Lathalain

Mula sa kabundukan ng Gitnang Luzon, bitbit ang pagtutol

lakbayan 162

Si Victor Castillo, kasama sa daan-daang magsasaka mula sa iba't ibang probinsya sa Hilagang Luzon na sumama sa Pambansang Lakbayan para sa Lupa at Katarungan. (Soliman A. Santos)

Tatlong oras ang nilakad ni Victor Castillo, chieftain ng Sitio Tilyin, Brgy. Sta. Juliana, Capas, Tarlac, kasama ng 20 pa niyang katribu, pababa nang bundok para lamang makarating sa baryo. Mula sa baryo, sumakay sila ng traysikel papunta sa bayan ng Capas para naman sumanib sa iba pang mamamayan ng Tarlac. Bagamat mahaba-haba na ang nilakad, hindi nila inalintana ang pagod. Mas malayo pa ang lalakbayin.

Isa si Victor sa daan-daang magsasaka na sumama sa tinaguriang Pambansang Lakbayan ng Anakpawis para sa Lupa at Katarungan. Nagsimula ang Lakbayan mula sa hilaga noong Enero 16 at nilahukan ng mga magsasaka at manggagawang-bukid mula sa rehiyon ng Cagayan Valley, Ilokos, at Gitnang Luzon. Sa katimugang bahagi ng bansa, naglakbay rin ang mga magsasaka mula sa Mindanao, Visayas, Bicol, at Timog Katagalugan.

Mga kabataang namimigay ng pagkain sa mga magsasaka habang saglit na namamahinga. (Soliman A. Santos)

Mga kabataang namimigay ng pagkain sa mga magsasaka habang saglit na namamahinga. (Soliman A. Santos)

Ayon kay Victor, sumama sila sa Lakbayan para ipanawagan ang pagpapatigil ng Balug-Balug Dam na makakaapekto sa kanilang tirahan at kabuhayan. “Ayaw naming matulad ang aming lugar at mga mamamayan sa nangyari sa Chico Dam”, paliwanag niya nang makapanayam ng Pinoy Weekly sa ikaapat na araw ng martsa. Nasa isang simbahan sila noon sa Meycauayan, Bulacan para matulog.

Kung matutuloy ang proyektong dam, palalayasin sina Victor sa lugar na aniya’y naging tirahan na ng kanilang mga ninuno. Kabilang siya sa grupong Aberlin, isa sa mga grupo ng mga katutubo sa kabundukan ng Tarlac. Kuwento pa niya, nagsimula nang magsukat ang mga tauhan ng gagawing dam sa kanilang lugar. Nagsimula ang proyekto noon pang 2004, pansamantala lamang itong natigil dahil na rin sa pagtutol ng mga mamamayan. Pero sinabi umano sa kanila na tatapusin ang dam sa taong 2012. Paliwanag sa kanila ng mga taga-lokal na gobyerno, itatayo ang dam para magsilbing irigasyon para sa mga magsasaka.

Bago ang proyekto, nagtatanim ng palay at mga gulay ang mga Aberlin sa kabundukan. Ang palay na kanilang inaani ang siya na nilang kinakain. Para magka-ulam, nangingisda sila sa mga ilog o kaya nama’y “namumuso”. Nangunguha sila ng puso ng saging at ibebenta sa baryo sa halagang P50 kada sako.

Sinalubong ang hilagang bahagi ng Lakbayan ng mga grupo sa National Capital Region sa Monumento, Kalookan noong Enero 20. (Soliman A. Santos)

Sinalubong ang hilagang bahagi ng Lakbayan ng mga grupo sa National Capital Region sa Monumento, Kalookan noong Enero 20. (Soliman A. Santos)

Pero nabulabog ang katahimikan nang pumasok sa eksena ang proyekto. Bukod sa pinangangambahan nilang panganib na lilikhain ng dam – tatlong malalakas na ilog, ani Victor, ang haharangan ng pinaplanong dam – nagsimula rin umano ang pagdalas ng mga militar sa kanilang lugar. May pagkakataon na hinarang umano siya ng mga sundalo, hinahanapan siya ng ‘sulat’ na diumano’y dadalhin sa mga rebeldeng New People’s Army.

Bagamat aminado si Victor na mahirap ang buhay sa bundok, wala umano silang balak na umalis sa kanilang lugar. “Wala na kaming pupuntahan. Wala na kaming ibang pagpipilian kundi ipaglaban ang aming buhay at tirahan,” ani Victor. Sabi pa niya, hindi nila iiwan ang lupaing minana pa nila mula sa kanilang mga ninuno.

Nang gabing iyon, ipinahinga ni Victor at kanyang mga kasama ang katawan. Kailangang magpahinga. Kailangan ng lakas para sa susunod pang mga umaga. Malayo na ang kanilang nalakbay, pero kailangang magpatuloy.

Nang sumunod na araw, sinalubong sila ng iba’t ibang organisasyon sa Monumento sa Kalookan, bandang alas-dos ng hapon. Doon sila matutulog para kinabukasan nama’y sumanib sa silangang bahagi ng Lakbayan. At sa susunod na araw, Enero 22, ika-23 anibersaryo ng Mendiola Massacre, muli nilang padadagundungin ang tulay ng Mendiola.

  • Share/Bookmark

Related posts:

  1. Mga Larawan: Makasaysayang martsa ng mga magsasaka mula Mindanao, Hilagang Luzon tungong Mendiola
  2. Mga larawan: Mahabang martsa ng magsasaka, mula Calamba hanggang Baclaran
  3. Mga larawan: Pagtulak mula Mindanao ng mga magsasaka, sa unang 2 araw ng Pambansang Lakbayan
  4. Bayanihan at kamulatan sa mga biktima ng bagyo sa Gitna’t Hilagang Luzon
  5. Kalayaan mula sa gutom at lason

Discussion

No comments for “Mula sa kabundukan ng Gitnang Luzon, bitbit ang pagtutol”

Post a comment

Opinyon

Neoliberalism Reloaded

(1) Sa hanay ng mga kapanalig ni Presidente Noynoy Aquino, may isang paraan para mapag-iba ang mga sagad-sagarin sa mga kahit paano’y kritikal kung magsuri, iyung may katapatan pangunahin sa pangulo at iyung pangunahin sa bayan: Paano nila hinuhusgahan ang unang State of the Nation Address ni Noynoy? Kung puro papuri, nakahanay sila sa nauna; kung kahit paano’y may papitik-pitik na pagpuna, sa ikalawa.

Read on