Istorya ng Linggo

Dalawampung panandang-bato sa bagong milenyo


Mga kaganapang pulitikal sa bansa noong nakaraang sampung taon na naging hudyat ng pag-igting ng paglaban ng mga mamamayan para sa makabuluhang pagbabago sa lipunang Pilipino sa bagong milyeno.

Taong 2000 hanggang 2009: Isang taong paglaban kay Estrada, siyam na taong paglaban kay Arroyo.
Taong 2000 hanggang 2009: Isang taong paglaban kay Estrada, siyam na taong paglaban kay Arroyo.

May mga nagsasabing hindi pa naman daw tapos ang dekada. Sa taong 2011 pa. Pero sampung taon na mula noong nagbilang tayo ng sandali sa pagpasok ng bagong milyeno. Sampung taon mula nang salubungin natin ang taong 2000 na puno ng pag-asa at pag-aasam sa hinaharap.

Sa loob ng dekadang ito, di mabilang na kaganapan ang yumanig sa ating kalagayan, sa kinamumuhiang namamayaning kaayusan, sa ating pagkabansa. Ibayong gutom, pagsasamantala, karahasan ang naranasan ng dati nang aping sambayanan. Pero ibayong paglaban, pagpupumiglas, pakikitunggali naman ang isinagot natin.

Ipinakita ng unang dekada ng bagong milenyo na hindi pa nawawalan ng pag-asa ang sambayanang Pilipino sa kabila ng kalagayan nito. May iba’t ibang signos na may malaking pagbabagong magaganap sa hinaharap. Hindi man ito sa susunod na taon, o kahit sa susunod na dekada, narararamdaman na natin ang pagbabago. Napasisimulan na natin ang pagbangon. Natatanaw na natin ang bukas.

Inihanay ng istap ng Pinoy Weekly ang dalawampung pinaka-malalaking kaganapan ngayong huling sampung taon ng bagong milenyo. Pinili namin ang 20 sang-ayon sa impact ng kaganapang ito sa pakikibaka ng mga mamamayan para sa ganap na pagbabago sa bagong milenyo. Ang lista ay ayon sa pagkakasunud-sunod ng mga pangyayari.

***

Impeachment Trial ni Joseph Estrada at Edsa Dos (2000-2001)

Edsa Dos, Enero 20, 2001
Edsa Dos, Enero 20, 2001 (Boy Bagwis / PW File Photo)

Ito ang pinaka-kongkretong patunay ng kapangyarihan ng sama-samang pagkilos sa lansangan: Isang popular na pangulo ang napatalsik sa puwesto dahil sa lantad na pangungurakot at panunuhol. Magmula nang idaos ang impeachment trial ni Pang. Joseph Estrada noong huling kuwarto ng 2000, hindi tinantanan ng protesta ang pangulo. Naging pagkakataon din ito para masilip ng publiko ang mga pamamaraang tila institusyonalisado na sa burukrasya ng Estado: ang panunuhol, aregluhan, pagtulak ng ilegal at nakapanliligalig na bisyo, at pangungurakot.

Madaling napagkaisa ang panggitnang uri, simbahang Katoliko at ang tradisyunal na oposisyon. Pero pinakamalapad pa rin ang hanay ng militanteng kilusang masa, laluna ng mga manggagawa at kabataang lumabas sa kanilang mga pagawaan at pamantasan para tumungo sa kalsada. At sa loob ng limang araw ng walang tigil na buhos ng mga mamamayan sa harap ng Edsa Shrine noong Enero 2001, napuwersa si Estrada na umalis sa Palasyo.

May mga nagsasabing malaking pagkakamali ang Edsa Dos kung isasaalang-alang ang naging rekord ng pumalit kay Estrada na si Gloria Arroyo. Pero may makakasiguro bang hindi mangyayari ang pandarahas, pandaraya at korupsiyon kung ibang presidente ang pumalit? Sa kasalukuyang sistemang mistulang natural na nangyayari ang mga ito?

Pampulitikang pamamaslang, pagdukot at malawakang paglabag sa karapatang pantao (2001 – kasalukuyan)

Hustisya para sa mga pinaslang, dinukot at inabuso magmula 2001: Di pa rin nakakamit. (Ilang-Ilang Quijano / PW File Photo)
Hustisya para sa mga pinaslang, dinukot at inabuso magmula 2001: Di pa rin nakakamit. (Ilang-Ilang Quijano / PW File Photo)

Mula nang tumuntong si Gloria Arroyo sa Malakanyang hanggang sa kasalukuyan, hindi nawala ang pamamaslang sa hanay ng mga aktibista at pinaghihinalaang sumisimpatya sa Kaliwa. Nang maluklok si Arroyo noong 2001, hindi na siya nag-aksaya ng panahon na magbuo ng brutal na programang kontra-insurhensiya laban sa Kaliwa, legal o rebolusyonaryo. Taong  2001 mismo, sa pangunguna ng mga utak-pulbura sa Armed Forces of the Philippines, nabuo ang Operation Plan (Oplan) Bantay Laya. Layunin ng plano na pahinain ang rebolusyonaryong kilusan ng National Democratic Front sa pamamagitan ng pagdurog sa binabansagan ng gobyerno na “legal na prente” nito: ang legal na Kaliwa.

Nitong nakaraang Human Rights Day (Disyembre 10, 2009), binansagan ng alyansang pangkarapatang pantao na Karapatan ang Oplan Bantay Laya bilang “pinakamadugo at brutal na kampanya laban sa sambayanang Pilipino.” Hindi sila nagkakamali: Mula 2001 hanggang Oktubre 31, 2009, umabot sa 1,118 ang napapaslang at 204 ang nadukot at nawawala pa rin. Marami pa ang nilabag ang karapatang pantao. Pinakamalupit na mga taon ang 2005 at 2006, nang bigwasan nang mapulit ng gobyernong Arroyo ang lumalabang militanteng oposisyon sa gitna ng kabi-kabilang eskandalong kinasangkutan ni Arroyo.

Tagumpay ng Bayan Muna noong 2001, at iba pang progresibong mga party-list noong 2004 at 2007

Itinuturing na makasaysayang ang tagumpay ng Bayan Muna Party-list noong 2001 at iba pang progresibong party-list noong 2004 at 2007. (Arkibong Bayan / PW File Photo)
Itinuturing na makasaysayang ang tagumpay ng Bayan Muna Party-list noong 2001 at iba pang progresibong party-list noong 2004 at 2007. (Arkibong Bayan / PW File Photo)

Isa sa piling progresibong mga probisyon sa 1987 Konstitusyon ang paglaan ng Kongreso ng mga kinatawan para sa tinaguriang “disenfranchised” at “underrepresented” na mga sektor sa lipunang Pilipino. Taong 1998 lamang ganap na naipatupad ang batas sa Party-list System, at 2001 lamang nang lahukan ng mga militante, nang itatag ang Bayan Muna Party-list. Topnotcher ang Bayan Muna sa halalang 2001 at 2004, at nakapagpaupo ng tatlong mga kinatawan, maging sa 2007.

Sa loob ng Kamara, naging pangunahing boses ng paglaban ng bayan sina Satur Ocampo, Crispin Beltran at Liza Maza noong 2001. Itinaguyod ng tatlong kinatawan ng Bayan Muna ang mga batas na pabor sa inaaping mga sektor ng bansa, gayundin ang mga batas kontra sa pangingibabaw ng mga dayuhan, pagprotekta sa karapatan ng mga manggagawa at magsasaka, at pagtaguyod sa karapatan ng kababaihan. Noong 2004, tatlong progresibong party-list ang nagwagi: Bayan Muna, Anakpawis at Gabriela Women’s Party. Lalo lamang lumawak ang impluwensiya at saklaw ng mga militante.

Taong 2007 nang muling magwagi ang nasabing tatlong partido, gayundin ang Kabataan Party-list. Pasok ang walong militanteng kongresista (2009 lamang nakaupo ang tatlo). Noong huling bahagi ng 2009, walong progresibong party-list ang nagpahayag ng intensiyong tumakbo. Kung magwawagi sila, lalo lamang lalakas at mas tatatag ang boses at paninindigan nila sa isang instisusyon ng dominado ng iilan.

Kontraktuwalisasyon at tanggalan, bago at sa panahon ng global financial crisis (2001 hanggang sa kasalukuyan)

Depensa sa tanggalan: rali ng mga manggagawa at maralita para depensahan ang trabaho at ipaglaban ang disenteng mga kondisyon dito. (Angelica Carballo / PW File Photo)
Depensa sa tanggalan: rali ng mga manggagawa at maralita para depensahan ang trabaho at ipaglaban ang disenteng mga kondisyon dito. (Angelica Carballo / PW File Photo)

Noong dekada ’90, sa panunungkulan ni Fidel Ramos, naging bukambibig ang salitang “globalisasyon.” Ayon sa pagpapakahulugan nito ng gobyernong Ramos, ito ay ang pagkakaugnay-ugnay ng mga bansa sa pandaigdigang komersiyo. Uunlad umano ang isang mahirap na bansa tulad ng Pilipinas sa pamamagitan ng pagpapaunlad sa kalakaran sa “comparative advantage” nito. Sa kaso natin, lakas-paggawa raw ang “comparative advantage” natin. Sa porma man ng pag-eengganyo sa mga manggagawa na mangibang bansa o sa porma ng murang lakas-paggawa sa loob ng bansa, ito umano ang dapat tuunan ng pansin ng gobyerno. Hindi ang pagtatag at pagpapalakas ng batayang mga industriya. Kung kaya ibinandera ng gobyernong Ramos hanggang Arroyo ang kontraktuwalisasyon ng lakas paggawa.

Matapos ang isang dekada, napatunayan ang pagkabangkarote ng neoliberal na framework ni Ramos. Sa pagbagsak ng ekonomiya ng US at iba pang mayayamang bansa, apektado ang trabaho ng mga migranteng Pilipino. Apektado rin ang trabaho ng mga manggagawang Pilipino sa mga multinasyunal na korporasyong malayang nagpapatakbo ng mga pabrika sa bansa. Hanggang sa kasalukuyan, hindi pa natitipon ng gobyerno ang aktuwal na datos ng tanggalan sa loob at labas ng bansa. Pero batay sa pag-aaral ng maraming independiyenteng institusyon, aabot na sa daan-libong migrante ang apektado. Daan-daanlibo rin ang lokal na mga manggagawang apektado sa bansa.

Samantala, patuloy ang pagpapatupad ng kasalukuyang rehimen sa mga polisiyang naglugmok sa manggagawang Pilipino sa abang kalagayan magmula pa noong nakaraang dekada.

Hello Garci, NBN-ZTE, Fertilizer scam, Diosdado Macapagal Boulevard, Jose Pidal at iba pang eskandalong kinasangkutan ni Arroyo (2001 hanggang kasalukuyan)

Mga rebelasyon ni Engr. Jun Lozada: Isa lamang sa maraming anomalyang kinasangkutan ng administrasyong Arroyo. (Boy Bagwis / PW File Photo)
Mga rebelasyon ni Engr. Jun Lozada: Isa lamang sa maraming anomalyang kinasangkutan ng administrasyong Arroyo. (Boy Bagwis / PW File Photo)

Sa siyam-na-taon niyang panunungkulan, walang taon na hindi nasangkot si Gloria Arroyo, ang kanyang pamilya at ang kanyang administrasyon sa mayor na anomalyang dapat sanang nagpatalsik na sa kanya. Taong 2002, naibunyag sa midya ang anomalya sa paggawa ng Diosdado Macapagal Boulevard sa Pasay City. Sa halagang P1.1 Bilyon na tinatayang overpriced nang P533-M, ito umano ang “pinakamahal na kalsada sa kasaysayan ng mundo.”

Naging hudyat ito ng sunud-sunod pang kontrobersiya. Taong 2003, inilantad ni Sen. Panfilo Lacson ang maanomalyang “Jose Pidal account” na diumano’y pinagsubihan ni First Gentleman Mike Arroyo para sa halalang 2004. Ang halalang iyon ang isa sa pinaka-kontrobersiyal sa kasaysayan ng bansa: Natalo ni Arroyo si Fernando Poe Jr. ng United Opposition nang lalampas lamang nang kaunti sa isang milyong boto.

Sa sumunod na taon, 2005, inilantad sa publiko ang recording ng mga pag-uusap sa telepono ni Komisyuner Virgilio Garcillano ng Commission on Elections (Comelec) at Arroyo. Lumalabas na inaareglo ng dalawa ang pandaraya ng resulta ng eleksiyon sa Mindanao, partikular sa teritoryo ng mga Ampatuan sa Maguindanao, para lumamang si Arroyo ng isang milyon kay Poe.

Samantala, nailantad din ang di-maipaliwanag na paggamit ng P798-M na fertilizer fund na hawak ni dating Undersec. Jocelyn “Jocjoc” Bolante ng Department of Agriculture. Pambili raw ng pataba para sa mga magsasaka ang pondo, pero naibunyag sa Senado na napunta sa pondo ni Arroyo sa halalang 2004.

Taong 2007 nailantad ang $130-M overpricing diumano sa kontrata sa pagitan ng National Broadcasting Network ng gobyerno at ng ZTE Corporation ng China. Kabilang sa nasangkot na kumita sa overpricing si Benjamin Abalos ng Comelec at — ibinunyag ni Joey de Venecia — First Gentleman Arroyo. Kinumpirma ito ng lumantad na telecommunications expert at tagapayo ni Romulo Neri na si Engr. Rodolfo Noel “Jun” Lozada Jr., dating chief executive officer ng Philippine Forest Corporation. Tinangkang dukutin si Lozada ng mga ahente ng gobyerno, at hanggang ngayo’y nahaharap sa samu’t saring kaso.

Marami pang kaso ang kinasangkutan ni Arroyo bukod dito: ang panunuhol diumano sa mga kongresista noong 2007 at 2008 para patayin ang impeachment complaint sa Kamara; ang power plant deal ni dating Justice Sec. Hernando Perez na overpriced daw ng $2-M; ang maanomalyang $503-M proyektong Northrail; maanomalyang kinahinatnan ng pondo sa road users’ tax; at marami pang iba.

‘Giyera kontra terorismo’ sa Mindanao (2001 hanggang sa kasalukuyan)

Tsekpoint ng mga sundalong Kano sa Basilan, taong 2002. (PW File Photo)
Tsekpoint ng mga sundalong Kano sa Basilan, taong 2002. (PW File Photo)

Matapos na atakehin ng mga terorista ang US noong Setyembre 11, 2001, isang “giyera kontra terorismo” na ang inilulunsad ng armadong puwersang Amerikano sa buong mundo. Sinimulan sa Afghanistan noong 2001 ang paghahanap diumano sa utak ng mga atake na si Osama bin Laden, tumuloy ang digmaan sa Iraq noong 2003. Dito, inakusahan ni US Pres. George W. Bush ang presidente ng Iraq, si Saddam Hussein, na nagtatago ng weapons of mass destruction. Sinakop ng tropang US ang Iraq, pero hindi nito nasakop ang diwa ng mga mamamayang Iraqi at Afghan, na kapwang naglulunsad ngayon ng giyerang gerilya laban sa mga mananakop.

Samantala, sa Pilipinas, agad na nagpahayag si Arroyo ng suporta sa “giyera kontra terorismo” ng gobyernong US. Katunayan, nagpadala pa ito ng mga tropa sa Iraq noong 2003 hanggang 2006. Noong 2002, inihayag ng US State Department na “pangalawang prente sa giyera kontra terorismo” ang Mindanao. Naging pokus ang lugar ng mga ehersisyong militar ng tropang US at Pilipino.

Walang tigil na madudugong mga operasyong militar ang inilunsad ng gobyernong Arroyo laban sa Abu Sayyaf, Moro Islamic Liberation Front, at Moro National Liberation Front mula 2002 hanggang sa ngayon. Noong Nobyembre 2001, nagdeklara pa ng state of lawlessness sa Sulu at Basilan para magsagawa ng malawakang pag-aresto nang walang mandamyento sa pinaghihinalaang mga terorista. Hanggang sa ngayon, hindi pa rin nareresolba ang mga kaso ng mayorya sa mga kinasuhan noon.

Sa sesesyunistang MILF naman, tila naging polisiya ng AFP ang probokasyon para matulak ang nauna sa armadong komprontasyon. Ehemplo nito ang probokasyon ng mga tropang militar noong 2008 nang ibasura ng Korte Suprema ang Memorandum of Agreement on Ancestral Domain ng gobyerno at MILF.

Pag-uusig kay Jose Maria Sison (2001 hanggang sa kasalukuyan)

Jose Maria Sison: Nilabanan ang samu't saring paratang sa kanya ng gobyernong Pilipino, Dutch, US, pati European Union. (Contributed Photo)
Jose Maria Sison: Nilabanan ang samu’t saring paratang sa kanya ng gobyernong Pilipino, Dutch, US, pati European Union. (Contributed Photo)

Taong 1987 pa lumikas ng bansa si Jose Maria Sison sa banta ng pag-aresto at asasinasyon ng mga ahente ng Estado. Pero sa kabila nito, hindi pa rin siya tinatantanan ng mga ito. Bilang tagapayo ng negotiating panel ng National Democratic Front of the Philippines naging aktibo si Sison sa usapang pangkapayapaan. Pero marahil, puntirya siya ng gobyernong Arroyo dahil sa patuloy na pagtuligsa niya sa naghaharing sistema at mga naghahari sa Pilipinas. Sa kabila ng pagkadistiyero niya sa The Netherlands mula 1987, pinaghihinalaan siya ng militar at gobyernong Arroyo na pinuno pa rin ng armadong rebolusyon sa Pilipinas.

Noong 2007, sa udyok ng gobyernong Arroyo ay patraydor na inaresto si Sison ng gobyernong Dutch. Ang kaso, pag-utos diumano sa pagpatay sa dating lider ng New People’s Army na naging ahente ng militar na si Romulo Kintanar noong 2006. Walang matibay na pruweba ang prosekusyon kaya nahimok ang korteng Dutch na palayain si Sison.

Kamakailan, naibasura na ang kaso laban kay Sison, at idineklara na siya ng European Union na “hindi terorista.” Sa kabila ng malupit na kalaban (gobyernong Pilipino, US, at Dutch at ang EU), nagtagumpay si Sison sa kanyang legal na laban. Nagpapatuloy pa rin siya sa paglabas ng mga pagsusuri sa pampulitikang kalagayan sa bansa at sa daigdig.

Protesta sa Oakwood (Hulyo 2003) at Manila Peninsula Hotel sa Makati (Nobyembre 2007)

Mga sundalong Magdalo, sa Oakwood Mansion, Hulyo 2003. (Boy Bagwis / PW File Photo)
Mga sundalong Magdalo, sa Oakwood Mansion, Hulyo 2003. (Boy Bagwis / PW File Photo)

Nagsawa na raw sila sa korupsiyon sa loob ng militar at gobyernong Arroyo. Umabot sa 321 armadong sundalo sa pangunguna ng junior military officers tulad nina Lt. Senior Grade Antonio Trillanes IV ng Navy, Capt. Gerardo Gambala ng Army, at iba pa, ang sumugod sa Oakwood condominium sa Ayala Center, Makati noong Hulyo 27, 2003 para ihayag ang kanilang pagtutol sa korupsiyon. Inihayag din nila ang pagkakasangkot ng Armed Forces sa pambobomba sa Mindanao para isisi sa mga rebeldeng Moro at paigtingin ang giyera roon. Matapos ang mga negosasyon, boluntaryong sumuko ang mga sundalo.

Apat na taon matapos ang nasabing kilos-protesta (binansagan ng midya na “mutiny” at tangkang kudeta, at binansagan din ang mga sundalong rebelde na “Magdalo”), senador na si Trillanes pero nakakulong pa rin. Nobyembre 2007, biglang nilayasan ni Trillanes ang pagdinig ng kanyang kaso sa korte sa Makati at, kasama si Gen. Danilo Lim (na inaakusahan ng hiwalay na kaso ng pagkakasangkot sa tangkang kudeta noong Pebrero 24, 2006) at iba pang sibilyang personalidad, ay sumakop sa Manila Peninsula Hotel. Hiniling nila ang pagkilos ng mga mamamayan at pagbitiw ni Arroyo. Puwersahang pinasok ng militar ang hotel at inaresto sina Trillanes, pati ang mga mamamahayag na nagkober ng naturang kaganapan.

Mahalaga ang mga pagkilos na ito dahil naipamalas dito ang matinding hidwaan sa loob ng AFP, at ang disgusto ng iilang opisyal sa loob sa tila malawakang korupsiyon sa loob ng militar at sa loob ng pamahalaang Arroyo.

Masaker sa Hacienda Luisita (Nobyembre 16, 2004)

Si Jesus Lava, matapos ang pagpapaputok ng tinaguriang "Yellow Army" at mga sundalo't pulis ng Hacienda Luisita, Nobyembre 16, 2004. (May Day Productions)
Si Jesus Lava, matapos ang pagpapaputok ng tinaguriang “Yellow Army” at mga sundalo’t pulis ng Hacienda Luisita, Nobyembre 16, 2004. (May Day Productions)

P9.50. Ito ang kinikita linggu-linggo ng bawat manggagawang bukid sa Hacienda Luisita ng pamilya Cojuangco. Sa pamumuno ng United Luisita Workers’ Union, nagwelga sila, kasama ang mga manggagawa ng asukarera ng asyenda. Naglabas ng Assumption of Jurisdiction order ang Department of Labor and Employment sa pamumuno ni Sec. Patricia Sto. Tomas. Noong Nobyembre 16, 2004, bala ang ipinantapat ng pamilya Cojuangco sa mga welgista. Pitong manggagawang bukid at tagasuporta nila ang patay. Sa sumunod na mga buwan, pito muli ang napaslang na mga lider, tagasuporta at welgista.

Si Sen. Benigno “Noynoy” Aquino III noon ang tagapagsalita ng pamilya Cojuangco noong panahon ng masaker. Inakusahan niya ang mga welgista na siyang nagpasimuno raw ng gulo sa piketlayn. Sa kabila ng malinaw na ebidensiya ng pananagutan ng manedsment ng asyenda at pamilya Cojuangco, hindi pa rin nabibigyang katarungan ang mga napaslang hanggang ngayon.

Gayunman, nagtagumpay ang mga welgista. Idineklara ng Presidential Agrarian Reform Council noong 2006 na di-makaturan ang pagpapatupad ng stock distribution option sa mga manggagawang bukid ng asyenda, at iniutos ang agarang pamamahagi ng lupa sa huli. Nilabanan ng manedsment ang desisyon sa Korte Suprema, na hindi pa rin nagdedesisyon sa kaso hanggang ngayon.

Pagpasa sa Expanded Value-Added Tax (2005)

VAT sa langis: Mabigat na pasanin ng mga mamamayan. (Ariston Valle / PW File Photo)
VAT sa langis: Mabigat na pasanin ng mga mamamayan. (Ariston Valle / PW File Photo)

Ipinasa sa Kamara at Senado ang pagtaas ng value-added tax mula sa 10 porsiyento sa mga binibiling mga produkto ng publiko tungo sa 12 porsiyento noong 2005. Ayon sa administrasyong Arroyo, kikita ang naturang dagdag sa buwis ng di bababa sa P90-B para sa susunod na taong 2006.

Siyempre, maraming tumutol sa naturang dagdag-buwis. Pangunahin ang mga militanteng grupo na nagsabing hindi kailangan ng mga mamamayan ng dagdag-pasanin sa panahong hindi bumubuti ang pang-ekonomikong kalagayan nila. Ipinagkakait ng administrasyong Arroyo ang P125 dagdag na arawang suweldo ng mga manggagawa sa pribadong sektor at P3,000 dagdag sa buwanang suweldo ng mga empleyado ng gobyerno.

Iminungkahi ng mga militante ang mas episyenteng koleksiyon ng dati nang isinisingil na mga buwis, tulad ng 10% VAT, at ang buwis sa malalaking negosyante. Sa ganitong pamamaraan umano mapupunan ang kakulangan sa pondo ng gobyerno. Siyempre, hindi ito pinakinggan ng administrasyon.

Patunay ang pagtulak ng EVAT sa determinasyon ng gobyernong Arroyo na ipatupad ang mga kondisyong ipinapataw ng pandaigdigang mga instisusyon ng patuang, partikular ang International Monetary Fund. Pagsapit ng Global Financial Crisis ng 2008 hanggang sa ngayon, napamalas ang kainutilan ng mga kondisyon at polisiyang itinutulak ng gobyernong US at ng mga tulad ng IMF.

Tangkang pagrepaso sa Saligang Batas (2005-2009)

Panukalang Charter Change ng gobyernong Arroyo: kahit kaila'y hindi naging popular sa mga mamamayan. (Ilang-Ilang Quijano / PW File Photo)
Panukalang Charter Change ng gobyernong Arroyo: kahit kaila’y hindi naging popular sa mga mamamayan. (Ilang-Ilang Quijano / PW File Photo)

Kung tutuusin, panahon pa ni dating pangulong Fidel Ramos noong 1997-98 itinutulak ang Charter Change (Cha-cha). Magmula noon hanggang ngayon, idinadahilan ang diumano’y mga kahinaan ng sistemang presidensiyal. Magmula noon, pangunahing tagatulak ng Cha-cha si Jose de Venecia na kaalyado ni Ramos.

Panahon ni Gloria Arroyo nang muling inungkat ang mga panukalang Cha-cha. Matindi ang pagtutol ng mga mamamayan, kabilang na ang maimpluwensiyang Simbahang Katoliko. Noong 2008, nang aminin ni Arroyo sa publiko ang pagsuporta niya sa mga panukala sa Kongreso na repasuhin ang Saligang Batas, malawakang protesta sa Ayala Avenue, Makati at Mendiola ang nailunsad. Rumenda ang Kamara noong 2008.

Pero taong 2009 nang muling inungkat ng ngayo’y House Speaker Prospero Nograles Jr. ang panibagong mga hakbang sa Cha-cha sa Kamara. Tutol ang maeetsapuwerang Senado sa isang constituent assembly. Muli, malawakan ang mga protesta.

Sa pagkakataong ito, wala na sa piling ng mga maka-Cha-cha ang oposisyonista nang si Rep. de Venecia. Inamin niya mismo na plano ni Arroyo na baguhin ang Saligang Batas para manatili sa poder lampas ng taong 2010. Sa isang senaryo, gusto ni Arroyo na mabura ang isang terminong limit sa mga presidente. Sa isa pang senaryo, maaaring matuloy ang halalan sa 2010, pero matapos ang halalan ay agad na ititipon ito bilang isang constituent assembly para baguhin ang Saligang Batas. Sa isang parlamentaryong sistema, maaari nang mahalal ang isang Punong Ministro sa hanay ng mga mambabatas. Kaya hindi nakapagtataka ang deklarasyon kamakailan ni Arroyo na tatakbo siya sa pagka-kongresista sa Pampanga.

Bukod pa sa naturang mga pagbabago, itinutulak din ng mga maka-Cha-cha ang pagtanggal sa mga probisyon sa Konstitusyon na paglimita sa pagpasok ng dayuhang kapital.

Proclamation 1017 (Pebrero 2006)

Pagsuporta ng tinaguriang "Batasan 5" sa noo'y detinidong kapwa progresibong mambabatas na si Rep. Crispin Beltran. (Angel Tesorero / PW File Photo)
Pagsuporta ng tinaguriang “Batasan 5” sa noo’y detinidong kapwa progresibong mambabatas na si Rep. Crispin Beltran. (Angel Tesorero / PW File Photo)

Isang malawakang pagkilos ang pinlano ng oposisyon at militanteng mga grupo noong Pebrero 24, 2006, ika-20 taong anibersaryo ng unang pag-aalsa sa Edsa. Pero inunahan ng administrasyon ang protesta sa pamamagitan ng pagdeklara ng state of emergency na tila nakapadron sa deklarasyong batas militar ng nasirang diktador na si Ferdinand Marcos.

Tulad ng batas militar noong 1972, isang malawakang crackdown ang naganap: inaresto ang nangungunang lider-oposisyon na si Anakpawis Rep. Crispin Beltran at kinasuhan ang militanteng mga lider at mambabatas na sina Satur Ocampo, Liza Maza, Teddy Casino, Rafael Mariano, at Joel Virador. Tinaguriang Batasan 5, nanatili sila ng ilang buwan sa proteksiyon ng Kamara sa kabila ng bantang pag-aresto ng gobyerno.

Naging hudyat ang proklamasyon para sa pagtindi ng legal na atake (matagal nang nagaganap ang extrajudicial na mga atake) sa kilusang masa matapos ang deklarasyong ito.

Subic rape case (2006-2009)

Ang biktima ng gahasang si Nicole, 2007. (Sarah Laza / PW File Photo)
Ang biktima ng gahasang si Nicole, 2007. (Sarah Laza / PW File Photo)

Madaling araw noong Nobyembre 1, 2006, isang babaing Pilipina ang natagpuan sa Subic Bay Freeport ng mga tagapangalaga ng seguridad ng lugar. Nakababa ang pantalon ng babae, at tila disoriented. Nang makuha ang kanyang salaysay ng mga awtoridad, napag-alamang ginahasa diumano siya. Apat na sundalong Amerikano ang itinuturong maysala: sina Chad Carpentier, Dominic Duplantis, Keith Silkwood, at Daniel Smith.

Kinasuhan ng lokal na mga tagausig ang mga Kano, na sakop ng RP-US Visiting Forces Agreement o VFA. At sa loob ng isang taon, pumokus ang atensiyon ng midya at madla sa kahindik-hindik na kaso ng panggagahasa ng apat na sundalong Kano sa isang Pilipina. Nakasaad sa VFA na maaari lamang hilingin ng gobyernong Pilipino ang kustodiya ng isang sundalong Kano na akusado ng krimen sa Pilipinas. Tulad ng inasahan, hindi pumayag ang embahadang Kano. Malawakang protesta ang inilunsad ng mga grupong pangkababaihan at makabayan, sa pangunguna ng Gabriela at Bagong Alyansang Makabayan.

Noong Disyembre 4, 2006 hinatulan ng korte sa Makati City si Smith na maysala sa panggagahasa. Pinawalang-sala ang tatlong iba pa, na agad namang nilipad ng gobyernong Amerikano pauwi sa kanilang bansa. Kinuha ng korte sa kustodiya nito si Smith, pero wala pang isang buwan nang iareglo ng Department of Justice na kunin ng embahada ng US ang kustodiya ni Smith.

Marso 2009, biglang naglabas ang biktima, pinangalanang si “Nicole,” ng pahayag na tila kumukuwestiyon sa nauna niyang mga pahayag sa panggagahasa. Noong Abril 23, 2009, binaliktad ng Court of Appeals ang desisyon ng nakabababang korte. Agad na inilipad si Smith pauwi ng US.

Mahalaga ang kaso dahil malinaw na naipamalas nito na labag sa batayang mga karapatan ng mga mamamayang Pilipino at sa Saligang Batas ang VFA. Ipinakita rin nito na tagibang pabor sa gobyernong US ang naturang kasunduan.

Pananalasa ng bagyong Ondoy at iba pang bagyo (Setyembre at Oktubre 2009)

Mapa ng Marikina River, at ang karatig na mga establisimyento at kabahayan na binaha nang dumating ang bagyong Ondoy noong Setyembre 26, 2009.
Mapa ng Marikina River, at ang karatig na mga establisimyento at kabahayan na binaha nang dumating ang bagyong Ondoy noong Setyembre 26, 2009.

Noong Setyembre 26, 2009, dumating ang bagyong Ondoy matapos ang halos isang linggo ng walang tigil na ulan. Ang resulta, aabot sa 90 porsiyento ng Kamaynilaan ang lubog sa baha. Binaha rin at nasalanta ang maraming probinsiya sa Timog Katagalugan at Gitnang Luzon. Kabilang ang pinaka-apektadong mga bahagi ang Marikina, Pasig, Cainta, at Calabarzon.

Mahigit 300 ang nabilang na patay, 5,000 katao mula sa 45 barangay ng iba’t ibang lungsod ang nakatipon ngayon sa mga evacuation center. Umabot sa P820 Milyon ang naitalang danyos sa imprastraktura, mga paaralan at sa sektor ng agrikultura.

Sinabi na ng Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services, Administration o Pagasa, na ito ang pinakamatinding baha na naitala sa kasaysayan. Dagdag pa ng tagapagsalita nito na si Nathaniel Cruz, nahigitan nito ang pinakamatinding baha sa bansa noong 1967 at katumbas ang pinagsama-samang ulan ng buwang ito.

Dahil sa malupit na dinanas ng mga mamamayan sa bagyong Ondoy, nailantad ang kainutilan ng pambansa at lokal na mga gobyerno sa paghahanda para sa sakuna. Naibalita ang paggastos sa marami sa mga pondong pangkalamidad bago pa man dumating ang bagyo. Walang pasilidad sa pagsasagip, at lalong walang sapat na imprastraktura para sa mga nagsilikas. Sa huli, umasa sa pandaigidigang ayuda ang gobyerno. Kahit ito, kinukuwestiyon ng marami kung napunta nga sa mga biktima.

Matapos ang bagyong Ondoy, muling sinalanta ang bansa ng malupit na bagyong Pepeng at Ramil. Mahigit 200 ang patay sa Hilagang Luzon, kabilang ang Benguet, Baguio City at Mountain Province sa pinakamatinding nasalanta. Flashfloods ang nagwasak sa marami sa mga komunidad sa naturang mga lugar. Walang magawa ang pamahalaan sa sunud-sunod na mga bagyo.

Pagpanaw ni Ka Bel (Mayo 2008)

Maituturing na isa sa pinakadakilang lider-manggagawa ng bayan si Crispin "Ka Bel" Beltran. (File Photo)
Maituturing na isa sa pinakadakilang lider-manggagawa ng bayan si Crispin “Ka Bel” Beltran. (File Photo)

Sa kanilang tahanan sa Bulacan isang umaga ng Mayo  20, 2008, inaayos ni Crispin Beltran ang trapal sa kanilang bubungan. Malapit na ang tag-ulan at nag-aalala siya na ulanin ang kanilang tahanan. Pababa mula sa bubong nang madulos siya, una ang ulo. Tinakbo siya sa ospital at sinikap na i-revive ngunit hindi na kinaya. Sa payak na pamamaraang ito namatay si Beltran, mas kilala sa publiko, sa kilusang makabayan at sa mga kamanggagawa bilang “Ka Bel.”

Oo nga pala, kongresista noon si Ka Bel, kinatawan ng Anakpawis Party-list. Bago nito, nangungunang progresibong lider siya, tagapangulo ng Kilusang Mayo Uno. Naging tagapangulo ng International League of Peoples’ Struggle. Kongresista siya noong nasawi, pero kaiba sa mga pulitiko ng ating panahon, buong panahong niyakap ni Ka Bel ang simpleng pamumuhay at puspusang pakikibaka. Sa kanyang pagkamatay, bumuhos ang paghanga mula sa madla, sa loob at labas ng bansa. Narito ang isang tapat na lingkod-bayan, anila. Isang bayani ng ating panahon na hindi malilimutan ng mga mamamayan kailanman.

Umiigting na ‘digmang bayan’ sa kanayunan (2000-kasalukuyan)

New People's Army: Lumakas sa kabila ng madurong programang kontra-insurhensiya ng gobyerno. (PW File Photo)
New People’s Army: Lumakas sa kabila ng madurong programang kontra-insurhensiya ng gobyerno. (PW File Photo)

Nagsimula ang dekada ng bagong siglo sa isang deklarasyon ng mga rebolusyonaryo: Tapos na ang kilusang pagwawasto sa mga kamalian ng nakaraan. Anila, nagtagumpay ang Communist Party of the Philippines sa pagsugpo sa iba’t ibang hibo ng kontra-rebolusyonaryong kaisipan at diwa sa loob nito, at magpapatuloy na ito sa pagsusulong ng naantalang armadong pakikibaka.

At naisulong nga. Mula sa limitadong bilang ng gerilyang prente noong dekada ’80, naabot nito ang mahigit 120 prenteng gerilya sa buong bansa. Sa unang bahagi ng bagong milenyo, itinuring muli ang New People’s Army, armadong puwersa ng CPP at National Democratic Front of the Philippines, bilang “pangunahing banta sa seguridad” ng Estado. Sa ilalim ng gobyernong Arroyo noong 2001, inilunsad ang dalawang magkakasunod na yugto ng Oplan Bantay Laya para supilin ang armadong rebolusyong naglalayong magpalaya sa mga magsasasaka at manggagawa sa bansa.

Target ng Armed Forces of the Philippines ang “signipikanteng” pagtapyas sa impluwensiya ng NPA pagsapit ng taong 2010. Pero sa pagsasara ng taong 2009, malinaw na nabigo ito. Samantala, sa pahayag nito sa anibersaryo ng CPP noong Disyembre 26, 2009, sinabi ng naturang partido na pinagpaplanuhan na nito ang ibayong pag-abante pa umano ng kanilang armadong pakikibaka. “Our current all-round strength as a Party is our basis for carrying out our tasks and plans for advancing the new democratic revolution and the people’s war from the stage of strategic defensive to that of strategic stalemate within the next five years,” ayon sa pahayag.

Pagtatapos ng implementasyon ng Comprehensive Agrarian Reform Program (2008)

Matapos ang 20-taong implementasyon ng CARP, magsasakang Pilipino hindi pa rin malaya sa piyudal na pagsasamantala. (Keith Bacongco/AKP Images)
Matapos ang 20-taong implementasyon ng CARP, magsasakang Pilipino hindi pa rin malaya sa piyudal na pagsasamantala. (Keith Bacongco/AKP Images)

Noong tumatakbo pa lamang sa pagkapangulo kontra kay Ferdinand Marcos, isa sa mga pangako ni Corazon Aquino ay ang repormang agraryo, ang pagpapalaya sa mga magsasaka mula sa piyudal na pagkaalipin ng mga panginoong maylupa. At nang mag-alsa ang mga mamamayan sa Edsa noong 1986, marami ang umasang matutupad ang kanyang pangako. Maging ang marami sa mga progresibo, umaasang mapapasimulan na ang pagbabago sa industriyang agraryo.

Si Aquino mismo, bilang miyembro ng pamilya Cojuangco na isa sa pinakamalaking panginoong maylupa sa bansa, ay nalimitahan ng interes ng kanyang angkan. Sa huli, ang tinaguriang “centerpiece” ng “rebolusyonaryong” gobyerno ni Aquino na Comprehensive Agrarian Reform Program na ipinasa noong 1987 ay nagmistulang bagong kasangkapan ng mga panginoong maylupa para mapanatili ang yaman. Samu’t saring probisyon ang nagagamit na palusot ng mga maylupa para ma-exempt ang kanilang mga lupain sa repormang agraryo. Kahit ang Hacienda Luisita ng mga Cojuangco, gumamit ng probisyon hinggil sa stock distribution option para makalusot sa pamamahagi ng kanilang lupain sa mga magsasaka sa asyenda.

Taong 2007 napaso sa wakas ang 20-taong pagpapatupad ng CARP. Naghain ng panukala ang Anakpawis Party-list at progresibong mga kinatawan sa Kamara ng “Genuine Agrarian Reform Bill.” Sa panukalang batas na ito, hindi na makakalusot ang mga panginoong maylupa. Samantala, pinalawig ng Kamara ang implementasyon ng CARP hanggang 2008. Nitong taong 2009 lamang, ipinasa sa Kamara ang pagpapatuloy ng implementasyon ng CARP. Pero may “reporma” diumano. Hindi pa rin naaalis – at napalakas pa nga – ang mga probisyong nagagamit ng mga panginoong maylupa para makalusot sa repormang agraryo.

Samantala, pinatulog ng Kongreso – na dominado ng mga panginoong maylupang pulitiko – ang GARB.

Pagpanaw ni Cory Aquino (Agosto 2009)

Ikinukumpara sa makasaysayang paghatid sa libingan ni Sen. Benigno Ninoy Aquino Jr. ang mahaba at mataong prosesyon ng labi ni Corazon Aquino hanggang sa huling hantungan. (Candice Reyes)
Ikinukumpara sa makasaysayang paghatid sa libingan ni Sen. Benigno “Ninoy” Aquino Jr. ang mahaba at mataong prosesyon ng labi ni Corazon Aquino hanggang sa huling hantungan. (Candice Reyes)

Isang kabanata sa kasaysayan ng bansa ang nagtapos nang mamatay si Corazon Aquino noong Agosto 1, 2009 sa sakit na kanser. Mula 1986 hanggang nang matapos ang termino niya noong 1992, malakas ang naging suporta sa kanya ng panggitnang uri sa lipunang Pilipino.

Bilang kinilalang pinuno ng unang pag-aalsa sa Edsa noong 1986, naging imahen kasi si Aquino ng pagbabalik ng pormal na demokrasya sa bansa. Pero tila napahahalagahan ng panggitnang uri ang pagiging imahen niya ng demokrasya, kahit na sa panunungkulan niya, maraming kontra-demokratikong mga polisiya ang nanaig: Tumindi ang militarisasyon at pampulitikang panunupil sa bansa, tumindi ang korapsiyon sa gobyerno, lalong naging dependent ang bansa sa dayuhang pamumuhunan at suporta.

Matapos ang termino ni Aquino noong 1992, nanatili sa pampublikong buhay ang dating pangulo. Sa panahong ito, lalong napalakas ang imahen niya bilang “ina” ng demokrasya: nanindigan siya laban sa pananatili sa poder ni Ramos lampas sa kanyang termino, gayundin ang korapsiyon ng gobyernong Estrada at Arroyo. Naging susing personalidad siya sa pagpapatalsik kay Estrada (na pinagsisihan umano niya, dahil lumala ang korupsiyon sa ilalim ni Arroyo) at sa mga panawagan para patalsikin si Arroyo.

Sa huli, masasabing makapangyarihan ang imahen ni Aquino sa madla dahil nabigyan ng mukha at boses ang hangarin ng mga mamamayan sa demokrasya at pagbabago, sa panahon ng matinding panunupil at katiwalian. Itong imahen na ito ang gustong dalhin ng tambalang Noynoy Aquino at Mar Roxas sa halalang 2010.

Pagtatag ng Makabayan at pagtakbo nina Satur Ocampo at Liza Maza sa Senado, at pakikipag-alyado sa Nacionalista Party (Nobyembre-Disyembre 2009)

Pag-endorso ng Makabayan kina Sen. Manny Villar at Sen. Loren Legarda: Una sa kasaysayang ng Kaliwa. (KR Guda)
Pag-endorso ng Makabayan kina Sen. Manny Villar at Sen. Loren Legarda: Una sa kasaysayang ng Kaliwa. (KR Guda)

Labindalawang taon matapos mabigong manalo ang mga progresibo sa Senado sa ilalim ng Partido ng Bayan (PnB), muling sinuong ng Makabayang Koalisyon ng Mamamayan (Makabayan) ang hamon. Tatlong sunud-sunod na eleksiyon na ang matagumpay na lumahok ang progresibong mga party-list, napapanahon ang paglahok ng Makabayan sa susunod na halalang 2010.

Noong Nobyembre 2009, idineklara ng Makabayan ang dalawang progresibong kandidato na patatakbuhin nito sa pagkasenador sa halalang 2010: sina Bayan Muna Rep. Satur Ocampo at Gabriela Rep. Liza Maza.

Isa sa susing leksiyon ng mapait na karanasan ng PnB ay mas malapad na pakikipag-alyansa ang kailangan ng mga progresibo para mapalakas ang kanilang tsansa sa eleksiyon . Sa panahong di pa naaabot ng kilusang progresibo ang sapat na bilang ng organisadong mga mamamayan para maipagwagi ang kanilang mga kandidato, kailangan umanong makipag-alyado sa pambansang mga kandidato. Mahalagang kaisa sa plataporma ang mga kandidatong ito.

Matapos ang matagal na negosasyon noong huling bahagi ng 2009, idineklara ng Makabayan ang pakikipag-alyansa sa Nacionalista Party ni Sen. Manny Villar. Ayon kay Ocampo, tanging si Villar lamang sa mga kandidato sa pagkapangulo ang nakapagkomit ng isang makabayang plataporma na malapit sa plataporma ng mga progresibo.

Makasaysayan din ang pag-endorso ng Makabayan kay Villar at sa running mate niyang si Sen. Loren Legarda dahil unang pagkakataon ito na nag-endorso ang tinaguriang Kaliwa ng kandidato sa pagkapangulo.

Masaker sa Maguindanao (Nobyembre 23, 2009)

Masaker sa Ampatuan, Maguindanao: Huli lamang sa mahabang rekord ng culture of impunity sa panahon ng administrasyong Arroyo. (Nonoy Espina)
Masaker sa Ampatuan, Maguindanao: Huli lamang sa mahabang rekord ng culture of impunity sa panahon ng administrasyong Arroyo. (Nonoy Espina)

Walang katapat sa kasaysayan ng bansa — maging sa kasaysayan ng mundo — ang masaker sa Maguindanao noong Nobyembre 23, 2009.

Umabot sa 57 katao ang pinaslang ng pinaghihinalaang mga tauhan ni Datu Unsay Mayor Andal Ampatuan Jr. Ang mga pinaslang ay nasa konboy ng mga sasakyan patungong Shariff Aguak, Maguindanao para maghain ang asawa at mga kaanak ni Vice Mayor Toto Mangudadatu ng Buluan, Maguindanao ng certificate of candidacy para kalabanin si Ampatuan Jr. Sa pagkagobernador ng Maguindanao. Sa 57, umabot sa sa 31 ang mga mamamahayag na sumama para magkober sa makasaysayang kaganapang ito. Makasaysayan dahil mistulang kaharian ng mga Ampatuan ang Maguindanao (buong ARMM pa nga). Walang kumalaban sa mga Ampatuan sa pagkagobernador noong nakaraang mga halalan. At saka, mahigpit na tagasuporta ng administrasyong Arroyo ang mga Ampatuan.

Noong 2004, siniguro ng nakatatandang Gob. Andal Ampatuan Sr. ang pagwagi ni Arroyo sa Maguindanao. Noong 2007, tinawag niyang “Arroyo country” ang Maguindanao; walang nakuhang boto sa probinsiyang ito ang mga oposisyunistang kandidato sa pagkasenador. Sinasabing sa dalawang eleksiyong ito, ginamit ng mga Ampatuan ang poder para dayain ang halalan pabor sa mga Arroyo.

Tinaguriang “paglilitis ng bagong milenyo” ang mga pagdinig ngayon sa mga Ampatuan. Mananaig kaya ang presyur ng midya at mga mamamayan para mabigyang hustisya ang masaker? O mananaig ang pagkakaibigang Arroyo at Ampatuan (sa salita ng dating tagapagsalita ng Malakanyang na si Lorelei Fajardo)? Kung totoong tinulungan ng mga Ampatuan ang mga Arroyo na dayain ang nakaraang dalawang halalan, masasabing may alas sila laban sa rehimen, at malamang na gamitin nila ito para makalusot sa pananagutan sa kanilang mga krimen.