Apl.de.ap ng Black Eyed Peas, ikinakampanya ang wikang Filipino sa kanilang musika
Ang musika ay hindi lang melodya.
Hindi lang ito himig.
Hindi lang ito liriko.
Ito ay wika rin.
At ang wika ay isinasaalang-alang na kapangyarihan.
Ang wika ay nagdidikta kung ano at sino ang dapat mangibabaw.
Kaya dahil ang wikang Ingles ay isang wika na isa sa mga pangunahing dila sa buong mundo, inaari itong kapangyarihan sa maraming larangan kabilang ang negosyo.
At ang musika, bukod sa pagiging sining nito ay negosyo rin.
Ang musika ay gumagalugad sa maraming lugar sa buong daigdig at ang wikang Ingles ay nanunuot din sa maraming lunan kaya ang pagsasanib ng musika sa wikang Ingles ay isang pangingibabaw na kapangyarihan.
***
Anumang genre sa musika ay kinapapalooban ng wika at ang hip hop o rap o rock bilang mga klase ng musika ay umaangkla sa wika lalo na sa Ingles at dahil maraming nagsasalita ng Ingles lalo na sa pinagmulan ng hip hop o rap na mga ghetto at mga egoy o negrong panlugar sa Estados Unidos, mas kinasanayan at tinatanggap ang wika ng hari—ang Ingles—sa uri ng musikang ito.
Hindi nahihiwalay ang Black Eyed Peas sa humahapay o sumasandig sa wikang Ingles para sa mga kanta nito dahil maraming gumagamit ng Ingles na nakakaintindi at nagkakagusto sa hip hop o rap o rock.
Sa hegemoniya ng rap o hip hop sa negosyo ng musika, ang tagatangkilik o merkado ay mga Inglesero o Inglesera anuman ang punto ng Ingles ng mga ito kaya nakikiagos at umaagos sila sa kapangyarihan ng wikang ito.
Kaya kahit puwede ring ikanta ang rap o hip hop sa Tagalog o Filipino o sa Tsino o sa Latino at Espanyol at iba pang wika, Ingles muna ang inuunang lagusang-wika ng musikang ito.
***
Nang kunin ng Black Eyed Peas si Apl.de.ap o si Allan Pineda, isang Filipino, isang Film-Am na nanggaling sa Pampanga, sa Ingles kinakanta ang mga rap at hip hop music ng banda at kailangang sumunod si Apl.de.ap sa rikotitos na ito.
Pero naghatol siya ng kanyang pasya — kailangang maisingit niya ang wikang Tagalog sa kanyang musika kahit pagsaluhan pa ng iba pang kasapi ng Black Eyed Peas.
At pinagbigyan naman siya pero hanggang doon na lang muna ‘yon dahil hanggang ngayon ay mas marami ang porsyento ng wikang Ingles sa rap at hip hop music.
“I see to it that I make Tagalog music or inject Tagalog in our songs,” pahayag ni Apl sa isang eksklusibong interbyu sa kanya bago magsimula ang “Emerge” contest ng MTV Philippines sa Music Hall ng Mall of Asia kamakailan.
Kaya palakpakan nating lahat si Allan sa kanyang kakulitan sa kanyang mga kasamahang Kano o Kanluranin na Ingles ang dilang nagsasalita.
***
Sa kanyang “The Apl Song” para sa album na “Elepunk,” nakaiskor si Allan ng Tagalog.
At sa kasunod pang record album ng Black Eyed Peas, sa “Monkey Business,” ang kantang “Bebot” na ang inarangkada ni Apl para mailagos ang wikang Filipino.
Hindi talaga titigil si Apl dahil sa ikalimang studio album nila, may Tagalog o Filipino song na naman siyang ipangangalandakan, ang “Mare” para sa “The E.N.D.” album.
“I would like Filipino talents to express out culture through music,” sabi pa ni Allan sa panayam.
At ito ang bisyon at misyon ni Apl sa kanyang buhay-musikero.
Kaya nga ngayon ay nakikipagkolaborasyon pa sa isa pang Fil-Am, isa na namang Filipinong naglalako at nagtatagyod sa kulturang Filipino sa gitna ng pingkian ng mga kultura sa pandaigdigang eksena sa musika.
May isang miyembro ng bandang The Neptunes, Chad Hugo ang pangalan at ngayon ay nakikipagnegosasyon si Apl sa kanya para mailahok at mailangkap ang mga katutubong musikang Filipino at instrumento at diwa nito sa lalabas pang album ng The Neptunes at Illmind ng G-Unit.
May ilalabas na ring solo album si Allan kaya abangan.
***
Hindi biru-biro ang ginagawang pangungumbinsi si Pineda na maisaksak ang wikang Filipino sa istriktong pagbibida at pangingibabaw ng wikang Ingles sa musika.
Ito marahil ang nais at gustong mangyari ni Freddie Aguilar nang tarayan niya sina Charice Pempengco at Gary Valenciano na gumamit naman ang mga ito ng wikang Filipino sa kanilang pagkanta o ipaglaban ang pagsisingit ng Tagalog sa kanilang kanta.
Pero hindi nga gano’n kadali ang pagbibigay ng naghaharing wika sa mundo.
Dahan-dahang pagbabago, ‘ika nga.
‘Yan marahil ang paniniwala ni Apl kaya gusto siya ni Ka Freddie.
Para rin makayakap ng mas malawak pang kapangyarihan sa musika si Apl ay nagtayo na siya ng malawak din ang nasasakop na kapangyarihan, ang Jeepney Music, isang kumpanya ng musika kung saan nagbibigay ng propesyunal na serbisyo ang tanggapan sa mga karapat-dapat na magkamit nito.
Alam ba ninyo na may pitong bandang inilunsad ang MTV Philippines bilang bahagi ng “Emerge”?
At ang pitong ito ay ikinontrata na ni Apl para sa kanyang kumpanya.
Gayunman, may isang dapat piliin na pangunahin sa kanila.
Ang pito ay ang DRP, Soul Brothers, The Pin-Up Girls, Urbanation, Faircatch, Mid Nasty at The TBG (The Band Glenn).
Umupo si Apl kasama sina Karylle, Rico Blanco, Georgette Tengco at Sari Trisulo ng MTV para hirangin ang Faircatch na pinakamagaling.
Ayon kay Apl, namumukod-tangi ang Faircatch sa lahat dahil iba ang musikang eksperimental nito.
Pero hinimas din niya ang iba pang anim. “The seven winners really are what we were looking for. Their unique talents very well characterize what MTV Emerge is about—homegrown talents trying to reach out to the world through music while at the same time proudly representing our country,” pahayag ni Apl.
***
Sosyo-sibiko ang batayan ng adhika ni Allan sa pagtulong at alam ba ninyong siya rin ang magtuturo sa mga indibidwal na kasapi ng bawat banda bukod pa sa kolektibong pagsuporta sa mga ito?
May Apl Foundation na rin ang itim na manganganta para tumulong sa mga naghihikahos at kabataan sa Pilipinas at sa Asya.
At parang hindi nauubusan ng lakas at sigla si Apl sa kanyang bawat kilos araw-araw.
Nang Biyernes na hapong ‘yon, parang wala siyang kapaguran at tuwang-tuwa siya sa mga ipinamalas na galing at orihinalidad ng mga kalahok.
Ang akala nga namin ay ang DRP ang mananalo dahil hindi mapigil ang pagtawa at pagkamangha nila ni Karylle sa kakayahan ng mga ito sa pagtatanghal.
Pero siyempre’y kailangan ang deliberasyon ng mga kasapi sa hurado kaya may malayang pagpili ang bawat isa na ikinunsulta sa kapwa hukom.
Kasarinlan ang hangad si Apl.
Mababanaagan din niya ang pangingibabaw ng Tagalog o Filipino sa pandaigdigang musika ng Black Eyed Peas o ng anuman o alinmang mang-aawit, grupo man o solo sa hinaharap batay sa mga ipinunla niyang adhika.
Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=5275













