Pinoy Weekly

Libu-libong manggagawa ng pier, muling lumusob sa Malakanyang

Libu-libong manggagawa ng North Harbor at residente ng mga komunidad sa pier ang nagmartsa uli sa Mendiola para igiit ang seguridad sa trabaho sa harap ng nakaambang pribatisasyon ng pier.

Sa pamumuno ng Alliance of Port/Transport Workers and Porters in North Harbor (APTWP-NH), iginiit ng mga manggagawa na baguhin ang Terms of Reference (TOR) ng pagsasapribado, dahil tinitiyak lang nito ang trabaho ng mga manggagawa sa loob ng dalawang taon pagkatapos ibigay ang kontrata sa nanalong bidder.

“Panawagan namin: Baguhin ang TOR para magkaroon ng seguridad sa trabaho ang mga obrero,” sabi in Jake Azores, presidente ng APTWP-NH at United Dockhandlers, Inc., isang lokal na unyon.

Hindi bababa sa 7,000 manggagawa ng North Harbor at manininda ang posibleng mawalan ng trabaho dahil sa pribatisasyon ng pier. Daan-daan namang pamilyang nakatira malapit sa terminal ng pier ang nahaharap sa banta ng demolisyon.

Tinuligsa naman ni Rey Sumayo, presidente ng National Federation of Workers Union-Kilusang Mayo Uno (NFWU-KMU) ang “propaganda offensive” ng mga nanalong bidder na Harbor Centre at Metro Pacific Investment Corp.

Noong nakaraang linggo, may lumabas sa mga pahayagan na paid advertisement na nagsasabing walang magaganap na tanggalan kapag naisapribado ang pier. “Gusto nilang lokohin ang mga manggagawa at publiko. Dalawang taon lang ang garantiya ng TOR sa mga manggagawa,” sabi ni Sumayo.

Ipinaliwanag ni Sumayo na may dalawang paraan ang mga nanalong bidder para magtanggal ng manggagawa. “Una, sa pagko-computerize ng mga operasyon ng pier. Pangalawa, sa pagpalit sa (regular na) mga manggagawa rito ng mga (kontraktuwal na) manggagawa sa iba nilang kumpanya.”

Umano’y  ngayon pa lamang, kontraktwal na ang karamihan ng mga manggagawa sa pier dahil binubuwag ng manedsment ng mga kompanya ang mga unyon.

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=4111

Posted by on Sep 23 2009. Filed under Balita. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Multimedia

Log in | Designed by Gabfire themes