Pinoy Weekly

Ang kahulugan para kay Michelle ng pag-revive ng “Ocean Deep” ni Cliff Richard sa baha at bagyo

Isa sa mga nangungunang kanta sa Yes FM at Love Radio ang pinasikat na kanta ni Cliff Richard na “Ocean Deep” na binigyang-buhay muli ng isang Filipinang singer na nagngangalang Michelle.

Hindi na iba si Michelle sa ating lahat dahil ibinabalik lang naman niya ang kanyang pagkanta sa kasalukuyan dahil siya ang isa sa mga orihinal na miyembro ng 14K ni Ryan Cayabyab kasama ang mahusay na namayapang si Tenten Muñoz at Jeffrey Hidalgo.

Nagbabalik si Michelle pagkatapos niyang magtapos ng Bachelor of Music major in Voice sa University of Santo Tomas.

Ngayon ay ganap nang guro si Michelle pero hindi pa huli ang lahat para pumalaot muli sa digmaan ng mahuhusay sa lokal na daigdig ng musika.

At nang isaplaka muli niya ang “Ocean Deep” ay muli itong bumango at minahal muli ng mga tagapakinig at balana lalo na sa kanyang personal at kaibang interpretasyon.

***

Makahulugan din ang simbolismo at literal na ibig sabihin ng “Ocean Deep” ngayong binabagyo at binabaha ang Pilipinas.

Ang kasinglalim ng karagatan na pag-ibig ay hindi lang ang pagmamahal ng isang lalaki sa isang babae o sa kabaligtaran man kundi ang pagkandili sa mga nasalanta ng mga bagyong Ondoy at Pepeng.

Ngayon ay naisasapraktika na ni Michelle ang kanyang mga layunin lalo na sa pagtuturo hindi lang sa mga paslit kundi maging sa lahat ng mga edad ng tao sa ating lipunan.

Upang maisagawa ang mga kongkretong halimbawa ng pag-aaruga sa kapwa sa panahon ng kalamidad, nagtungo si Michelle sa tatlong barangay—Cuyab, San Roque at Landayan—ng San Pedro, Laguna, ang kanyang baying tinubuan.

***

“Pero wala po kaming organisasyon para mangasiwa ng relief operations kaya kaming dalawa lang ng tatay ko ang nag-asikaso. Personal initiative naming lahat ‘yon kaya naman mahal na mahal ko ang advocacy ko ngayon,” wika ni Michelle na nagrekord rin ng “Constantly,” “Are You Lonesome Tonight?” “Love Me Tender,” “Teacher’s Pet” at marami pang iba.

Nag-ambagan ang mag-amang Michelle at Ray Junia, isang PR man at negosyante.

Taga-Pacita Complex ang mga Junia kaya naman malapit lang sila sa mga binahang distrito ng San Pedro lalo na sa mga tatlong barangay na nabanggit sa unahan.

Pagkatapos maglabas ng kani-kanilang perang inipon at pinagpawisan, bumili sina Ray at Michelle ng mga bagay na maaaring gamitin ng mga biktima ng baha.

Halos naglampas-tao ang laki ng tubig sa mga barangay na ito at hanggang ngayon ay hindi pa rin humuhupa ang baha sa mga lugar na ito dahil sa kawalan ng natural na kapangyarihan ng lawa na humitit pa ng tubig na mula sa mga kalsada ng mga kanugnog na bayang kati.

***

Regular na ginagawa ni Michelle ang pagtulong sa mga nasalanta ng baha at bagyo.

Magkasama sila ng kanyang ama sa pamumudmod ng mga kailangan ng mga taga-Cuyab, San Roque at Landayan.

“Minsan, lumusong ako sa baha. Ang lalim. Si Michelle, naiwanna lang siya sa isang tuyong lugar kung saan kami namimigay ng mga relief goods. Kami lang dalawa ‘yon, take note,” pahayag ni Ray.

Kumanta pa nga si Michelle sa mga taong nalulungkot sa pagtaas ng tubig-baha sa kanilang lugar.

Naibigan ng mga tao, ani Junia, ang pagtirada ni Michelle ng mga kantang makaluma at ayon sa dalaga, nagbigay siya ng inspirasyon sa mga kapus-palad na binaha.

Para sa kanya ay sapat na ‘yon kahit na hindi siya lumusong mismo sa tubig dahil wala naman silang bangka o motorboat na puwedeng sakyan papunta sa pinakabaha at mga taong nakulong pa nito.

***

Samantala, hindi lang sa Laguna nagbibigay ng suportang materyal at ispiritwal sa pamamagitan ng musika si Michelle kundi maging sa Taguig City at Parañaque City rin.

Kamakailan ay isinama siya sa mga relief fund drive sa BF Homes kung saan siya ay may music school, ang Stardev Music School.

Sa pamamagitan ng pagsali sa mga ganitong sosyo-sibikong rikotitos ay lalo pang umaalsa ang matatayog na layunin ni Michelle na maging makabuluhan sa kanyang kapwa.

Pero hindi naman niya pababayaan ang kanyang propesyon dahil ito ang bukal ng lahat ng kanyang mga biyaya.

***

Kung mag-isa lang nagdadala ng mga relief goods si Michelle gayundin si Katrina Halili na kamakailan ay mag-isang nagtungo sa Cainta, Rizal para umaksyon sa kapakanan ng mga biktima ng mga bagyo.

Nagbalot si Katrina ng mga bagay—pagkain, tubig, damit, gamot at iba pa—para personal niyang ipamigay.

Naaalala kasi ni Halili ang kanyang lalawigang Palawan na lumulubog na rin sa tubig pag may bagyo.

Taliwas sa mga ipinamamarali ng mga negosyante at pulitika, ang Palawan at bahain na rin at kahit na may mga pakulo pa na ang isa sa magagandang tanawin nito ay makakasama na sa 8th Wonders of the World, para sa mga ordinaryong mamamayan dito, ang kanilang probinsiya ay naghihikahos at ito muna ang gawan ng paraan ng mga kinauukulan.

***

Ang nakakasama naman ni Katrina sa relief operations ay walang iba kundi ang pamangkin ng pamosong hairdresser na si Tony Galvez na si Jake Galvez.

Sa likod ni Jake ay si Tony sa pagpapadala ng mga tulong sa mga nasalanta ng mga bagyo.

Nag-aambagan ang magtiyo at iba pa nilang kaanak para may maipambili ng mga pangangailangan ng mga biktima nina Ondoy at Pepeng.

“Kailangang tulungan natin ang mga nasalanta. Kailangan nila ngayon, higit kailanman an gating suporta kaya hindi kami nagkakait ni Jake. Nagbabalot talaga kami ng mga relief goods para systematic ang pagdadala sa areas most hit by the storm,” paliwanag ni Tony.

Sabay na pumupunta sina Katrina at Jake kung may panahon silang magkasama pero kung mag-isa lang ang lakad ng bawat isa, okey lang sa kanila.

Naging malapit na magkaibigan sina Kat at Jake mula nang ayusan ni Galvez ang aktres ng mala-avant garde na buhok.

***

Nagyayaya naman ang peryodistang pampelikula na si Lhar Santiago sa iba pang mga taga-showbiz na mag-relief operations sa Pangasinan dahil ang lalawigan ay bagsak na bagsak din sa hagupit ng kalikasan.

Abala si Lhar sa repacking ng mga relief items na ipinadadala ng mga tao a GMA Network.

Ayon kay Santiago, gusto niyang dumalaw na mag-isa sa Pangasinan at maging kinakatawan ng Channel 7 sa pamumudmod ng mga kailangan ng mga kalunus-lunos na kababayan natin.

***

Ipagdiriwang naman ni Freddie Aguilar ang pagtulong sa mga binagyo sa pamamagitan ng isang concert sa kanyang Ka Freddie’s Bar and Restaurant sa panulukan ng Adriatico Street at Pedro Gil sa Malate, Maynila sa Miyerkules, a katorse ng Oktubre at ayon sa mahusay na singer, lalo pang dumarami ang mga performers na kanyang iniimbitahan.

Ang Top Gear Bar sa Roxas Boulevard ay naghahanda rin ng isang benefit show sa ika-16 ng Oktubre, 2009 at ang magtatanghal ay sina Dinah Dominguez kasama ang kanyang anak na mahusay na singer na si Champagne Morales.

Tutugtog din ang kalulunsad lang na Kaos Band na bongga dahil anak ng kilalang choreographer Dance Instructor na si Dennis Linsangan ang bokalista ng banda, si Francis Marion Linsangan.

Bongga rin ang Kaos Band dahil ang nagprodyus ng kanilang kauna-unahang CD ay walang iba kundi ang nagpasikat sa banyagang banda na Duran Duran, si Peter Heckmann na nasa Pilipinas para lalo pang patindihin ang kalagayan ng Kaos Band sa larangan ng musika.

***

Gayunman, nag-aalala si Ray Junia na baka magkaroon ng relief fatigue ang mga tao dahil sa kabi-kabilang relief fund drive na ginagawa ng mga tao.

Kami nga ay nagnanais din na magtatag ng relief operation na lalahukan ng mga kilalang singer para makalikom ng mga bagay na maaaring maipamahagi sa mga nasalanta ng kalamidad.

Okey na kay Darius Razon ang programa at hinihintay na lang kung bakante ang gymnasium ng Mandaluyong City para roon gawin ang pabenepisyo.

Ayon kay Freddie, darating siya kung sa Maynila lang gagawin ang concert.

Nananabik na nga si Darius na matuloy ang aming proyekto para sa kapakinabangan ng mga naghihikahos nating kababayan sa binahang mga lugar.

***

Ang isa sa masisigasig na nag-aasikaso ng pabenepisyo ay ang peryodistang pampelikula na si Dennis Adobas na nagsabing libre ang mahusay na singer na si Jonathan Badon sa anumang Ondoy-related show.

Pati si Michelle ay puwede rin.

Maging ang iba pang singer na makatao, makabayan at makadiyos ay nagsabing makikisali sila sa relief operation.

Ito ang paraan ng aming pagdiriwang ng kaarawan sa ika-18 ng Oktubre, 2009 kaya nakaiskedyul ang pabenepisyo isang araw bago ang aming kumpleanyo.

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=4537

Posted by on Oct 12 2009. Filed under Showbiz. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Multimedia

Log in | Designed by Gabfire themes