Pinoy Weekly

Nora Aunor, makikipagtambal muli kina Cocoy, Pip at Boyet

Bongga ka, ‘Day Nora!

Alam ba ninyo na nagsisimula nang sumingasing muli ang natutulog na dragon sa katawan at kaluluwa ni Nora Aunor sa mga sandaling ito.

Pinoprograma na ni Nora ang kanyang buhay bago siya bumalik sa Pilipinas sa isang taon.

Oo, mga Noranians, babalik na si Aunor sa bansa pag hindi Marso ay Mayo ng 2010.

Ang deklarasyon na Marso ay galing kay Lito Sibunga, ang isa sa mga aktibong Noranian sa balat ng lupa at ang pahayag naman na Mayo ay mula kay Albert Sunga, ang pangulo ng Icon, ang on-line organization ng mga tagahanga ni La Aunor.

Bakit magkaiba ang iskedyul na ipinapangalandakan ng dalawang solidong Noranian?

May sigalot ba sa kanilang pagitan?

Mukhang hindi nag-uusap nang pormal at unipormado ang dalawang kampo ng mga tagatangkilik ni Guy.

***

Gayunman, hindi nagkakataliwas ang mga gagawin ni Nora sa kanyang career.

Nagsisimula nang maghanda ang aktres sa kanyang mga gagawing proyekto sa Amerika at una rito ang pakikipagtambal sa kanyang mga naging kapareha sa pelikula at TV show na sina Victor Laurel, Tirso Cruz III at Christopher de Leon.

“May concert si Mama Guy sa States, sa iba’t ibang key cities kasama ang kanyang mga dating leading man na sina Cocoy, Pip at Boyet. Nakahanda na ang lahat,” pahayag ni Sibunga.

At ito ay kumpirmado naman ni Albert dahil aalis nga siya sa ika-4 ng Nobyembre para makipagpulong sa mga kasangkot sa proyekto kabilang ang mga producer.

Aasikasuhin din naman ni Sunga ang distribusyon ng mga pelikula ng NV Productions tulad ng “Banaue,” “Tatlong Taong Walang Diyos” at “Bona.”

Ang DVD at CD version ng mga ito ay ipamamahagi na sa Estados Unidos ni Nora kaya naman makakaasa ang mga nagmamahal at humahanga sa kakayahan ng aktres sa pag-arte na mapapanood muli nila ang mga klasikong pelikula ng Superstar.

Ilalabas din sa Pilipinas ang mga pelikulang ito.

***

Ang isa pang inihahanda nina Guy at Albert ay ang iba pang pagtatanghal ng aktres at ang malaking concert na itatanghal sa Araneta Coliseum sa Hunyo.

“Ang balak talaga ay birthday concert pero ‘yon nga, sa June pa makakabalik si Nora,” pahayag ni Albert.

“Malaking concert ‘yon at pagbabalik ni Nora sa sirkulasyon sa Pilipinas,” sabi naman ni Sibunga.

Marami ring gagawing pelikula ang aktres at ang isa ay sa US pa niya gagawin, ang “Reclusion Perpetua” ni Lav Diaz.

Talagang ayaw paawat ni Lav sa kanyang mga higanteng plano para sa Superstar.

***

Samantala, magdiriwang si Vilma Santos ng kanyang kaarawan sa ika-3 ng Nobyembre at alam ba ninyong ang daming mga tarpaulin na nakasabit sa kahabaan ng mga kalye sa Batangas para batiin ang aktres sa kanyang ika-kung-ilang tagmais.

Pati na ang mga Vilmanians sa pangunguna ni Jojo Lim ay preparado sa kanilang pagsalubong at pagbati sa kanilang idolo.

Hindi titigil si Jojo para lalo pang umasenso ang buhay ng kanilang hinahangaan dahil ito ang koneksyon at karugtong ng kanilang mga buhay sa lipunang ito.

Kabilang sa ginawa ni Lim ay ang pamumudmod ng mga computer sets sa mga piling-piling elementaryang paaralan sa Batangas.

Marami nang mga Vilmanians na magaganda na ang buhay sa ibang bansa at nakakatulong na sa mga kapuspalad nating mga kababayan.

***

Gayunman, hindi talaga tinatanggap pa ni Santos ang mga alok sa kanya ng ibang mga pulitiko na maging bise-presidente nila.

Mas gusto ni Vi na maging lingkod bayan na lang muna siya ng mga Batangueño.

“Hindi papabayaan ni Ate Vi ang kanyang mga constituents sa Batangas. Mas gusto niya ang maglingkod lang muna sa mga kababayan niya. Ayaw niyang iwan ang kanyang mga kababayan. Patutunayan niya na marami pang mangyayari sa Batangas. Katulad ng pag-aasikaso sa Taal Lake na nangangamatay na ang mga isda at marumi na ang tubig. Nakakatakot talaga kaya uunahin ni Governor Vi ang proyektong ito,” pahayag ni Jojo.

***

Maraming kumukuha kay Santos na maging vice-president nila kabilang sina Gilbert Teodoro, Manny Villar at iba pa.

Pero hindi matitinag ang pasya ng Star for All Seasons kaya manigas silang lahat sa pagpapapayag sa kanya.

Nang ikasal nga sina Korina Sanchez at Mar Roxas kamakailan sa Santo Domingo Church sa Quezon Avenue ay marami ang naghanap kay Baby Vi pero nabigo silang lahat na makaniig ang aktres sa lebel na pulitikal at anyong pangungumbinsi.

Hindi papayag si Vilma na basta-basta na lang siya gagamitin.

Kasi nga ay nandoon si Ralph Recto sa kasalan pero wala siyang kapartner hindi tulad ng ibang mag-asawa na magkasama sa pagdalo sa kasal.

***

Napapag-usapan na rin lang ang kasalang Korina-Mar.

Alam ba ninyo na ito ay showbiz na showbiz na ang ibig sabihin ay makulay, matunggali, masalimuot, madrama at malalim na malawak dahil ang kasangkot dito ay ang uri na nagpapalakad sa takbo ng lipunang Filipino?

Naliligayahan kami kay Korina dahil nakapagpatali na siya ng puso, isang bagay na kanyang hinangad noon pa man nang magkakasama pa kami sa ABS-CBN.

Bilang babae, ang pangarap na makaharap sa dambana para sa pakikipag-isang dibdib ay isang kaganapan para kay Sanchez.

Ilan na nga ba ang naging kasintahan ni Koring mula noon bago sila magkakilala ni Senator Mar?

Isa ang kapatid ni Angelique Lazo na si Dr. Raymond Lazo sa naging katipan ni Korina.

Isang madulang kabanata ‘yon sa buhay ni Korina.

***

Samantala, nitong nakaraang Undas ay mabituin sa Lopez, Quezon na aming bayan.

Pauwi pa lang kami ng manunulat at propesor na si Joey Arrogante ay marami nang eksenang panshowbiz at tumambad sa amin.

Isa na rito ang pagsaksi sa malalaking billboard ni Angelica Jones na nakasabit sa mga istratehiyang lugar sa kahabaan ng Maharlika Highway sa mga bayan ng Alaminos at San Pablo City sa Lalawigan ng Laguna.

Ayon kay Angelica, pinapalitan na niya ang kanyang larawan sa tarpaulin dahil mukha siyang artista samantalang ang imahen na kanyang nais iparating sa madla ay ang kanyang pagiging pulitiko na.

***

Naglalakad naman sa may palengke ng Lopez Public Market ang batang aktres na si Desiree del Valle na parang hindi artista.

Nakapuyod lang ang kanyang buhok at namalengke siya ng mga gulay at bulaklak. Nakamurang luntiang blusa ang bituin at nakapaldang maong.

Hindi nga namin siya nakilala kundi lang may biglang tumawag sa isang lalaki na nando’n umano si del Valle sa tabi nila kaya nang sayurin nga namin siya ay siya nga pala ‘yon.

Kasama niya ang kanyang lola at isang sapantaha namin ay pinsang-buo niya.

***

Sa memorial park naman sa Lopez ay nakita namin ang art director at production designer na si Ching Danseco at ipinagmalaki niyang sa Lopez Municipal Cemetery kinunan ang ilang bahagi ng premyadong pelikulang “Biyaheng Lupa” ng bagong direktor at scriptwriter pa rin na si Armando Lao, kilala rin sa tawag na Bing Lao.

Ang eksena ani Ching na kinunan sa kamposanto ay ang pagbaba ni Marco Guevarra sa bus na kinalulunanan din nina Eugene Domingo, Jaclyn Jose, Julio Diaz, Coco Martin, Mercedes Cabral, Ben Evardone, Jose “Peping” Almojuela, Andoy Ranay, Archie Adamos at marami pang iba.

Pipi ang papel na ginagampanan ni Marco at kailangan niyang magmuni-muni sa puntod ng isa sa kanyang mga mahal na buhay.

“Ang ganda ng shot ni Direk,” papuri ni Danseco.

Kaya naman nanalo ito ng Grand Jury Prize sa nakaraang 11th Cinemanila International Film Festival kamakailan.

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=4833

Posted by on Nov 3 2009. Filed under Showbiz. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Multimedia

Log in | Designed by Gabfire themes