Pagsagip sa naaanod na pag-asa

October 9, 2009

pw-kananayan-delpan

Mga kananayan sa evacuation center sa Delpan, Tondo (Jeffrey Ocampo)

Nakaupo at matiyagang naghintay si Amy Golocado o Nanay Amy, 67, sa Delpan Complex para sa damit at pagkaing ipapamahagi ng Citizens’ Disaster Response Center (CDRC) noong nakaraang linggo sa mga residente ng Tondo.

Isa ang lugar sa mga lubhang naapektuhan ng bagyong Ondoy. Nakatirik ang kanyang bahay sa ibabaw ng katubigan ng Baseco. Kwento niya, dahil sa walang humpay na pag-ulan, tumaas ang tubig na siya namang nakasira ng mga kabahayan sa lugar na ito.

Ayon sa CDRC, mahigit 700 pamilya ang apektado ng bagyo at dulot nitong matinding baha sa mga lugar sa Tondo gaya ng Baseco, Delpan at Parola. Sa kabuuan, umabot sa 373, 675 pamilya o mahigit dalawang milyong katao ang apektado ng kalamidad na ito na tumuntong sa pagitan ng Aurora at Quezon noong Setyembre 26. Nanalasa at inilubog nito sa maputik na tubig ang 70 porsiyento ng Kamaynilaan at mga probinsiya gaya ng Bulacan, Pampanga, Batangas, Laguna, at Rizal.

Umaabot naman sa halagang P4.7 Bilyon ang pinsala ng bahang dinulot ng 12 oras lamang na pag-ulan.

Samantala, isa lamang ang CDRC sa mga organisasyon na maagap na tumugon sa kalamidad na ito. Marami pang makabayang mga organisasyon, institusyon, pribadong sektor at mga indibidual ang nagtutulong-tulong para maihatid sa mga apektadong pamilya ang pagkain, damit, gamot at mga materyales na kanilang mabilis na nakalap. Napakaraming relief operation na ang kanilang naisagawa mula nang nanalasa ang baha.

Sa kabila nito, kulang pa rin ang nakakalap na relief kumpara sa dami ng pangangailangan ng mga biktima lalu na’t aminado ang mismong Department of Social Welfare and Development (DSWD) na hindi kagyat na nakakatugon ang pamahalaan sa kalamidad na ito.

Isang linggo matapos ang trahedya, marami na sa kanila ang nawawalan ng pag-asa dahil sa bagal at dalang ng pagdating ng tulong mula sa pamahalaaan.

Mga pangangailangan

Nasira ang kawayang bahay ni Nanay Amy. Ganito rin ang nangyari sa kabahayan ng napakaraming taga-Baseco. Ilang araw din silang naghintay ng tulong mula sa pamahalaan.

Masaya siyang tumanggap ng damit at pagkain mula sa mga donasyon sa CDRC. Pero aniya, “Mas mabuti kung gagawa ng paraan ang ating gobyerno para iwasan ang ganitong kalamidad.” Kailangan din umanong maglaan ng sapat ng halaga ang pamahalaan sa panahon ng kalamidad para mabilis na matulungan ang mga biktima.

Samantala, nagsagawa ng clean-up drive at relief operation ang Makabayang Koalisyon ng Mamamayan (o Makabayan), sa Tumana, Marikina at ilan pang lugar.Tuloy-tuloy din ang proyektong Balsa o Bayanihan Alay sa Bayan ng Bagong Alyasang Makabayan. Lumilibot ito sa iba’t ibang lugar sa loob at labas ng Kamaynilaan para sa maghatid ng tulong.

Nagsasagawa naman ng feeding program ang Kabataan Party-list at Alliance of Concerned Thomasians sa iba’t ibang bahagi ng lungsod ng Maynila. Nagbahay-bahay din ang mga kasapi nito para mangalap ng donasyon.

Kalagayan ng mga evacuee

Ilan namang residente ng Industrial Valley Complex, isang lugar malapit sa Marikina River Banks, ang nanunuluyan ngayon sa tanggapan ng Children’s Rehabilitation Center (CRC). Dito, nakakapagpahinga at nakakakain nang sapat ang mga bata at mga magulang na may kani-kanilang istorya hinggil sa nakagigimbal na pananalasa ng baha sa kanilang lugar. Kuwento ni Emily Castro, isa sa mga evacuee sa CRC, umabot sa ikalawang palapag ng mga kabahayan sa kanilang lugar ang baha.

Pamamahagi ng CDRC ng mga relief goods sa Delpan, Tondo. (Jeffrey Ocampo)

Pamamahagi ng CDRC ng mga relief goods sa Delpan, Tondo. (Jeffrey Ocampo)

Ngunit hindi lahat ng nagsilikas mula sa kanilang mga lugar ay maayos ang kalagayan at may nakakapagsalaysay ng kanilang mga karanasan.

Bagamat nakapanlulumo na ang bilang ng namatay sa Bagong Silangan, sa Quezon City, ilan pa lamang ang mga ito sa kabuuang bilang ng namatay na ayon sa National Disaster Coordination Council (NCC) ang umabot na ng 288. Pinakamarami ang nasawi sa Kamaynilaan na umabot sa 136.

Kasama ng mga evacuee na ito sa Bagong Silangan Elementary School ang mga bangkay ng kanilang mga kaanak na binawain ng buhay sa pananalasa ng baha.

Sa ilang evacuation site naman sa Marikina, pinapauwi na ang mga evacuee kahit wala silang tahanang babalikan. Samantala, isa lamang ang palikuran ang maaaring gamitin sa evacuation site ng daang residente ng San Andres, Maynila.

Marami na ang nagkakasakit sa mga lugar na ito. Upper respiratory illness at diarrhea ang karaniwang mga sakit. Kakulangan sa gamot ang pangunahing problema dito. Ayondin kay Elizabeth Byrs, tagapagsalita ng United Nations’ Office for the Coordination of Humanitarian Affairs, 80 porsiyento ng mga health center sa Kamaynilaan ay sinira ng baha na siyang namang lalung nagpabagal sa pagtugon sa medikal na pangangailangan ng mga biktima.

Ayon sa DSWD, kalahating milyon ang kabuuang bilang ng mga evacuee. Mahigit 100,000 nito ay taga-National Capital Region na nagmula sa 900 baranggay sa Manila, Marikina, Malabon, Muntinlupa, Makati, Pasay, Pasig, Valenzuela, San Juan at lunsod ng Quezon.

Nasaan ang pamahalaan?

Aminado naman si Esperanza Cabral, kalihim ng DSWD, na kalakhan ng donasyon para sa mga biktima ng baha ay nanggagaling sa pribadong sektor, organisasyon at mga institusyon. Nahihirapan ang pamahalaan lalu na’t naubos na rin umano ang P2 Bilyong calamity fund nito dahil 15 bagyong nagdaan sa bansa pagpasok ng 2009. Pero ayon kay Emilia Boncodin, dating kalihim ng Department of Budget and Management, sadyang maliit ang ilinalaan ng pamahalaan sa calamity fund.

Wala ring nagawa ang pamahalaan kundi manawagan sa ibang bansa dahil sinagad umano ng bagyong Ondoy ang kapasidad nito na rumesponde sa mga kalamidad. Kaagad namang nagbigay ng pinansiyal ng tulong ang bansang Hapon at US, na maaaring may kapalit na pabor mula sa pamahalaan.

Sa isang pahayag, sinabi ni Anthony Golez, tagapamuno ng Office of Civil Defense, ang mismong pamahalaan at mga local government unit ay lubhang nanlulumo sa matinding hagupit ng bagyo.

Bunga nito, hindi maagap at epektibong nakakatugon ang pamahalaan sa pangangailangan ng taumbayan sa panahon ng kalamidad.

Dinudumog ang mga relief operation ng pamahaalan dahil na rin sa dalang ng mga ito. May ganitong mga insidente sa Cainta, Rizal dahil na rin matagal bago napasok at nahatiran ng tulong ang mga residente dito.

Samantala, binuksan man ang pinto ng Malakanyang para sa mga apektado ng baha, supot ng tinapay lamang ang nakuha ng mga ito. Nagkagulo pa ang nagsipila dito dahil kulang ang nakahandang relief goods.

Sa kabila nito, ayon kay Nanay Amy, patuloy nilang igigiit sa pamahalaan na ibigay sa kanila ang nararapat na tulong para sa kanila habang patuloy naman ang kanilang pagkakaisa para malampasan ang hagupit na trahedyang pansamantalang umanod sa kanilang pag-asa.