Pinoy Weekly

Mga salarin sa masaker, direktang inarmasan at pinondohan ng gobyerno

Mga grupong paramilitar, ginagamit sa giyera kontra-insurhensiya, pero madalas na lumalabag ng mga karapatang pantao ng mga mamamayan. (Kuha ni KR Guda sa North Cotabato noong Oktubre 2008)

Mga grupong paramilitar, ginagamit sa giyera kontra-insurhensiya, pero madalas na lumalabag ng mga karapatang pantao ng mga mamamayan. (Kuha ni KR Guda sa North Cotabato noong Oktubre 2008)

Direktang nanggaling sa gobyernong Arroyo ang armas at pondo ng mga civilian volunteers organization o CVOs tulad ng mga pumatay diumano sa di bababa sa 57 sibilyan, mamamamahayag at abogado sa Ampatuan, Maguindanao noong Nobyembre 23.

Nakasaad sa Executive Order No. 546, na inilabas ng Malakanyang noong Agosto 28, 2006, na inuutusan ng Pangulo ang mga gobernador at alkalde na “siguruhing may sapat na pondo na mailalaan ito mula sa taunang badyet para sa suportang pang-operasyon at lohistikal sa kaukulang mga yunit ng PNP [Philippine National Police] para sa pagpapatupad nitong Executive Order.”

Binabasbasan ng naturang utos ang PNP na magrekluta ng mga tanod ng barangay bilang “force multipliers” sa implementasyon daw ng peace and order plans sa mga probinsiya.

Sa pagtitipon ng mga gobernador, alkalde at opisyal ng PNP noong Oktubre 25, 2006, inilinaw ni Department of Interior and Local Government Sec. Ronaldo Puno na magkatuwang sa pagtatatag at pagmantine ng mga grupong paramilitar hindi lamang ang PNP kundi pati ang Armed Forces of the Philippines. PNP ang tututok sa pagmantine ng mga CVO, samantalang mantinido naman ng AFP ang Citizens Armed Forces Geographical Unit (Cafgu).

Idiniin sa EO 546 ang layunin sa pagmantine ng mga grupong paramilitar: para labanan ang insurhensiya, partikular ang New People’s Army.

Sa aktuwal, ayon kay Amirah Ali Lidasan, tagapagsalita ng grupong Moro na Suara Bangsamoro, ginagamit ng lokal na mga gobyerno ang mga paramilitar hindi lang para sa insurhensiya, kundi para rin sa proteksiyon ng mismong mga lokal na pulitikong nakaupo. Ginagamit din umano ito para protektahan ang mga pribado at multinasyunal na plantasyon at kompanyang nagmimina.

Itinuturo ng mga grupong pangkarapatang pantao si DILG Sec. Puno bilang siyang pangunahing tagapagtaguyod ng polisiya ng pagmantine ng mga grupong paramilitar. Noong panahon ng batas militar ng diktador na si Ferdinand Marcos, pinangunahan umano ni Puno ang pagtransporma sa mga barangay tanod upang maging katuwang na sundalo ng AFP.

Si Puno rin umano ang tagapanguna sa pagbubuo ng sikretong mga eskuwelahan para sa pagsasanay ng susing mga ahenteng paramilitar at mga “sundalong nakabase sa barangay.”

1 2

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=5155

Posted by on Nov 26 2009. Filed under Istorya ng Linggo, Lathalain. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Multimedia

Log in | Designed by Gabfire themes