Masamang pangitain
Sa Disyembre 1 pa magdedeklara ng kanyang planong pampulitika si Pangulong Arroyo, ayon sa kanyang abugado. Kasing-gasgas na marahil ng landas na nilikha ng pagparoo’t pagparito ni Mrs. Arroyo sa Pampanga ang balitang tatakbo siya sa pagkakinatawan ng ikalawang distrito ng naturang probinsiya. Ipinagkibit-balikat, kundi man tahasang pinagtawanan, lamang ito ng kanyang mga kritiko. Mukha ngang katawa-tawa, lalo na’t ang dahilang ipinamamarali ng Palasyo ay gusto pa umanong maglingkod ng pangulo.
Pero alam naman ng mamamayan ang tunay na dahilan: manatiling nasa estado poder, para makaligtas sa sandamukal na kasong haharapin si Mrs. Arroyo kung sakaling mawala na sa puwesto.
Pero hindi pa rito natatapos ang masamang biro.
Pinalutang naman kamakailan ng isang kongresistang kaalyado ni Mrs. Arroyo na maaari itong tumakbo bilang bise-presidente ni Gilbert Teodoro. Sa kabila kasi ng ipinagmamalaking pinagsanib na lakas ng Lakas-Kampi-CMD, walang sinuman sa administrasyon ang pumayag na makatambal ni Teodoro. Sa isang banda’y dapat magpasalamat ang administrasyon kay Edu Manzano sa pagpayag niyang tumakbo bilang pangalawang pangulo. Kabawasan din iyon sa puwedeng gamiting mga paraan ni Arroyo para makapanatili sa puwesto.
Tuso ang layunin ng pinalulutang na pagtakbo ni Pangulong Arroyo, sa Kongreso man o sa pagkapangalawang pangulo: tiyaking may hawak pa rin siya sa susunod na administrasyon.
Maaari siyang maging Prime Minister kung manalong konggresista. Hindi ito malayo kung magiging Ispiker siya ng Kamara, na dominado ng kanyang mga alyado. Dapat tandaang si Arroyo ang pinakamasugid na tagapagsulong ng charter change. Sa pagkabise-presidente naman, maaari niyang maniobrahin ang pagbibitiw ng mananalong Pangulo para siya ang pumalit dito.
Parang kinumpirma naman ito ni Atty. Romulo Macalintal, abugado ng Lakas-Kampi-CMD, nang sabihin nitong mas angkop na tumakbo sa Kongreso si Pangulong Arroyo, dahil kapantay na sangay umano ito ng gobyerno. Aniya, mas makapangyarihan ang Ispiker ng Kamara kaysa sa bise presidente.
Nakakatakot ang mga palipad-hanging ito ng administrasyon. Bagamat marami ang diskuntento – at talaga namang isinusuka ng taumbayan, si Pangulong Arroyo, anumang tangkang maghanap siya ng puwesto sa gobyerno sa eleksiyong 2010 ay isang napakasamang pangitain. Maaaring hindi na siya iboto ng mga tao, pero hindi dapat kalimutan na nailuklok siya sa pagkapangulo dahil sa pandaraya. Hello, Garci?
Bukod sa pandaraya, marami pang anomalyang kinasangkutan ang Pangulo at kanyang pamilya: korupsiyon, ekstra-hudisyal na pamamaslang, panggigipit sa kanyang mga kritiko, maluluhong biyahe, pagbebenta ng pambansang patrimonya, at marami pang iba. Ang mga ito pa lamang ay sapat nang dahilan para huwag siyang payagang makabalik sa kapangyarihan at takasan ang kanyang krimen sa mga mamamayan.
Kaya napakainsensitibo para sa administrasyon na magbitiw ng mga pahayag ng pagtakbo ni Pangulong Arroyo. Na para bang hindi nila alam na hindi mananalo, sa anumang antas ng gobyerno ang pangulo. Kunsabagay, ang pagiging insensitibo ang dahilan ng pagtagal niya sa puwesto. Pero gaano man kamanhid ang pangulo sa tunay na sentimyento ng mamamayan, tiyak na mararamdaman niya ang pagbigo ng taumbayan anuman ang pla no niya sa 2010 – at pagkatapos nito ay ang paniningil sa kanyang mga utang.
Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=5204













