Lathalain

Beep, beep, beep: Busina ng tsuper laban sa pagmamalabis

Pages: 1 2 Next page »

Dagdag na mga bayarin at multa, pahirap sa mga tsuper at opereytor, ayon sa grupong Piston na nagpiket sa Cubao, Quezon City noong Mayo. (KR Guda)

Dagdag na mga bayarin at multa, pahirap sa mga tsuper at opereytor, ayon sa grupong Piston. (KR Guda)

Madalas nang eksena sa daan ang pagsenyas at pagpapahinto ng mga traffic enforcer sa mga dyip, bus o taksi sa kalagitnaan ng kanilang mga biyahe. Sa ganitong pagkakataon, may kalokohan umanong nagawa ang mga tsuper kaya’t kailangan silang sitahin at pagbayarin ng kaukulang multa. Ayon sa Metro Manila Development Authority (MMDA), bahagi ito ng pagdidisiplina sa mga tsuper na magdudulot naman ng mas maayos na sistema ng trapiko. Gayundin, may mga “napapanahong” pagtaas ng bayarin na inaprubahan ng Department of Transportation and Communication (DOTC) at ipinapatupad mula pa noong Disyembre ng nakaraang taon.

Sa kalagayang hindi nakasasapat ang kinikita ng mga tsuper sa maghapong pamamasada, hindi nakapagtataka kung itinuturing nilang pabigat sa kanila ang mga patakarang ito. At sa pamahalaang kilala umano sa pagpapataw ng labis na bayarin sa taumbayan, hindi nakapagtataka kung iisipin nilang iskema lamang ito upang “gatasan” ang mga tsuper at kanilang mga opereytor.

Dagdag sa bayarin, pagtaas ng multa

Mahigpit ang panghihikayat ng Pinag-isang Samahan ng mga Tsuper at Opereytor Nationwide (Piston) sa Malakanyang na ihinto ang pagpapataw ng “labis” at “dagdag” na bayarin sa mga tsuper at opereytor. Ayon kay George San Mateo, pangkalahatang kalihim ng grupo, kailangang suspendihin ang pagpapatupad ng DOTC Department Order (DO) 2008-38 at 2008-39 na siyang nasa likod ng mga dagdag at bagong bayarin sa sektor ng transportasyon.

Halimbawa, sa ilalim ng DO 38, ang dating P240 para sa pagre-renew ng lisensiya ay P350 na ngayon. Kahit ang lisensiya para sa mga konduktor ay nagtaas din mula P262.80 tungong P350. Ang dating P50 na student permit, ngayon ay P150 na. At kung unang beses kukuha ng lisensiya, kailangan ng P100 mula sa dating P25. Di pa kasama dito ang “computer fee” na nagkakahalaga ng halos P70.

Samantala, dahil naman sa DO 39, itinaas ng Land Transportion Office (LTO) ang multang ipinapataw sa mga paglabag ng tsuper at konduktor. Isa na dito ay ang multa sa “di makatwirang pagtanggi na magsakay ng pasahero” na nadagdagan pa ng P500 ang dating P1,000 na multa. Bukod pa dito, babawiin sa tsuper ang kanyang lisensiya at ibabalik lamang matapos ang dalawang buwan. At ang “bastos” na konduktor at tsuper, kailangang humugot mula sa kanilang kita ng P500 sa “pambabastos” na kanilang nagawa. At damay din dito ang kanilang opereytor: P400 naman ang kanyang multa. Sa magsasawalang bahala sa mga traffic signs, P1,000 na ang babayaran mula sa dating P150.

Kailangan ding siguraduhin ng tsuper na hindi labis o kulang ang bayad at sukli dahil ang maling aritmetik, P750 ang multa.

‘Panggagatas’

Ayon sa Piston, hindi ang pagtataas ng mga multa at bayarin ang solusyon sa lumalang kalagayan ng trapiko sa bansa. Ang tatlong “E” umano ang magsasaayos nito: engineering, para sa mas mahusay na imprastraktura; edukasyon, upang lubos na mamulat ang sektor ng transportasyon sa mga pamamaraan para maresolba ang problema sa trapiko; at enforcement o mahusay na salimbayan ng pagpapatupad ng mga traffic enforcer at pagsunod ng mga tsuper sa mga batas trapiko.

Kaya sa pagsusuri ng grupo, iskema lamang ang DO 38 at 39 upang mapataas ang revenue o kita ng bansa. Sa mismong bulsa umano ng mga tsuper at opereytor kukunin ang paghatak sa taunang kita ng pamahalaan na lumalagapak dahil sa katiwalian at mga polisiyang lalung nagpapadausdos sa ekonomiya ng bansa. Ayon sa Piston, sa tindi umano ng “gatasan” sa sektor ng transportasyon, hindi nakapagtatakang ang LTO ang isa sa may pinakamalalaking kita sa mga ahensiya ng pamahalaan.

Reklamo din nila ang “pangongotong” ng ilang traffic enforcers mula sa MMDA at lokal na pamunuang lunsod o bayan. Talamak umano ito at ang ilan sa mga tsuper, napipilitan na lamang “mag-tong” sa halip na pasanin ang bigat ng bagong mga multa. Iniiwan nito ang mga tsuper na walang pamimilian kundi ang umawas sa kanilang karampot nang kita.

Pages: 1 2 Next page »

No related posts.

Discussion

No comments for “Beep, beep, beep: Busina ng tsuper laban sa pagmamalabis”

  1. [...] (Tingnan ang kaugnay na artikulo: Beep, beep, beep: busina ng tsuper sa pagmamalabis) [...]

    Posted by Pinoy Weekly | Tagumpay ng mga bida ng lansangan | July 14, 2009, 6:54 pm

Post a comment