Datos ng gobyerno sa kawalang trabaho, ‘di kapani-paniwala’
“Pantasya” ang ipinagmamalaki ng administrasyong Arroyo ngayong araw na bumababang unemployment rate, ayon sa Kilusang Mayo Uno (KMU).
Pinabulaanan ng KMU ang datos ng National Statistics Office na bumaba sa 7.5% (o 2.84 milyon) ang unemployment rate ngayong Abril mula 8% (o 2.92 milyon) noong Abril 2008.
“Kahit saan ka lumingon, nagsasarahan ang mga kumpanya, natatanggal sa trabaho ang mga manggagawa, at mismong ang Department of Labor and Employment ang nagsabing aabot sa 200,000 manggagawa ang matatanggal hanggang ngayong kalagitnaan ng taon. Saang pantasya kaya kinuha ng rehimen ang ipinantapal nito sa datos ng unemployment?” ani Roger Soluta, deputy secretary-general ng KMU.
Dagdag ng lider-manggagawa, ipinapakalat ni Arroyo na naman siya ng ilusyon na maganda pa rin ang pang-ekonomiyang lagay ng bansa “para isipin pa ng mga tao na karapat-dapat siyang maging punong ministro.”
Sinabi ng KMU na baluktot ang binagong depinisyon ng unemployment ng gobyernong Arroyo, kung saan hindi na isinasama ang mga walang trabahong hindi na naghahanap ng trabaho.
“Kaya ang pagbaba ng bilang ng unemployed ay nangangahulugan lang na dumami ang nawalan na ng pag-asang magkatrabaho bunga ng sunud-sunod at malawakang tanggalan,” paliwanag ni Soluta.
Dagdag pa ng grupo, hindi na kapani-paniwala ang mga datos ng gobyerno hinggil sa kawalang trabaho mula pa noong naluklok sa pwesto si Arroyo noong 2001.
Ipinapakita ng datos ng NSO na patuloy ang pagbaba ng unemployment rate mula sa 11.1% (2001) patungong 7.5% (kasalukuyan) kahit pa paparami ang mga kumpanya at pagawaang nagsasara at hindi naman nakakalikha ng mga bagong trabaho ang gobyerno.
Sa kabila nito, inamin mismo ng gobyernong Arroyo na mahigit kalahati ng labor force ang nasa impormal na mga trabaho o “self-employed” lamang.
Patunay ito na “puro mga panandalian, kontraktuwal, at mabababang uri ng trabaho ang nagagawang ialok ng gobyerno,” ani Soluta.
Iginiit ng KMU na sa halip na mahumaling ang gobyerno sa paglalabas ng umano’y hindi kapani-paniwalang datos, dapat tugunan nito ang matagal nang panawagan ng mga manggagawa para sa dagdag-na-sahod at paglikha ng may-seguridad at disenteng trabaho.
Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=2062













