AFP, idiniin sa kaso ni Melissa Roxas


Nadiin ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa akusasyong ito ang nasa likod ng pagdukot at pagtortyur sa Filipino-Amerikanong aktibista na si Melissa Roxas sa pagdinig na isinagawa sa Commission on Human Rights noong Hulyo 29. Sa nasabing pagdinig, inihain ni Alliance for Nationalism and Democracy (ANAD) Partylist Rep. June Alcover at Jovito Palparan, […]

Nadiin ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa akusasyong ito ang nasa likod ng pagdukot at pagtortyur sa Filipino-Amerikanong aktibista na si Melissa Roxas sa pagdinig na isinagawa sa Commission on Human Rights noong Hulyo 29.

Sa nasabing pagdinig, inihain ni Alliance for Nationalism and Democracy (ANAD) Partylist Rep. June Alcover at Jovito Palparan, retiradong hereral ng AFP, ang isang bidyo na naglalaman ng umano’y mga kuha kay Roxas kasama ang mga kasapi ng NPA. Ayon kay Alcover, patunay ang bidyo na kasapi siya ng NPA na kumikilos sa probinsiya ng Aurora.

Sinabi naman ni Roxas na kinuha mula sa bidyo ang mga larawang iprinisenta ni Palparan at Alcover sa CHR. Dinagdag pa ni Roxas na ito rin ang mga larawang ipinakita sa kanya habang siya ay hawak ng hinihinalang mga militar. Ayon sa kanyang abogado na si Atty. Rex Fernandez, maaaring patunayan nito na AFP nga ang nasa likod ng pagdukot kay Roxas.

Samantala, itinanggi ni Roxas na siya ay kasapi ng NPA. Sa kanyang paunang salita sa harap ng mga commissioner ng CHR, sinabi niyang “Ako ay aktibista. Hindi ako kasapi ng NPA.” Pumunta umano siya sa Pilipinas para pag-aralan ang kanyang pinagmulan at malaman ang kalagayan ng naghihirap niyang mga kababayan. Gagamitin niya umano ang kanyang masasaliksik para sa isang “writing project.” Manunulat si Roxas at kasapi ng Bagong Alyansang Makabayan-USA at Habi Arts, isang pangkulturang organisasyon sa Los Angeles.

Kasalukuyan namang nagsasagawa ng imbestigasyon ang AFP sa background ni Roxas, ani Lt. Col. Romeo Brawner, Jr., hepe ng AFP public information.

Matatandaang bumalik si Roxas sa bansa mula sa Estados Unidos noong Hulyo 21 para ipagpatuloy ang kaso laban sa AFP. Sa pahayag ni Roxas, dinukot siya at dalawa pang kasamahan ng hinihinalang mga elemento 7th Infantry Division ng Philipine Army noong Mayo 19 sa La Paz, Tarlac. Matapos ito’y anim na araw umano siyang sinalang sa interogasyon at iba’t ibang klase ng tortyur. Pinapaamin umano siyang kasapi siya ng NPA.

Tumutugma naman ang pagsasalarawan ni Roxas sa lugar na pinagdalhan sa kanila sa Fort Magsaysay sa Nueva Ecija.

Napangalanan din ni Roxas ang lima sa mga sundalong umano’y nagsagawa ng tortur sa kanya.

Nang palayain noong Mayo 25, binalaan umano si Roxas na huwag sasabihin kaninuman ang naganap sa kanya.

Samantala, giniit ni Leila de Lima,  tagapangulo ng CHR, na ang kailangang mapatunayan ay hindi ang sinasabing kaugnayan ni Roxas sa NPA kundi ang naganap umanong  tortyur. Ani de Lima, wala simuman ang may karapatang mangtortyur.

Sinuportahan naman ni Rep. Lorenzo Tañada III, tagapangulo ng House Committee on Human Rights,  ang pahayag ni de Lima. Inihain din ng siyam na kongresista, kasama sina Tañada at Satur Ocampo ng Bayan Muna, ang House Resolution No. 1627 kaugnay ng writ of amparo na sinampa ni Roxas sa Cour of Appeals (CA). Nakatakda  ang pagdinig nito sa CA sa Hulyo 30.