Lou Veloso, Jr. at Ina Feleo, Best Actor and Best Actress sa Cinemalaya Cinco
aganapan para kay Lou Veloso, Jr. ang pagkapanalo niya ng Best Actor sa katatapos na ika-5 Cinemalaya Independent Film Festival na idinaos sa Cultural Center of the Philippines mula noong ika-17 hanggang ika-26 ng Hulyo, 2009. Maluha-luha si Lou sa karangalang nakamtan sa pagganap niya bilang isang kriminal na nagpaikut-ikot sa iba’t ibang bahagi ng […]
aganapan para kay Lou Veloso, Jr. ang pagkapanalo niya ng Best Actor sa katatapos na ika-5 Cinemalaya Independent Film Festival na idinaos sa Cultural Center of the Philippines mula noong ika-17 hanggang ika-26 ng Hulyo, 2009.
Maluha-luha si Lou sa karangalang nakamtan sa pagganap niya bilang isang kriminal na nagpaikut-ikot sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas para lang siya ay mamulat sa mga katotohanan ng buhay sa pelikulang “Colorum.”
Muling napatunayan ni Lou na siya ay isang bersatil na artista dahil kahit siya ay mas kilala sa komedya ay nagkaroon pa siya ng pagkakataon na makaganap sa drama at suspense na talagang humamon sa kanya nang husto.
“Nang magsimula ako sa showbiz, si Joey Reyes ang nag-create ng character ko na Truman ay doon ay nakilala ako bilang comedian,” pahayag ni Veloso sa gabi ng parangal ng Cinemalaya 2009.
***
Muntik na ngang hindi tanggapin ni Lou ang alok ni direktor Jon Steffan Ballesteros pero kinumbinsi siya nito kasama ang mapanghalinang pagsuyo ni Robbie Tan ng Seiko Films.
“Kasi, alam naman ninyo na ako ay nagtatrabaho sa munisipyo at kailangang araw-araw ay pumupunta ako sa Manila City Hall. Kaya lang, nagkataon na Mahal na Araw kinunan ang pelikula kaya naman nakasama ako,” mangiyak-ngiyak na pahayag ni Veloso.
Sa Cinemalaya nga naman ay malayang nagagampanan ng mga alagad ng sining ang kanilang mga papel dahil sa kalayaan sa pamamahayag sa anumang antas at lawak.
Kaya hindi makakalimutan ni Lou ang tagumpay na ito.
Hindi nga ba’t kamakailan naman ay tumanggap si Veloso ng parangal ng Patnubay ng Sining at Kalinangan mula sa Pamahalaang Lunsod ng Maynila ni Mayor Alfredo Lim.
Kaya doble-doble na ang karangalang nakakamit ni Veloso.
***
Isa itong pagpapatunay na magagampanan ng isang artista ang maraming papel sa buhay mula pulitika hanggang kultura.
Nakakatuwa si Lou dahil nagpahid pa siya ng mga luha pagkatapos ng kanyang talumpati ng pagtanggap sa Balanghai na tropeyo.
Maraming tumawag sa kanya sa telepono pagkatapos na ideklara siyang panalo sa Pinakamahusay na Aktor.
***
Samantala, ang nagwagi namang Best Actress ay si Ina Feleo, anak ng isa sa mga organizer ng Cinemalaya na si Laurice Guillen.
Ikalawang pagkakataon na itong pananalo ni Ina na unang nagwagi sa pelikulang “Endo” katambal si Jason Abalos.
Ngayon naman ay sa “Sanglaan” siya nanalo kung saan ang papel ng isang counter girl ang kanyang binigyang-buhay.
Wala si Ina para tanggapin nang personal ang kanyang tropeyo ng karangalan pero nandoon naman ang kanyang kapatid na si Ana Feleo.
Ang awards night noong Linggo ng gabi ay paglabas muli ni Johnny Delgado sa publiko pagkatapos na siya ay magkakanser bagamat nagagamot na ang kanyang karamdaman ngayon.
***
Si Arnold Reyes naman ang Best Suppoting Actor para sa pelikulang “Astig” ni direktor GB Sampedro.
Ayon kay Arnold, hindi niya inaasahan ang karangalang ‘yon kaya inihahandog niya ito sa kanyang ina at ama na unang mga naniwala sa kanyang talento bilang aktor kaya siya ay nagtiyaga at nagkamit ng nilaga sa katuusan.
Si Arnold ay tampok din sa dalawa pang pelikulang ipinalabas sa Cinemalaya Cinco, ang “Ugat sa Lupa,” isang short film na lumaban sa kategorya ng short film at “Manila,” ang opening film ng Cinemalaya 2009 na nagtampok kay Piolo Pascual sa natatanging papel na drug addict sa bersyon ni Raya Martin sa “Manila by Night” ni Ishmael Bernal at social climber na security guard sa bersyon ni Adolf Alix, Jr. ng “Jaguar” ni Lino Brocka.
***
Iniaalay naman ni Tessie Tomas sa kanyang inang si Laura Hermosa na unang humulma sa kanya sa pag-arte sa showbiz.
“Wala ang asawa kong si Roger Pulin pero inihahandog ko rin sa kanya ito,” pahayag ni Tessie na Best Supporting Actress para sa “Sanglaan” ni Milo Cogueco.
Silag na silag sa katauhan at kaluluwa ni Tomas ang kaligayahan sa karangalang natanggap.
“Hindi po kami magkakilala ni Milo pero tinanggap ko ang pelikula dahil alam kong maganda ang role ko at ito na nga ‘yon,” sabay nguso sa tropeyo ng Balanghai na kanyang yakap-yakap.
Aktres talaga si Tessie sa tunay na kahulugan ng salitang ito at hindi ito mapapasubalian.
***
Ayon sa isang hurado ng Full-length Feature, nais ding bigyan ng jury ng karangalan ang dalawampu’t isang taong gulang na filmmaker na si Pepe Diokno na gumawa ng Engkwentro” bagamat dalawa lang ang Special Mention sa Jury Prize at ito ay ang “Ang Panggagahasa kay Fe” ni Alvin Yapan at “Colorum” ni Ballesteros.
Tumayo lang naman si Pepe bagamat hindi binanggit ng hurado ang kanyang pangalan.
Wala rin sa iskrip ang pagsasabi at pagsisiwalat ng hurado na si Diokno ay kailangang pasalamatan at banggitin ang pangalan.
Best Picture ang katatawanang “Last Supper No. 3” nina Veronica Velasco at Jinky Laurel.
***
Nagwagi naman ang “Dinig Sana Kita” ni Mike Sandejas ng National Council for Children’s Films.
Gayundin, Audience Choice sa Full-Length ang “Dinig Sana Kita.”
Nanawagan si Sandejas na bigyan ng pagkakataon ng iba pang filmmaker ang mga bingi sa pag-arte dahil napakaraming matatelino sa mga may kapansanang ito kaya naman kahit kailan ani Mike ay itataguyod niya ang mga ito.
Audience Choice Award naman sa Short Film category ang “Blog-Og” ni Rommel Tolentino.
Si Ralston Jover naman ang humakot sa parangal ng NETPAC o Network for the Promotion of Asian Cinema para sa “Baseco Bakal Boys” at kalaban niyang mahigpit ang “Latak” ni Jowee Morel, “Aurora” at “Karera” ni Adolf Alix, Jr., “Boy ni Aureaus Solito, “Bayaw” ni Monti Prungao, “Prince of Cockfighting” ni Yeng Grande, “Handumanan” ni Seymour Barros Sanchez at “Walang Hanggang Paalam” nina Paolo Villaluna at Ellen Ramos.
***
Naging magandang karanasan ang pagiging nominado ni Jowee sa NETPAC na kauna-unahan sa Cinemalaya category ngayong taong ito. Nasa London si Morel para mag-aral ng filmmaking at babalik sa Oktubre sa Pilipinas para gumawa ng pelikula mula sa iskrip at dula ni Joey Arrogante na “Mga Birhen.”
“Pero alam ko na marami pa akong kakaning bigas bago manalo sa mga contest na tulad ng Cinemalaya,” pahayag ni Jowee mula sa London.
Kahit ang kanyang mga artista, halimbawa’y si Geraldine Tan, ay nagpapasalamat sa amin ng kapwa peryodistang pampelikula na si Dennis Adobas dahil sa pagdadala namin sa kanya awards night.
Ipinakilala rin namin si Geraldine sa iba pang peryodistang pampelikula tulad nina Will Provinio, Zaldy Rolex, Ronald Carballo, Eddie Littefield, William Reyes, Cesar Evangelista at marami pang iba kaya tuwang-tuwa na naman si Tan.
***
Ang iba pang nagwagi sa Cinemalaya Cinco sa Full-Length ay Best Sound para sa “Astig.”
Best Editing pa rin ang “Astig” at Best Musical Score naman ang “Dinig Sana Kita.”
Best Production Design ang “Mangatyanan” samantalang Best Cinematography ang “24K.”
Best Screenplay ang “Nerseri” ni Vic Acedillo, Jr. at ayon sa kanya, ang pagsusulat ang mas gusto niya dahil siya ay frustrated writer.
***
Wala kang itulak-kabigin sa Cinemalaya entries dahil napakagaganda ng mga ipinamalas ng mga ito.
Sa Short Film ay Pinakamaganda ang “Bonsai” samantalang Special Jury Award ang “Blogog.”
Best Director naman s Dexter Cayanes para sa “Musa.’
***
Ang gaganda ng mga intermission numbers lalo na ang pagkanta ng Radioactive Sago Project na siyang naglapat ng musika para sa “Manila” ni Piolo.
Nagpakitang-gilas din si Zoe Sandejas, ang bida sa “Dinig Sana Kita” ni Mike sa pamamagitan ng pag-awit ng kanyang isang piyesang inawit sa pelikula bilang rock singer.
Pati ang mga presenters ay nagbigay-ningning sa gabing ‘yon kabilang sina Dennis Trillo, Dr. Nicanor G. Tiongson, Jose Javier Reyes, Armando Lao, Mel Chionglo, Alfred Vargas, Laurice, Tony Boy Cojuangco at marami pang iba.
Kuwela at epektibo ang pagmamaestro’t maestra nina Ricky Davao at Eugene Domingo sa palatuntunan.
Aba, parang wala nang tulog si Eugene sa dami ng kanyang trabaho.
Mabuhay ang mga nagmamahal sa independent o indie filmmaking na siyang mananaig sa mga susunod na mga panahon pag naalagaan na ang merkado ng masang mas maraming manonood ng pelikulang Filipino.