Pinoy Weekly

Tunay na reporma sa lupa: Pambansang usaping dapat pag-alabin

Matingkad ang pagkakaiba ng karangyaan ng lungsod, at ng karalitaan ng mga magsasakang mula sa kanayunan. (Ilang-Ilang Quijano)

Matingkad ang pagkakaiba ng karangyaan ng lungsod, at ng karalitaan ng mga magsasakang mula sa kanayunan. (Ilang-Ilang Quijano)

Sa di-mabilang na bayan at lungsod na dinaanan ng mga magsasaka, ramdam na may paparating na halalan. Nangangako ang lahat ng “pagbabago”—mula sa mga lokal na pulitiko na nakapaskil ang litrato sa mga puno sa probinsya, hanggang sa mga kandidato sa pagkapangulo na ang ngiti’y nakabandera sa likod ng nagdaraang mga bus sa Maynila.

Para sa mga magsasaka na lumahok sa Pambansang Lakbayan para sa Lupa at Hustisya na nagsimula noong Enero 12, heto lamang ang maghahatid ng tunay na pagbabago: ang tunay na reporma sa lupa. Nais nilang ipatupad ito. Nais nilang mapag-usapan man lamang ito, sa panahon ng halalan kung kailan iba’t ibang solusyon sa problema ng kahirapan ng bansa ang inihahapag ng mga nais maupo sa puwesto.

Isa ang Lumad na ito sa libu-libong magsasakang sumama sa Pambansang Lakbayan. (King Catoy/May Day Productions)

Isa ang Lumad na ito sa libu-libong magsasakang sumama sa Pambansang Lakbayan. (King Catoy/May Day Productions)

Dahil hindi nawawala, at umiigting pa nga, ang problema ng kawalan ng lupa at kahirapan sa malawak na kanayunan. Tinatayang pito sa 10 magsasaka ang walang sariling lupa—at sa isang bansang agrikultural gaya ng Pilipinas, mayorya ito ng mamamayan.

Ang lupa, nakakonsentra sa kamay ng mga panginoong maylupa (kung kaynino ibinibigay ng mga magsasaka ang kalahati ng kanilang ani), na sila ring humahawak ng pinakamatataas na posisyon sa gobyerno. O di kaya’y ibinibenta mismo ng gobyerno ang lupa sa mga dayuhang korporasyon—kaya nga itinutulak ni Pangulong Arroyo ang Charter Change, na bibigyang-daan ang 100% dayuhang pag-aari sa lupa.

Bigo ang Comprehensive Agrarian Reform Program sa pamamahagi ng lupa sa maliliit na magsasaka. At sa lahat ng indikasyo’y mabibigo rin ang limang taong ekstensiyon nito.

Kaya’t patuloy ang pagpapalayas sa mga magsasaka. Hanggang sa sila’y maging manggagawang-bukid na sumasahod ng pinakamasahol (mula P23 hanggang P40 kada araw), hanggang sa sila’y maging mga maralita sa lungsod na masisikip at walang naiaalok na trabaho, hanggang sa sila’y mapilitang iwanan ang kanilang mga pamilya at mangibang-bansa.

Maraming matingkad na kasong nagpapakita ng ganitong problema sa lupa. Sa Hacienda Luisita sa Tarlac City, muling pinapalayas ng pamilya Cojuangco ang mga magsasaka. Sangkot sa pangangamkam ng lupa ang mga opisyal ng gobyerno, gaya ni Rep. Luis Villafuerte sa San Miguel, Bulacan; at Ret. Court of Appeals Justice Vicente Veloso sa Tacloban City at Leyte.

Pero tila wala sa adyenda—maliban sa ilang progresibong mambabatas na simula’t sapul ay kumakatawan sa mga sektor na mardyinalisado—ng mga kandidato ang pagtugon sa problemang ito. Sangkot pa nga ang pamilya ng nangungunang kandidato sa pagkapangulo, si Sen. Noynoy Aquino, sa masaker at sigalot sa lupa sa Hacienda Luisita. Ang pamilya Araneta naman na kamag-anak ng kandidato sa pangalawang pangulo na si Sen. Mar Roxas, pinapalayas ang mga magsasaka sa San Jose Del Monte, Bulacan para bigyang daan ang MRT 7 at pagtayuan ng mga mall at condominium.

Sinunog ng mga magsasaka ang kopya ng Carper sa harap ng bahay ni House Speaker Prospero Nograles sa Davao City. (King Catoy/May Day Productions)

Sinunog ng mga magsasaka ang kopya ng Carper sa harap ng bahay ni House Speaker Prospero Nograles sa Davao City. (King Catoy/May Day Productions)

Gayunpaman, magigiting ang ating mga magsasaka. Hindi sila papayag na malunod ang kanilang lehitimong mga karaingan sa artipisyal na ingay hinggil sa pagbabago, sa panahon ng halalan.

Isa pa, panahon ito ng kanilang paniningil kay Pangulong Arroyo, na ang rehimen ang naghasik ng pinakamabagsik na terorismo sa hanay ng mga magsasaka. May 561 magsasaka, karamiha’y lider ng progresibong mga samahan, ang pinaslang ng mga ahente ng Estado. May 347 ang kinasuhan ng gawa-gawang mga kasong kriminal at sibil. Layunin nitong supilin ang kilusang magsasaka, na siyang tanging nagsusulong ng tunay na reporma sa lupa, sa kawalan ng pagpapatupad nito sa ilalim ng batas.

Ito ang mga dahilan kung bakit libu-libong magsasaka ang dumagsa sa paanan ng Malakanyang ngayong Enero 22, ika-23 anibersaryo ng Mendiola Massacre. Gaya ng mga magsasakang nabuwal sa Mendiola noon, iniaalay nila ang kanilang buhay sa laban para sa tunay na reporma sa lupa, pakinggan man sila o hindi ng gobyerno.

Kilalanin ang tinaguriang mga Lakbayani:

Lakbayani: Patotoo ng kahirapan at dahas sa kanayunan

Mula sa kabundukan ng Gitnang Luzon, bitbit ang pagtutol

Subaybayan ang kanilang paglalakbay:

Bandang alas-singko ng madaling araw noong Enero 13, tumulak mula Davao City ang tinataguriang mga "lakbayani," patungo sa Butuan City, Surigao del Sur. (King Catoy/May Day Productions)


Mga larawan: Pagtulak mula Mindanao ng mga magsasaka, sa unang 2 araw ng Pambansang Lakbayan

Mga larawan: Pagdating sa Visayas ng mga ‘Lakbayani’

Mga larawan: Papaigting na panghaharas sa Pambansang Lakbayan

Mga larawan: Paglapit ng Lakbayan sa Maynila, sa kabila ng panghaharang

Mga larawan: Mahabang martsa ng magsasaka, mula Calamba hanggang Baclaran

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=5921

Posted by on Jan 22 2010. Filed under Istorya ng Linggo, Lathalain. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Multimedia

Log in | Designed by Gabfire themes