Uncategorized

Naghahalo ang balat sa tinalupan sa National Artist Awards nina Carlo J. Caparas at Cecille Guidote-Alvarez


KAILANMAN ay uso ang protesta sa showbiz at hindi lang ito pampalipas-oras at pampalimot ng problema. Laging may angking paalala ang showbiz sa ating lahat—na ito ay repleksyong buhay sa anumang larangan. Tulad ng pagkakagulo sa National Artist Awards na taun-taong ibinibigay ng pamahalaan sa mga karapat-dapat na alagad ng sining sa Pilipinas. Nang ilabas […]

KAILANMAN ay uso ang protesta sa showbiz at hindi lang ito pampalipas-oras at pampalimot ng problema.

Laging may angking paalala ang showbiz sa ating lahat—na ito ay repleksyong buhay sa anumang larangan.

Tulad ng pagkakagulo sa National Artist Awards na taun-taong ibinibigay ng pamahalaan sa mga karapat-dapat na alagad ng sining sa Pilipinas.

Nang ilabas ng Malacañang ang mga pangalan ng mga pararangalan o kaya ay pahahangalang mga artista ng bayan, kabilang sa mga ito sina Carlo J. Caparas at Cecille Guidote-Alvarez.

Si Carlo ay iprinoklama ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na National Artist for Film and Visual Arts.

At si Cecille naman ay itinalaga ng Presidente na National Artist for Theater.

***

Aba, mga manay at mga manoy, nagtaasan ang mga kilay ng mga artist at artist-artisan.

Ang sabi nila, anong “k” o “karapatan” ni Caparas na manalo ng pinaka-ultimate parangal sa isang artist samantalang hindi naman siya artist sa tunay na kahulugan ng salitang ito.

Pero siya ay “artist” din para sa masa.

Aba, mas kilala si Carlo ng mga tindera sa palengke kaysa kay Virgilio Almario o kay Manuel Conde o maging kay Bienvenido Lumbera na mga Pambansang Alagad ng Sining, mga manay.

‘Yan nga ang kontra-punto ni Donna Villa, ang asawa ni Carlo nang magtatalak ang mga kritiko.

“Naku, magtigil na ‘yang mga critics na ‘yan na wala namang nagagawa para sa atin, di ba?” tanong ni Donna.

Para kay Villa, ang National Artist ay dapat pangmasa. “’Yong nakakasama ng mga tao sa kalye at hindi ‘yong hindi kilala. Sino ba naman sa mga National Artist ang kilala ng masa, aber?” nakataas na tanong ni Donna.

Aba, ang Donna, talyada.

Ang taray.

***

Hindi naman magpapatalo ang mga reklamador.

Naku, ano bang nagawa ni Carlo, e, nagsusulat lang ‘yan ng script sa komiks?

Tanong ‘yan ng cultural worker na si Joel Saracho.

Ang taray rin, di ba?

Hindi kaya magsubunutan sila ni Donna pag nagkasalubong sila sa Megamall?

Ni hindi naman daw marunong mag-drawing si Carlo ng kanyang mga isrkip.

Ibig sabihin, hindi dehubista si Caparas kaya paanong nanalo itong National Artist for Visual Arts.

Aba, may punto rin, di ba?

Kahit isalang pa sila sa “Punto por Punto” ni Anthony Taberna, di ba?

Umeksena naman si Manoling Morato at sinabi niyang “marunong mag-drawing si Carlo. Nagdedebuho rin ‘yan. Magaling ‘yan.”

Aba, naku, pabonggahan sa paistaran ito, mga nini.

***

At si Cecille, aber?

Anong panama niya sa iba pang naging National Artist na babae?

Aba, mga manay, si Cecille ang nagtatag ng Philippine Educational Theater Association o PETA.

Abaruray, abarinding, ‘wag isnabin ang PETA. Ito ay pinakapangmasang theater organization sa bansa. Makabayan. Makadiyos. Makatao.

Kahit tanungin mo pa sina Soxy Topacio, Joel Lamangan, Melvin Chua, Ellen Ongkeko-Marfil at iba, trained sila ng pambayang teatro.

“Ibagsak ang imperyalismo! Ibagsak ang Byurukrata-Kapitalismo! Ibagsak ang Feudalismo!”

At iba pang ismo!

“Ang tao, ang bayan, ngayon ay lumalaban” kung taga-PETA ka na post EDSA.

Kaya lang, inakusahan ng PETA si Cecille ng maraming bagay na laban sa asawa ni Hehreson Alvarez.

Naku, no’ng buhay si Lino Brocka, ang tawag niya, mga manay at mga manoy kay Cecille ay Imelda Marcos.

Tipong si Cecille daw sabi ni Lino ang papalit sa trono ni Imeldang mahilig sa sapatos at nagkakandabulag-bulag sa kanyang ideya ng “The True, the Good and the Beautiful.”

Naku, nini, talagang madugo ang sagupaan ng mga taga-PETA at ni Cecille nang umalis patungong Amerika ang mga Alvarez para magtago sa mga Marcos noong Martial Law.

E, bakit naman kaya magiging another Imelda si Cecille ay Martial Law nga.

Aba’y itanong sa puntod ni Brocka.

***

Ngayong napili ni GMA si Cecille na National Artist for Theater, ang akusasyon ng mga artist at nag-a-artist-artisan ay walang delicadeza si Cecille.

Ano ba ‘yong delicadeza?

Nakakain ba ‘yon?

Putahe ba ‘yan?

Gaga!

Ang delicadeza ay isang kolonyal na diwa.

Aba, colonial mentality!

Opo, mga manay at mga manoy.

Ito ‘yong “kahihiyan sa sarili” na parang “pagbubuhat ng sariling bangko.”

Kasi, ang sabi ng mga critics nina Caparas at Guidote-Alvarez, si Cecille ang Executive Director ng National Commission for Culture and the Arts at siya ang isa sa mga nangangasiwa sa nominasyon sa National Artist pero bakit hahayaan na i-nonimate ang kanyang pangalan sa parangal.

May mapait na lasa raw sa dila, sabi ni Saracho.

Diyos ko!

Mabuti pa si Joel, natikman na niya ang labi ni Cecille.

Ay naku!

Ano ba ‘yan.

Kung susumahin nga ay dapat na umatras si Cecille sa nominasyon dahil siya mismo ang nagsusumite ng mga pangalan ng nominees sa National Artist Awards.

Naku, ayaw ni Lolit Solis ng ganyan!

Ayaw niyang matatalbugan siya sa pagiging Scam Queen kahit na siya ay nahatulang mabilanggo.

Mga, ache at mga acho, talaga namang nakakaalibadbad na si Cecille ay nominee sa sarili niyang upisina.

***

And the winner is!

May I have the envelope, please!

Aba, walang iba kundi sina Carlo at Cecille pa rin.

Ang sabi ni Caparas, ang CCP, NCCA at Malacañang naman ang bumoto sa kanila at walang palakasan dito kahit alam na ng lahat na sila ay nagkampanya para kay GMA noong 2004 elcetions.

Talaga?

E, di ba, si Carlo ang gumawa ng “Panday” ni Fernando Poe, Jr. na dinaya umano ni GMA sa paramihan ng boto sa pagka-presidente ng Pilipinas?

Naku, ibahin mo si Carlo sa kanyang pulitika dahil siya ay isang alagad ng sining ng popular na libangan.

Pop art, ano ba?

Kung buhay lang si Tony Tenorio, ‘yong naging editor ni Carlo sa Atlas Publishing House kung saan siya nag-jaguar sa panahon ni Marcos, sasabihin niyang magsilayas kayong lahat sa aking kaharian dahil si Carlo ang hari rito.

Kumpare pa nga ni Caparas si Tony at si Boy C. de Guia.

Kaya noon, pag kinakantiyawan ni Brocka si Carlo, wa ispyuk na lang si Kuya Boy dahil namamangka siya sa dalawang ilog.

Pareng Boy kasi siya ni Carlo.

***

Ang maganda nito, sa pamantayan ng National Artist Award, malawak at malalim ang mga talata rito bagamat maiikli ang mga pangungusap. Kailangan daw na ang National Artist ay Filipino bago siya manalo. Kailangan din daw na nakalikha siya ng mga pamamaraan at nilalaman na maka-Filipino at naghuhugis ng nasyon. Kailangan din daw na nakakaimpluwensiya siya sa mga susunod na henerasyon ng mga alagad ng sining dahil sa orihinal na mga estilo at nilalaman ng sining.

‘Yan, i-apply natin ‘yan kay Carlo at kay Cecille.

Kaya kumuha na ng mga lapis at papel at eksaminen na ang katayuan ng dalawa kung papasa silang National Artist.

Ito, walang palakasan dahil kayo, Bayan, ang maghuhusga.

Naku, ayaw ni Noli de Castro ng nanggagaya.

E, gaya-gaya, puto-maya.

Kung anik-anik na National Ek-Ek ‘yan.

***

Kaya lang, ang nakakalungkot na mas masahol pa sa babaing haliparot, talagang walang sense of history kahit na ang mga nagpapasya sa National Artist Award o ang mga impluwensiya nito dahil ang dami pang nakakaligtaan na mga filmmaker noon pa na papasa sa mga pamantayan ng parangal.

Kaya lang ay kailangang baguhin ang ilang probisyon sa batas ni Marcos na lumikha ng National Artist dahil noong April 12, 1972 niya ito idineklara at marami pang mga film pioneer na dapat bigyan ng parangal tulad nina Jose Nepomuceno, Vicente Salumbides, Ramon Estela, Luis F. Nolasco, Gregorio Fernandez, Manuel Silos at iba pa na katangi-tangi rin ang impluwensiya sa mga sumunod na henerasyon ng mga alagad ng sining ng pelikula.

Kaya lang, madalas tayong nagkakasala sa “hindi paglingon sa pinanggalingan, hindi makakarating sa paroroonan.”