Pinoy Weekly

Ang pambababae ni Pacquiao at ang pamamakla ni Mon Confiado

Maugong na maugong pa rin ang pakikipagromansa ni Manny Pacquiao kay Krista Ranillo kahit wala namang lumulutang na pag-amin mula sa kanila mismong sangkot sa isyu.

Kay Jinkee Pacquiao lang na mga pahayag mahihinuhang may namuo ngang relasyon sina Manny at Krista at dahil bakit magpapatawad si Jinkee sa mga taong nagkasala sa kanya at natatakot siya sa reaksyon ng kanyang mga anak sa usapin lalo na pag nagtatanong ang kanyang mga lalaking anak tungkol sa balitang naririnig at nakikita nila sa media kaugnay ng pag-iibigan ng kanilang ama at ni Ranillo.

Bagamat ang lalaking Pacquiao ay nagsasabing kalimutan na ang ulat na nag-aangkas sa kanya sa pag-ibig sa anak nina Mat Ranillo III at Lynda Tupaz, hindi basta naiwawaglit ang bangungot na ito ng sambayanang Filipino.

Pangkalahatan ang sentimiyento ng bansa sa naganap o nagaganap na pagmamahalang kontra tradisyon nina Manny at Krista dahil idolo ng masa ang Pambansang Kamao at ang pagtanggap sa ganitong pangangaliwa ay maselang balitaktakan o kailangang gawing talakayan.

***

Gayunman, marahil ay piyudad pa rin ang kaisipan ng mga tao kaugnay sa pangyayaring ito at sasabihing lalaki naman si Manny, walang mawawala pag nambababae at ang kontrabida ay si Krista na babae at lumalabas na siya ay makasalanan, kailangang batuhin na tulad ni Magdalena.

Paano nga ba ito tatratuhin sa isang lipunang konserbatibo o kaya naman ay ipinagkikibit-balikat lang ito ng balana dahil artista naman ang kasangkot at ang mga artista o showbiz ay pinagtatawanan lang at hindi siniseryoso na mali na namang pala-palagay dahil mamamayan din ng Pilipinas ang mga taga-showbiz at nasasakop din ito ng maraming puwersa sa lipunan kaya kailangang pag-aralan ang implikasyon nito sa sambayanan?

Ang isa sa mga punto ng diskusyong ito ay ang pagiging tapat ng mga pigurang pampubliko dahil pag-aari nga sila ng madla.

Ang inaasahan lang ay ang pagiging matapat ni Pacquiao sa milyun-milyon o bilyun-bilyon niyang tagasubaybay hindi lang dito sa atin kundi sa ibayong-dagat din.

***

Kandidato pa naman siya sa kanilang lalawigan sa Sarangani bilang kongresista at paano na ang isyu ng katapatan sa serbisyo at sa maraming sangay nito kung dito lang sa pag-iibigan nila ni Krista ay hindi niya maamin?

Ang nakapagtataka ay bakit mas matapang pa si Tiger Woods, isa ring atleta na tulad ni Manny na aminin sa publiko na siya ay nangalunya at napabayaan niya ang kanyang mga anak at ngayon ay nagsisisi sa kanyang ginawa.

Bakit hindi kaya ito maisapubliko ni Pacquiao samantalang ang kanyang mga laro at laban sa boksing ay alam ng lahat?

Paghihiwalay ng pribado sa publiko?

May gano’n ba?

Sa postmodernismong panahon at paligid, wala na nga yatang pribado at wala na nga yatang publiko dahil wala nang naghahati sa dalawang mundong ito.

Nanghuhula pa ang marami at naghihintay ng mga ebidensiyang tunay na may pagsasalo at paglalalo ng apoy sina Krista at Manny kahit hindi naman kailangan ng isang henyo para matuklasang may namamagitan o may namagitan nga sa dalawa.

***

Hindi nga ba’t matapang ang tingin natin kay Pacquiao dahil napapadapa niya ang kanyang mga kalaban sa ibabaw ng lona pero bakit sa pakikipagrelasyon lang sa babae ay hindi niya maamin ang katotohanan at pulos pahapyaw lang?

Si Woods ay lumalaban sa kanyang mga katunggali sa golf na bagamat kasosyalan at umiiwas lagi sa kagaspangan ay isa ring pingkian at palakasan pero mas matapang siya sa pag-amin ng totoo.

Bagamat iba ang kultura ng Amerika dahil abante na itong bansa, ang kahulugan ng katapatan at ang kultura nito ay halos pareho rin.

Si Krista nga nang dumating mula sa Estados Unidos ay binantayan ng mga peryodista, pampelikula man o hindi, sa Ninoy Aquino International Airport pero nakalusot siya, nakaiwas sa iba’t ibang midya.

Umuwi ngang luhaan ang mga manunulat para lang may makuhang impormasyon mula sa aktres.

***

Ang isa pang nakakapagtaka sa kasong ito ay ang paggamit ng mga pang-uri sa pagkatao at pagkapropesyunal ni Krista.

Sa hanay ng mga manunulat, sa Ingles man o sa bernakular, ang ikinakabit kay Ranillo ay sexy starlet at sa kamalayan at kulturang Filipino, ang masabihan ang isang artista o bituin na starlet ay masakit dahil maliit na bituin lang ang tingin sa kanya.

Gusto ng mas maraming artista na star ang tawag sa kanila para sosyal at malaki ang pagpapahalaga.

O, di ba, atrasado pa rin ang pananaw ng karamihan sa kanila?

Ang nais lang naming sabihin ay ang pagpapakatotoo o pagsasabi nang totoo sa publiko ng mga taong kasangkot sa isyung ito para gayahin ang katuturan at katapatan at tanggapin ang kaparusahan nang wagas sa puso at nang sa pagsusog sa pagbabago ay makamtan.

***

Isa pa itong pamamakla ni Mon Confiado.

Gaano ba kapuro at katapat si Mon sa mundo ng bakla?

O sinuman na may nakasalamuhang bakla?

Mas gusto nating nakakakita o nakakarinig ng mga bakla pero ayaw nating maging isa sa mga iaanak ng mga kaanak natin ay bakla.

E, ano naman kung bakla?

Marami ang nagsasabi sa mga magulang na wala silang pakialam kung ang ianak man nila ay bakla pero pag nasa kasagsagan na ng buhay ay ayaw na ayaw nilang magkakaroon ng kadugong bakla.

O kaya naman ay mas gusto nilang sa ibang pamilya na lang magkabakla pero pag nandoon na sa kanilang angkan ang miyembrong bakla ay pananaigin na lang ang may malay na pagtanggap kuno-kuno at hindi taos sa pusong pagyakap sa kabaklaan.

Inuunawa na lang na nand’yan na ang kabaklaan kaya walang magagawa.

***

Bakit hindi naisin na magkaanak talaga ng bakla?

Siyempre’y nakakatawa na ito at lagpas na sa katinuan ng sinuman na gustong makapagpatakbo ng damdamin at kaisipan ng kabaklaan.

Pero bakit naman hindi natin pagbigyan ang pagnanais na ang isang pag-asawahan ay mabiyayaan ng supling na bakla tulad rin ng pagnanais ng magkasintahan pa lang na sila’y magkaanak ng babae o lalaki?

Isang nakakaaliw at nakakabaliw na talakayan ang paksang ito na maaaring makapagbigay ng kanyang mga kuntil-butil si Confiado dahil lantad na lantad siya sa mga kabaklaan mula nang maging kaibigan niya ang mga ito sa showbiz.

Ngayon ay gumaganap naman siyang isang baklang nagdadalamit na talaga ng pambabae sa pelikulang “Pilantik” ng LCP Productions.

‘Yon nga lang, pumapatay siya dahil paghihiganti ito sa mga taong lumapastangan sa kanya nang siya’y paslit pang kumikendeng-kendeng at pumipilantik ang mga daliri sa kabaklaan.

***

Para kay Mon ay walang masama sa bakla dahil sa sarili niya, wala pa naman siyang anak na bakla o mga banta na siya ay magkakaanak ng bakla.

Sa isang hipotetikal na pangungusap, siyempre’y sasabihin niya o kaya’y pag tunay na silang nagkaasawa ni Ynez Veneracion na walang problema kung bakla ang maging anak nila.

Pero sa kasuluk-sulukan ng mga utak nila, hanggat maaari ay hindi bakla ang maging anak nila dahil alam naman nila kung paano tratuhin pa rin ang bakla sa lipunang ito.

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=5460

Posted by on Dec 15 2009. Filed under Showbiz. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Multimedia

Log in | Designed by Gabfire themes