taon, sa imbitasyon ng Kilusang Mayo Uno (KMU), militanteng sentro ng paggawa, tumutungo sa Pilipinas ang mga lider ng unyon at pederasyon mula sa iba’t ibang bahagi ng mundo para sa isang mahalagang pagtitipon.
Tinatawag na International Solidarity Affair o ISA ang pagsasama-sama ng mga lider mula Asya, Europa, Hilagang Amerika, Latin Amerika, at Aprika para pag-usapan ang mga isyu ng mga manggagawa ng daigdig: disenteng sahod, karapatan sa paggawa, patakarang neoliberal ng World Trade Organization at World Bank, at iba pa.
Subalit ngayong taon, may bagong napag-usapan. Sa gitna ng matinding krisis pang-ekonomiya sa mundo, muling bukambibig ang salitang “sosyalismo.”
Tinatalakay ito maging ng mga nagtataguyod ng sistemang kapitalista sa gitna ng lumalaganap na pagtingin na bumabagsak na ito, gaya ng prediksiyon ni Karl Marx dalawang siglo na ang nakakaraan. “We are all Socialists now,” ika nga ng isang cover story ng magasing Newsweek, kahit pa tinutukoy lamang si Presidente Barack Obama at ang mga reporma nito sa ekonomiya para maisalba—at hindi baligtarin—ang sistemang kapitalista.
Ano nga ba ang pagtingin ng mga manggagawa, na hinimok ni Marx sa Communist Manifesto na “magkaisa” at “lagutin ang tanikala ng pagsasamantala”? Nananatili bang buhay at mahalaga ang Marxismo sa ika-21 siglo? Ito pa rin ba ang pinakatumpak na gabay sa kanilang paglaya at sa pagkakaroon, sa wakas, ng sistemang panlipunang makatao at para sa kapakinabangan ng lahat?
Ito ang mga tanong na tinangkang sagutin sa isang porum na pinamagatang “The Relevance and Validity of Marxism in the 21st Century” noong Marso 6, kinabukasan ng pagwawakas ng tatlong araw na kumperensiya ng ISA sa Tagaytay City.
Papabagsak na sistemang kapitalismo
Isang bagay ang sigurado, ayon sa pinagkaisahan ng mga lider-manggagawa. Hinaharap ng daigdig ang pinakamatinding krisis pang-ekonomiya at pampinansiya simula noong Great Depression.
Pinakaapektado ang mga manggagawa sa krisis na matagal-tagal na ring umiiral at pumutok sa wakas noong nakaraang taon. Dumami ang bilang ng mga walang trabaho sa daigdig—200 milyon na noong 2008, kumpara sa 140 milyon isang dekada ang nakakaraan, ayon sa International Labor Organization. Tinatantiya pa nitong madaragdagan ng 700 milyon ang mawawalan ng trabaho dahil sa kasalukuyang krisis.
Lumalabas sa mga ulat ng mga lider na dumalo sa ISA na walang bansa ang nakaliligtas sa hagupit ng krisis. Sa US, 5.3 milyon na ang nawalan ng trabaho, katumbas ng 10% ng kabuuang puwersang paggawa. Pinakamababa doon ang antas ng pag-eempleyo sa loob ng 50 taon. Sa Japan, 330,000 ang natanggal sa trabaho. Sa India, kalahating milyon ang nawalan ng trabaho sa nakaraang apat na buwan pa lamang. Sa Pilipinas, tinatayang aabot sa 600,000 ang nawalan ng trabaho sa kalagitnaan ng taon.
Ayon sa Declaration of Unity ng ISA, ugat ng krisis ang ”paghuthot ng labis na halaga (surplus value) ng mga monopolyo kapitalista sa aming lakas-paggawa.” Sa kabila ng sosyalisadong paggawa sa mga pabrika na inayudahan ng mataas na antas ng teknolohiya, papalaking kapital naman ang nakokonsentra sa kamay ng iilan. Ang sistemang ito, diumano, ang nagdudulot ng pang-ekonomiyang siklo ng boom-and-bust na siyang karakter ng krisis ng sobrang produksiyon o krisis ng kapitalismo.
Manipestasyon ng krisis na ito, bukod sa nakalululang antas ng kawalang trabaho, ang ”pagpapababa ng aming sahod at pagtanggal ng mga benepisyong sosyal,” idineklara ng ISA.
Kanilang tinuligsa ang mga neo-liberal na polisiya ng deregulasyon, liberalisasyon, at pribatisasyon na umano’y binawi ang mga ipinaglaban na karapatan ng mga manggagawa, itinaas ang buwis at presyo ng batayang mga bilihin at serbisyo, at lalong nilugmok sa kahirapan ang milyun-milyong magsasaka. Mga bata at kababaihan ang pinakaapektado sa polisiya ng pleksibleng paggawa, at mayorya ng mga nagugutom at pinagsasamantalahan sa daigdig.
Nilikha rin ng sobrang produksiyon ang krisis sa kalikasan o pagkalason sa lupa at karagatan. Dagdag pa rito, winawaldas ng imperyalistang US ang pampublikong pondo at winawasak ang buhay ng nagsasariling mga mamamayan sa mga giyera para sa ibayong kontrol ng mga rekurso sa Gitnang Silangan, ayon sa ISA.
Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=1062













