Pinoy Weekly

Utang ng gobyerno sa Philhealth, sisingilin ng manggagawa -KMU

Muli na namang inani ng gobyernong Arroyo ang galit ng mga manggagawa dahil sa lumobong utang nito sa Philippine Health Insurance Corporation (Philhealth), ayon sa Kilusang Mayo Uno (KMU).

Sinabi ni Nerissa Santiago ng Philhealth sa pagdinig sa Senado noong Agosto 19 na umabot na sa P19.2 bilyon ang utang ng Department of Budget and Management (DBM) sa korporasyon. Nagmula ito sa hindi nababayarang kontribusyon ng gobyerno sa mga kasapi ng Philhealth.

Sa mga pag-aaral, maaari nitong itulak sa bankruptcy ang Philhealth. Ipinagtaka naman ni Sen. Loren Legarda, tagapangulo ng health committee ng Senado, kung paano umabot sa ganitong halaga ang utang ng gobyerno sa Philhealth.

Samantala, nagpahayag si DBM Sec. Rolando Andaya na walang dapat ikabahala ang taumbayan dahil “malakas at istable” ang Philhealth. Hindi din umano ganito kalaki ang utang na ito, batay sa sariling kompyutasyon ng gobyerno. Nakakabayad din umano ito ng kontribusyon.

Ayon naman KMU, “isang bagay ang pagsasabi na ang gobyerno ay nakakabayad na ng kontribusyon at iba pang bagay ang pagpapatunay na ang mga pondo ng Philhealth ay direktang napupunta sa health insurance ng 79 milyon na kasapi nito, na ang kalakhan ay mga manggagawa.”

Ayon pa sa grupo, ang ginastos ng pamahalaan sa maluluho nitong mga lakad sa labas ng bansa ay dapat ginamit na lamang sa pagbabayad ng utang sa Philhealth.

Ani Elmer Labog, tagapangulo ng KMU, “nakakapagtaka kung saan napupunta ang buwis at salary deduction ng mga manggagawa kung wala namang napupunta sa batayang mga serbisyo para sa kanila.” Dagdag ni Labog, patuloy ang pagdami ng bilang ng nagugutom, napapalayas sa tahanan at hindi nakakapag-aral dahil sa mga anomalyang kagaya nito.

Ang hindi pagbabayad ng gobyerno sa Philhealth ay naglalagay sa mga mamamayan sa alanganin, ayon pa kay Labog.

“Kaya ng pamahalaan na magwaldas ng P37 milyon sa ibang bansa gamit ang buwis ng mamamayan na naghihirap naman dahil sa salary deductions para sa Philhealth, na hindi naman nila lubos na  napapakinabangan,” dagdag niya.

Dahil hindi na “kasikmu-sikmura” ang gobyernong Arroyo na patuloy ang pagkakasangkot sa iba’t ibang anomalya, kailangan na umano ang mas militanteng mga pagkilos sa mismong Malakanyang.

“Kailangang singilin ng mga manggagawa ang gobyerno sa utang nito sa Philhealth sa halip na hayaang lustayin nito ang buwis ng mamamayan para sa maluhong pamumuhay ni Arroyo at ng kanyang mga alipores,” giit ni Labog.


Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=3575

Posted by on Aug 21 2009. Filed under Balita. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

No Comment for “Utang ng gobyerno sa Philhealth, sisingilin ng manggagawa -KMU”

  1. letseng pangulo iyan!
    kahit kailan kahit saan hindi matanggal ng gagong pangulong iyan ang pagka-corrrupt!
    TANG INA MO !
    GLORIA!

Leave a Reply

Multimedia

Log in | Designed by Gabfire themes