Uncategorized

Ang problema kay Freddie Aguilar


Masyadong masalimuot ang kinasadlakang buhay ni Jason Ivler, anak ng mang-aawit at manunulat ng libro na si Marlene Aguilar na kapatid ni Freddie Aguilar. Si Jason ang pangunahing suspek sa pagpatay kay Renato Victor Ebarle, Jr., anak ng isa sa mga opisyal ng Malacañang na si Renator Victor Ebarle, Sr. nang dahil sa gitgitan sa […]

Masyadong masalimuot ang kinasadlakang buhay ni Jason Ivler, anak ng mang-aawit at manunulat ng libro na si Marlene Aguilar na kapatid ni Freddie Aguilar.

Si Jason ang pangunahing suspek sa pagpatay kay Renato Victor Ebarle, Jr., anak ng isa sa mga opisyal ng Malacañang na si Renator Victor Ebarle, Sr. nang dahil sa gitgitan sa trapiko.

Kamakailan ay nasakote ng special force ng National Bureau of Investigation si Jason sa bahay ni Marlene sa Blue Ridge sa Lunsod ng Quezon.

Masyadong marahas at madugo ang bakbakan at barilan sa pagitan ni Ivler at ng mga awtoridad ng NBI.

Siyempre’y kasunod nito ay ang mga pahayag at mga imbestigasyon sa mga taong kasangkot at nasa paligid ng mga kaganapan kabilang kay Freddie.

***

Siyempre’y malaking istorya ang kuwentong ito hindi lang sa intensidad ng mga pangyayari kundi sa laki ng mga pangalan at kapangyarihan sa lipunan ng mga taong kasangkot sa insidente.

Inakusahan ng NBI si Marlene ng obstruction of justice.

Ang mga Ebarle ay nagpapahayag ng kanilang mga saloobin sa isyu.

Hindi lang ito isang police story kundi ang larangan ng showbiz ay konektado rin dito.

Una, ang buhay ay showbiz at ang showbiz ay buhay sa lipunang ito kaya bakit hindi tatalakayin ang paksa, ang pagkakataon at mga taong katatas-pulong dito?

Maraming aral at katotohanan ng buhay na kaugnay sa kaganapang ito kaya interest ng publiko ang nakataya rito.

Singer at book author si Marlene kaya siya ay nakapaloob sa kultura samantalang ang pangunahing pinaghihinalaan ay nag-showbiz mismo, si Jason Ivler.

Naging recording star pala si Ivler ng Viva Records at naging bituin sa telebisyon kaya mula ulo hanggang paa isama na ang iba pang mga bahagi ng katawan, showbiz na showbiz si Jason.

At ang kanyang tiyo at mga pinsang-buo ay mamamayan hindi lang ng bansa kundi ng bahagi ng bansa na showbiz.

***

Para sa interest ng paghahanap ng impormasyon na makakatulong sa paglutas ng kaso, makakasagot sa mga katanungan at makapagpapaliwanag sa mga katotohanan ng buhay, ang pahayag ni Freddie ay mahalaga.

Kaya pinagpursigihan naming makuha ang kanyang pahayag kaugnay sa isyung ito.

Lunes pa, ika-18 ng Enero, 2010 ay nagyaya na sa akin ang peryodistang pampelikula na si Dennis Adobas, na puntahan namin si Ka Freddie sa kanyang Ka Freddie’s Bar sa panulukan ng Adriatico Street at Pedro Gil sa Malate, Maynila.

Pero hindi ako pumuwede dahil maraming trabaho at miting kaya nga umaga na rin ako nakarating ng bahay sa malayo kong inuuwian na San Pedro, Laguna.

Kinabukasan ay itinakda ko ang aking sarili na hanapin at makausap si Freddie.

Pagkatapos ng aking pulong sa kontrobersyal na direktor na si Jowee Morel (“Mga Paru-Parong Rosas (Pink Butterflies)),” “Moma,” “Ez2luv,” “Mona Singapore Escort,” “When A Gay Man Loves,” “HiStory,” “Latak” at “Strictly Confidential”) ay naglakad kami at napadpad sa Ka Freddie’s Bar ni Aguilar.

***

Sa labas ng establisimiyento ay nakita ko na parang kararating lang ang mga peryodistang pampelikulang sina Anthony Solis at Cielo.

Pagkaraan ng isang saglit ay lumabas sa pinto ng pinakaentrada ng lugar si Raymund Vargas.

Patungo sina Anthony, Cielo at Raymund sa katabing tarangkahan ng Ka Freddie’s Bar sa tagiliran nito pero hindi pa kami nakakapasok ni Jowee sa loob ng pinakapinto ay sumunod na sa amin sina Anthony at Cielo.

Nasa lobby na kami at tinanong ko ang receptionist kung nasaan si Freddie.

Anito’y nasa loob ng bar, malungkot at naninimdim sa mga pangyayari.

Ang sabi niya’y hindi niya alam kung magpapainterbyu ang folk singer.

Ang sabi namin ay papasok na kami at magsi-say hello.

Kasunod ko sa pagpasok sina Morel, Solis at Cielo.

Binati ko si Freddie na ang mga sandaling ‘yon ay kaharap ang kanyang batambatang kasintahang babae. Ipinakilala ko si Jowee kay Aguilar gayundin si Cielo. Gayunman, si Solis ay kilala na ni Freddie.

Umupo sa isang kahiwalay na mesa sina Cielo at Anthony samantalang nagpaalam na si Jowee pagkatapos makipagkamay kay Freddie dahil tatagpuin pa niya ang kanyang kapatid na babaing flight stewardess na nagbabakasyon sa Pilipinas. Sumunod naman ako kina Cielo at Anthony na kauupo lang at ako naman ay nakatayo lang.

Inabutan ng isang waitress sina Anthony at Cielo ng menu guide para pumili ng oorderin. Gayunman, hindi sigurado si Solis kung may bayad ang order kaya hindi agad siya kumilos.

***

Kailangan ko namang kausapin si Freddie para may istorya ako. Kaya nagsimula na akong lumapit sa kanya. Ang unang bati ko sa kanya ay ang kanyang pananalo sa South Korea dahil ito ang isa sa mga itatanong sana ni Dennis sa kanya kung natuloy kami noong Lunes. Ayon kay Aguilar, tapos na noong isang taon pa ang parangal.

Pagkatapos ay tinanong ko siya kung ano ang nangyayari sa kaso ni Ivler.

Ang sabi niya ay wala pa siyang inihandang opisyal na statement kaugnay sa pangyayari pero sinabi niyang sinabi sa kanya ni Jason na wala naman siyang kinalaman sa kaso.

Sinabi pa ni Ka Freddie na sinabihan na niya si Marlene noon pa na isuko na si Jason.

Kaya ayan anya at ito ang nangyari.

Masyado kasing naging matindit ang pagkakataon at eksena sa pagsalakay ng NBI sa bahay ni Marlene Aguilar-Pollard.

Sinisi ni Freddie si Marlene sa hindi agad pagsusuko sa kanyang anak sa mga alagad ng batas.

***

Itinanong ko rin kung malapit ba siya kay Jason at sinabi niyang hindi naman malapit na malapit at hindi rin naman malayung-malayo. Natagalan anya sa Amerika si Jason dahil nagsundalo rin ito sa Iraq. Panganay na anak si Ivler sa patay nang asawa ni Marlene. May mga kapatid sa ina si Jason, si Kolby na anak ni Marlene sa isang nagngangalang David at si Maya na anak ng manunulat kay Stephen Pollard na economist sa Asian Development Bank.

Nang matapos ang usapan namin ay nagpunta na ako sa internet shop at nagsulat ng istorya.

Lumabas sa ABS-CBN news on line ang istorya at lutang na lutang ang pagkakalatag nito sa iskrin at ang dulo nito ay maraming pumik-ap na mga news organization—broadsheets, tabloids, webcasts, radyo, telebisyon at iba pang midyum.

Dahil wala ngang ibinibigay na opisyal na pahayag si Freddie kaya bukal ng impormasyon ang kuwento ko.

Halos lahat sila sa media ay nais makuha ang sasabihin ni Ka Freddie.

Heto na ang siste.

Hindi ko alam kung ano ang nagbunsod kay Freddie na tawagan at murahin ako.

Wala naman anya siyang sinasabi na nakausap niya si Jason. Na sino raw ba ako para bigyan niya ng statement. Na hindi raw showbiz ito. Na hindi man lang anya ako humingi ng pasabi sa kanya kung puwedeng isulat ang kanyang mga sinabi.

Pinabayaan ko lang siyang maglitanya at manaka-naka akong nagsasalita.

Ang sabi ko sa kanya ay pumasok ako sa kanyang lugar bilang peryodista.

Dahil pag nakakausap ko naman siya kahit anong isyu ay nagsasabi siya ng “off the record” pag hindi puwedeng ipahayag ang kanyang sinasabi pero sa pagkakataong ito ay wala naman siyang sinabing “off the record.”

At bakit siya magmumura kahit na sabihing emosyunal siya ng mga panahong ‘yon?

Pagkatapos na murahin niya ako ay nag-imbita naman siya sa akin na dumalo ako kung may panahon ako sa kanyang paglulunsad ng CD ng “Maguindanao” sa kanyang Ka Freddie’s Bar kinabukasan ng gabi.

Ewan ko kung anong klase siya.