Uncategorized

Lea Salonga, makikipag-jamming sa mga autistic, drug addict at iba pang may kapansanan


Patuloy na nakikipag-ugnayan si Lea Salonga mga may kapansanan sa pamamagitan ng musika. At isa ito sa kanyang mga adbokasiya bilang artista kahit na parang may tonong pagrereklamo ang kanyang inang si Ligaya Salonga bagamat mas malamang kaysa hindi ay katuwaan at paglalarawan lang ‘yon ng mga gawain ng anak. “We have been doing a […]

Patuloy na nakikipag-ugnayan si Lea Salonga mga may kapansanan sa pamamagitan ng musika.

At isa ito sa kanyang mga adbokasiya bilang artista kahit na parang may tonong pagrereklamo ang kanyang inang si Ligaya Salonga bagamat mas malamang kaysa hindi ay katuwaan at paglalarawan lang ‘yon ng mga gawain ng anak.

“We have been doing a lot of advocacies,” pahayag ni Ligaya sa Daintree Room ng Palms Country Club sa Alabang kamakilan.

Ikinatutuwa lang naman ito ni Lea na aliw na aliw dahil bago simulan ang paglulunsad ng pagtatanghal na “Echoes of Dreams” ay nagpakitang-gilas ang isang siyam na taong gulang na batang lalaki, si Clark Gamol, sa pagkanta ng isang piyesa ni Michael Jackson.

“That was a good job,” pahayag ng batang Salonga pagkatapos sumayaw at kumanta si Clark.

***

Isa rin si Gamol sa mga panauhin sa “Echoes of Dreams” na gaganapin sa ika-30 ng Nobyember, 2009 sa Araneta Coliseum.

Panauhin din si Salonga sa concert na ito bagamat siya ang pinakamalaking bituin.

“I will do five numbers otherwise I don’t want to give the impression that it’s my show,” pahayag ni Lea napapangiti, artekulanteng-artekulante.

Sinabi ni Lea na hindi niya matatanggihan ang pakiusap ni Jerome Vinarao, ang tagapangulo ng Center for Arts Foundation, Inc., pamangkin sa pinsan ng direktor at editor na si Edgardo “Boy” Vinarao.

Noong isang taon ay panauhin din si Lea sa show ng Foundatiuon sa Music Museum at ang ikalawang pagkakataon ay isa pa ring kaganapan ng pagsuporta ng international singer sa mga may kapansanan.

Pagtataguyod sa mga may autism, Down syndrome at mga biktima ng child abuse ang layunin ng show.

Kasama rin sa magtatanghal ang sikat na sikat ngayong si Myrus, ang nag-revie ng klasikong awitin ni Claire de la Fuente na “Sayang.”

Gayundin, bagamat hindi nakarating sa presentasyon sa mga peryodista, magtatanghal din ang pamosong Marimba player sa buong daigdig na si Tum Tum Mendoza na isang autistic.

***

Pag pinag-uusapan ang mga pangarap, wala nang mahihiling pa si Lea sa kanyang buhay bagamat ang kapayapaan at magandang buhay ang kanyang nais para sa sarili at sa lahat.

Inamin niya na nang siya’y bata pa, ang dami-dami niyang gustong maging paglaki tulad ng pagiging abugado, maestra, doktora at iba pa pero hindi siya nagsisisi na siya ay naging mang-aawit at aktres.

“I am able to offer happiness to people and I think that is a very noble intention,” pahayag pa ng internasyunal na bituin.

Ngayon ay masaya siya sa kanyang pamilya, sa kanyang asawang si Robert Chien at sa kanilang anak na si Nicole.

***

Ang mga panaghoy, pangarap, kabiguan, siphayo ng mga may kapansanan ay mabibigyan ng lagusan sa pamamagitan ng musika, kataga, sayaw at mga biswal na presentasyon sa pagtatanghal na ito.

Isang dating sugapa sa droga, Samara ang kanyang pangalan, ang magpapamalas ng kanyang magandang tinig.

Kasalukuyang nasa rehab si Samara sa Batangas sa ilalim ng pangangalaga ni Martin Infante, kapatid ng TV director na si Freddie Infante.

“Parang impiyerno ang buhay ko noon. Walang direksyon at ang pakiramdam ko, wala na akong pupuntahan kaya nagpa-rehab na ako. At marami akong natutunan at nagpapasalamat ako kay Mr. Infante sa pag-aalaga niya sa akin,” pahayag ni Samara.

Sa pagtulong sa paglaya ng kapwa, ang iba pang katulong na organisasyon sa “Echoes of Dreams” ay ang Autism Society Philippines (ASP),” isang support organization na binubuo ng mga magulang at kanilangmga anak na may autism; Self-Enhancement for Life Foundation (SELF), isang pundasyon na nangangalaga sa pangunahing drug rehabilitationatrecovery facility; Immaculate Haert in Memoriam (IHM), isang grupo na nakaugnay sa simbahan na tumutulong samga kabataan na biktima ng sekswal na pang-aabuso; Independent Living Learning Center (ILLC), isang special school para sa mga batang may autism; Down Syndrome Association, isang support organization ng mga magulang na nag-aaruga ng may Down Syndrome at ang Rotary Club of Makati-Rockwell.

***

Umalis lang si Lea patungong Las Vegas, Nevada noong Linggo para sa isang natataning pagtatanghal sa estadong ‘yon ng Amerika at pagkatapos ay tutuloy siya sa Bangkok, Thailand para sa isa pang palabas.

Naitanong namin sa kanya kung sa gitna ng kanyang kaabalahan sa paglalakbay ay may panahon pa siya sa preparasyon sa kanyang isa pang show, ang magaganap naman sa PICC sa Disyembre kung saan ay kasama niya si Ai Ai de las Alas.

Pero mariin ang paglilinaw ni Lea na “it’s my show.”

Ito ay dahil parang ang lumabalas ay back-to-back sila ni Ai Ai.

“I just got her as guest,” paglilinaw pa ni Salonga.

May sinabi kasi si de las Alas sa isa sa mga panayam na kanya na parang nagmarka kay Lea.

Sinabi ng international singer na binigyan ng mahalagang pagkakataon bilang Kim sa “Miss Saigon” na ayon anya kay Ai Ai ay kung isang karangalan para sa komedyante ang makasama si Lea ay karangalan din para kay Salonga na makasama sa entablado si de las Alas.

Pinagtawanan lang naman ito ni Lea at sinabing magiging masaya ang kanilang pagtatanghal.