Pagpaslang sa lider-magsasaka, tugon ni Arroyo sa protesta sa Con-Ass?
Pinaslang ang lider-magsasaka na si Fermin Lorico bilang tugon ng gobyernong Arroyo sa lumalakas na protesta laban sa Constituent Assembly (Con-Ass).
Ito ang reaksiyon ni Rafael Mariano, kinatawan ng Anakpawis Party-list at tagapangulo ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), sa pamamaslang kay Lorico sa Dumaguete City bandang 4:20 ng hapon kahapon, Hunyo 10.
Galing sa isang kilos-protesta kontra sa Con-Ass si Lorico at papunta sa opisina ng Promotion of Church People’s Response para makipag-usap sa mga grupong pangkarapatang pantao nang tambangan ng pinaghihinalaang mga miyembro ng 79th Infantry Batallion. Namatay si Lorico sa tatlong tama ng bala.
Si Lorico ay national council member ng KMP at tagapangulo ng Kahugpongan Alang sa Ugma sa Gagmay’ng Mag-uuma sa Oriental Negros o Kaugmaon.
Ayon sa inisyal na mga ulat na natanggap ng opisina ni Mariano, tatlong pinaghihinalaang ahente ng militar ang namataang sumusunod sa mga kilos ni Lorico sa kilos-protesta, bago naganap ang pamamaslang.
Ayon pa sa mga ulat, binaril si Lorico mula sa malayo, na nagpapahiwatig diumano na mga propesyunal na sharpshooter ang mga nasa likod ng krimen.
“Sa gitna ng tumitinding protesta laban sa Charter Change, desidido ang gobyernong Arroyo na lumikha ng takot sa hanay ng mga mamamayan…Hindi siya magtatagumpay. Lalo lamang nitong papaypayan ang apoy ng protesta,” sabi ni Mariano.
Sa talaan ng grupong Tanggol Magsasaka, si Lorico ang ika-18 na magsasakang pinaslang simula Enero ngayong taon.
Si Lorico ay tubong Bayawan City at isa ring aktibong ministro ng Simbahang Katoliko sa lugar.
Samantala, sinabi ni Danilo Ramos, pangkalahatang kalihim ng KMP, na kahindik-hindik na pinatay ang isang dedikadong lider-magsasaka sa ika-21 anibersaryo ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP).
Ito umano ang ikatlong “atake” sa mga magsasaka sa loob ng sampung araw. Una ang pagpasa ng CARP Extension with Reforms at pangalawa ang pagpasa ng House Resolution 1109 o Con-Ass.
Nilabanan ni Lorico, kasama ng iba pang miyembro ng KMP, ang esktensiyon ng umano’y huwad na CARP at isinulong sa halip ang Genuine Agrarian Reform Bill o panukalang batas na layong ipamahagi nang libre ang lupa sa mga magsasaka.
Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=1935













