Kabulukan ng lipunang Filipino, salamin ng Katrina Halili-Hayden Kho sex video scandal
Ang pakikipagtalik na sekswal ni Katrina Halili kay Dr. Hayden Kho sa kama ay repleksyon ng isang bansang bulok at nagnanaknak sa kawirwiran.
Una, ano ba naman ang gustong patunayan ni Bong Revilla, Jr., ang isa sa mga senador ng bayan, sa pagdadala niya kay Katrina sa una’y sa Department of Justice pagkatapos ay sa Gabriela at pagkuwan ay sa Senado?
Matagal nang alam ni Katrina na siya ay may sex video kay Hyden pero tumanggi-tanggi pa siya sa mga interbyu na may ganito siyang malaswang panoorin. Bakit hindi pa niya noon pa man inilapit kay Bong o lumapit si Bong sa kanya? Katanggap-tanggap na kay Revilla siya lumapit dahil pareho silang taga-GMA Network at hindi kung kanino lang na pulitiko na hindi niya naman niya kilala.
Naturalmente, sasakmalin agad ito ni Bong dahil magandang pampapogi ito sa kanyang kandidatura dahil siya ay lalabas na tagapagligtas ng isang babaing biktima ng kawalanghiyaan.
Pero hindi ba’t may isyu rin kay Bong noon nang gawin nila ni Assunta de Rossi ang “Ang Kilabot at Ang Kembot” para sa Imus Productions nang magreklamo ang aktres na sumobra ang aktor sa eksena ng lovemaking nila sa harap ng kamera?
***
At ano ang sinasabi ni Katrina na siya ay binaboy?
Sino ang nagsimula ng pagpapakita ng kanyang kaseksihan sa madla sa pamamagitan ng paglabas sa mga seksing pelikula at TV show tulad ng “Marimar” at iba pang panoorin tulad ng “Gigil” katambal si Alfred Vargas at ng “One Night Only” na ipinalabas noong 2008 Metro Manila Film Festival Philippines?
Hindi ba’t siya rin ang nagpasimuno ng pag-aalis ng tapalodo sa pag-pose sa pabalat ng FHM Magazine, isang babasahin ugat ng pantasyang sekswal ng kalalakihan?
Ang pagnasaan siya ng kalalakihan o kahit ng katomboyan o kapwa niya babae ay produkto ng kanyang paglabas sa media na ganito ang imahe?
Nakipagbabuyan siya sa takbo ng utak ng mga mambabasa at manonood kaya kasali rin siya talaga sa babuyan hindi lang ng pambababoy sa kanya ni Hayden kundi ang pambababoy ng media sa ating lahat.
***
Bakit sa lahat ng ito ay hindi maisipan na halughugin o imbestigahan ang tunay na larawan ng buhay ng pamilya ni Katrina sa Palawan at mula roon ay masisinagan at masisilayan natin ang tunay na kondisyon ng buhay ng aktres at kung paano siya nais makaalpas sa klase pambababoy ng kahirapan sa lalawigan tungo sa ibang klaseng pambababoy sa lunsod?
Bago pa nag-“StarStruck” si Katrina ay bahagi na siya ng pambababoy ng media sa ating lahat. Ang pagbibigay ng ilusyon ng media na ang showbiz ay isa sa makalulutas ng kahirapan kung maging artista ang isang tao ay isang uri ng panlilinlang at pambababoy. Nahalina si Halili at ang kanyang pamilya ay pumayag na siya ay maging biktima ng kalupitan at kababuyan ng media.
Ano ang nag-udyok sa kanya na magpababoy sa showbiz sa gitna ng mga kutitap at kinang ng larangan? Hindi ba’t ambisyon na makalaya sa putik ng paghihikahos sa anumang paraan? Kahit na ilagay ang batas sa kanyang kamay katulad ng paghihiganti ng mga bidang action star laban sa mga umapi o pumaslang sa kanilang mga mahal sa buhay sa pamamagitan ng pagganti ng karahasan sa mga ito na taliwas sa itinuturo ng batas, kagandahang-asal at ng sibilisadong lipunan. Hindi ba’t si Katrina ay gagawa at papayag sa mga bagay kahit labag sa tamang asal bastat sumikat lang at magkamal ng yaman dahil sa pagtakas sa katotohanan ng kahirapan?
***
Bakit hindi rin imbestigahan ang mga media na kasangkot at kakutsaba sa pambababoy sa tulad ni Katrina?
Bakit hindi natin itanong kay Bong kung ano ang ugat ng pambababoy kay Katrina?
Hindi lang si Hayden Kho ang buhong sa isyung ito kundi tayong lahat na hinahayaan ang pamboboso sa kapwa, sa lalaki man o sa babae.
Sino ang mga naglilinis-linisan at nadudunung-dunungan?
Bakit hindi natin itanong kay Jamby Madrigal kung ano pang ang mga ugat ng pambababoy kay Katrina o sa iba pang babaing nakunan ni Kho ng sex video?
Kay daling magsabi ni Justice Raul Gonzales na mali si Kho pero naitanong na ba niya sa kanyang sarili kung ano ang tunay na sitwasyon bago makunan ni Hayden ng video si Halili?
Sapat na ba ang Senate investigation para makamtan ang katotohanan?
Bakit hindi rin natin itanong kay Liza Maza ng Gabriela kung talagang nakapagmuni-muni sila na tunay na motibo ng bawat isa kabilang ni Katrina sa pagbubunyag ng kontrobersya at iskandalong ito?
Bakit hindi rin natin itanong kay Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo kung malawak ba ang kanyang sanligan sa pagtatanggol kay Katrina? Nanaliksik ba siya o sumandig lang sa mababaw na pananaw at manipis na mga katibayan. Ang mga katiwalian at kawalanghiyaan sa kanyang administrasyon, hindi ba’t ang mga ito ay kababuyan na tulad ng ginawa kay Katrina?
Bulok na bulok na ang lipunang ito pero nagagawan ng paraan na mapabango at maretoke tulad ng pagretoke ni Hayden sa pangit na mukha ng isang tao.
Lahat tayo ay nag-aambag ng kabulukan sa kawalan ng tama, solido, malawak, malalim at malayang batayan ng paghuhusga sa mga taong kasangkot sa kasong ito.
Isang pananaw lang ito at paano pa ang pagtingin ng kritiko ng kultura na si Jun Cruz Reyes na si Katrina, lalo na si Hayden ay mga tauhan ng narsisismo, eksibisyunismo at vanity bukod pa sa tagapagpatupad ng ilan pang krimen.
***
Hindi ba’t kabulukan ng bansa ang malagihay lang na pagtanggap kay Brillante Mendoza bilang Filipino nang magwagi siyang Palm d’Or Best Director para sa kanyang pelikulang “Kinatay (The Execution of P)” na kauna-unahan sa Cannes Film Festival.
Isang prestihiyosong timpalak ang Cannes at naigpawan ni Mendoza ang kanyang mga kalaban sa presentasyon ng kanyang obra na naghahanap ng kalayaan at katarungan.
Bakit si Manny Pacquiao ay gayon na lang at en grande ang pagsalubong ng pamahalaan at nating lahat samantalang ano ba ang ipinakita ni Manny na pagpapamalas sa tunay na kondisyon ng lipunan at kung paano malulutas ito.
Si Pacquiao na nagmula sa hirap subalit hindi maipakita ang ugat ng kanyang kahirapan bagkos ay tinatakpan niya ito sa pamamagitan ng pakikiayon sa mga naghaharing-uri at mapang-api na namamalakad ng kanyang publikong buhay.
***
Narito si Brillante at natalo niya sa paghahain ng katotohanan ng tao sa kanyang lipunan ang mga mapagpalaya ring mga alagad ng sining na sina Ang Lee ng Taiwan, Quentin Tarantino ng Estados Unidos, Jane Campion ng New Zealand, Park Chan-Wook ng South Korea, Michael Haneke ng Austria pero bakit wala man lang pambanasang malinaw na pagtalakay sa kanya at sa kanyang sning na repleksyon ng lipunan?
Ito kaya ay dahil sa ang tema ni Mendoza sa kanyang pelikula ay pagpatay, isang kultura na nangingibabaw sa Pilipinas?
Paano pa uunlad an gating buhay kung ang katotohanan ay ating ikinukubli.
Mas may lakas at bilis si Mendoza, may lalim at lawak, may bagsik ng kamao ang kanyang puso at isip sa paglalantad ng katotohanan sa boksing ng buhay kaysa kay Manny.
***
Bakit ang pinagdidiskitahan nating lahat ay ang sex video ni Katrina at ni Hayden samantalang narito ang bagong panukalang-batas na ihinain ng mga kinatawan ng Bayan Muna na sina Satur Ocampo, Teddy Casiño at Neri Javier Colmenares, ng Gabriela nina Maza at Luzviminda Ilagan, ng Anakpawis nina Rafael Mariano at Joel Maglunsod, ng Kabataan Party-List ni Raymond Palatino kaugnay sa anti-censorship na maaaring sumukat sa kaso nina Halili at Kho.
Ito ang Movie and Television Classification Board Act o MTCB Act of 2009, kilala rin sa House Bill 6425. Mas makatao, makabayan, makadiyos at makabansa ang panukalang ito dahil pinag-isipang mabuti.
Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=1641













